Ulat sa Lalawigan Of the Honorable Governor ARACELI BERNARDINO-WONG, July 2014
posted 15-Aug-2014  ·  
13,572 views  ·   1 comments  ·  

Minamahal kong kababayan.

Unang araw  ng Hulyo ang unang anibersaryo ng aking panunungkulan bilang inyong Gobernador. Buong puso kong tinanggap ang hamon ng isang lingkod-bayan. Ngayon ay isang taon na nating tinatamasa ang isang administrasyong makatao, marangal, patas at puno ng pag-asa.

Katulad ng isang yagit, nasumpungan ng bawat isa sa atin ang isang tahanang masaya at punung-puno ng pagmamahal. Ngayon ay lubos ang ating kalayaan. Bawat isa ay nakikibahagi sa pagbigay ng kaayusan at kaunlaran sa ating bayan.

Tunay na hindi madali ang mag-umpisa sa kahit na anong bagay lalo na kung ito’y hindi mo nakasanayan. Subalit dahil sa aking mga minamahal na kasama, natutunan ko ang lahat ng bagay na kailangan kong gampanan. Nais kong banggitin ang mga sumusunod na pangalan, mga grupo at mga tanggapan na naging bahagi ng aking bawat hakbang sa loob ng aking isang taon dito sa kapitolyo. This administration is bound to achieve its agenda through the collective sacrifices and efforts of the following:

Vice-Gov. Bong Teves                                   

Members of the Sangguniang Panlalawigan

Mayors of 11 municipalities

Sangguniang Bayan

Barangay Heads and Councils

Heads of different offices - Provincial and National Offices

And of course, hindi ko pwedeng kalimutan ang malaking ambag ng ating Kagalang-galang na Congressman sa pag-unlad ng ating lalawigan. Ito na nga ang panahon upang ang lahat ng namumuno ay magkaisa sa pagtupad ng mga pangarap n gating kababayan.

Sa loob ng isang taon, ako ay naging abala at naging masaya sa paglilingkod. Sinikap natin na mailagay sa ayos ang bawat sistema. Naging mas madali ang serbisyo at may pananagutan ang bawat isa.

Sa unang araw ng aking pag-upo ay mistulang dinaanan ng isang ipu-ipo ang Governor’s Office. Walang mesa, walang upuan, wala kahit isang paper clip ang natira. Agiw at katakut-takot na basura ang dinatnan natin, na hanggang ngayon ay patuloy nating nililigpit. Katulad na lamang ng tila trahedya sa:

  • EBMC - Kung bakit tila ako ngayon ang inuusig at pinuputukan ng kanilang galit kung bakit economic enterprise sila. Hindi ko gusto ang kombersiyon ng EBMC bilang Eco-Enterprise. Hindi ko gusto na walang gamot para sa ating mga pasyente o pang-sweldo sa ating mga medical workers. Hiniling ko na ito ay mapag-usapan ngunit hindi kayo nakinig at binigyan ninyo ako ng kaso.
  • KURYENTE - Isa sa pinakamatanda nang problema natin ay ang hindi pagkakaroon ng stable power supply. Kamakailan ay naging malala ito, ngunit ganoon pa man, sa ating sama-samang pagkilos ay natugunan naman natin pansamantala ang pangangailangan sa kuryente.

 

Sa Ficelco, sa board of directors, sa Napocor at iba pang ahensiyang may kinalaman sa power industry, let us all sit down upang ayusin na ang problema sa kuryente.

  • BIGAS - Dati ay hindi masikmura ang klase ng bigas na ipinapasok dito sa atin sa Catanduanes. Ito ay naging paksa ng aking protesta, at ngayon ay gusto kong magpasalamat sa NFA sapagkat maayos na ang bigas na nakararating sa atin.
  • TUBIG - Marami sa ating mga kababayan ang nagpaparating din ng reklamo sa suplay ng tubig sa kani-kanilang barangay. Ang VIWAD ay nangangako naman na pag-iibayuhin nila ang kanilang serbisyo. Bigyan natin sila ng kaunti pang panahon.
  • CENTERMALL - Oo nga maganda na ang lugar at may Jollibee na, ngunit ang masaklap nito, may business na nga ang Centermall subalit hirap namang magbayad ng obligasyon na kahit abutin ng 50 taon, hindi kayang bayaran ang humigit-kumulang 116Milyong piso na ginugol sa construction nito. Utang pa naman yon. Pasanin ng bawat Juan at Juana ng Catanduanes - hanggang mahigit 50 taon.
  • PEACE AND ORDER - Akala natin malayo sa kabihasnan ang Catanduanes - totoo naman yon ngunit kumpleto din ang lalawigan natin sa lahat ng krimen. Araw-araw patuloy din tayong nakikipaglaban sa mga masasamang elemento ng lipunan.

Mga kababayan, buong pagpapakumbaba kong inihahandog sainyo ang bunga ng aking pagpupunyagi sa loob ng nakalipas na isang taon. Ito ay alay mula sa aking puso…para sa inyo.

WELFARE

Education - Ngayong pasukan ay inilunsad natin ang malawak at malaking scholarship program - ang College Education and Livelihood for the Youth Program. Sa opisyal na datos ng ating tanggapan, mahigit dalawang-libong mag-aaral sa kolehiyo ang nabiyayaan ng ating programa.  Kabuuang 14 Milyong piso ang alokasyon natin sa programang ito, doble sa naging alokasyon sa mga nakaraan. Ito ay upang masiguro na mabibigyan ng puwang ang bawat isa in completing higher education. It remains my continuing priority of producing a graduate from every Catandunganon family.

Gusto kong banggitin ang ating special education program  para sa mga estudyanteng naka-enroll sa Agriculture and Fisheries. Sila ay kailangang maitaguyod sapagkat ang mga katulad nila ang kailangan natin upang mapaangat ang kaalaman ng mga kababayan natin para sa makabagong mga paraan ng pangingisda at pagsasaka.

Ang ating mga scholars ay nag-aaral ngayon sa Catanduanes State University, Catanduanes Colleges, Christian Polytechnique Institute of Catanduanes (CPIC), Catanduanes Computer Learning Institute (CCLCI), Catanduanes Institute of Technology Foundation, Inc. (CITFI) at Hauswirtschaft Training Institute (HTI).

Maintained po ang paglalaan natin ng pondo para sa iba pang school-based programs. Batay sa ating Annual Investment Plan para sa taong ito, may itinabi tayong 1.4 milyong piso para sa pupils or students development.

At sa ating patuloy na paggabay sa ating mga mag-aaral, naglibot po tayo noong pasukan at namigay ng mga school supplies sa ating mga kabataan. Bagaman munting ayuda lamang ito, ang mahalaga ay naipadama natin sa kanila ang ating pagmamalasakit at pagsisikap na sila ay abutin.

Health - Sa kalusugan, nagkaroon po tayo ng malalaking achievement ngayong taon. Kamakailan ay ipinagdiwang natin ang karangalan nang maideklarang Filariasis-free province ang Catanduanes. Ito po ay higit na nagbigay sa atin ng kapanatagan at kaligtasan para sa nasabing sakit. Naniniwala ako na sa isang malusog na pamayanan umaahon ang kaunlaran.

Ngayon ay puspusan ang ating pagsisikap na maideklara rin tayong rabies-free sa susunod na taon. Lahat ng alituntunin ay tinutugunan natin upang magkaroon ito ng katuparan. Mas masarap mabuhay kung tayo ay ligtas.

Samantala, sa isang buong taon ng ating panunungkulan, katuwang ang Provincial Health Office, natupad natin ang mga sumusunod:

  • Expansion of Viga District Hospital - 1.8M
  • Expansion of JMA Hospital - 1.8M
  • Expansion of Pandan Hospital - 1.6M
  • Expansion of Viga Rural Health Unit - 1.2M
  • Expansion of San Miguel Rural Health Unit - 1.32M
  • Upgrading of Barangay Health Stations - 2M

Nagbigay din tayo ng karampatang gamot upang masugpo at maiwasan ang nakamamatay na dengue. Kalakip nito ang dengue awareness campaign na walang patid nating ibinababa sa kanayunan.

Iba’t-ibang health-related activities ang idinaos natin ngayong taon katulad ng  Women’s Health Summit, Bicol Regional Sanitarians Convention, Buntis Congress and various mobile blood donations.

Security - Layunin ng pamunuang ito na maging isang matatag na sandigan ng sambayanan. Anupa’t lahat ay pilit nating inaabot maidulot lamang ang isang sapat at maaasahang pamahalaan.

  • FOOD SECURITY - Ang ating gobyerno sa pamamagitan ng NFA ay nakapag-imbak na ng sapat na pagkain na kailangan natin hanggang sa kabuuan ng taon. Tiniyak sa atin ng pamunuan ng NFA na hindi tayo magkukulang. Ang kanilang bigas ay nananatiling de-kalidad at abot-kaya ng ating mga kababayan. Ipinaabot natin sa regional office ang ating kahilingan na mabigyan tayo rito ng matinong klase ng bigas. Ngayon ay natugunan na ang kahilingan nating ito.

 

Sa kabilang dako, magpasalamat tayo sapagkat hindi tayo gaanong naapektuhan ng bagyong si Glenda. Minimal din lamang ang naging damage ng bagyo sa ating agrikultura. Ibig sabihin, patuloy tayong magkakaroon ng ani, patuloy na hindi kakalam ang ating sikmura.

  • POWER SECURITY - Sa loob ng nakalipas na buwan, iisa po ang sentimiyento natin tungkol sa suplay ng kuryente sa ating lalawigan. Tunay na hindi kasiya-siya.

 

Pinilit nating masulusyunan kahit pansamantala ang problema sa pamamagitan ng paghihimok ng mga bagong power providers. Kahit papano, ngayon ay nagkaroon na tayo ng ilang bagong gensets at kahit papano’y naibsan ang ating pasanin sa kuryente. Panimula pa lamang ito sapagkat patuloy nating tinitingnan ang paglikha ng ilan pang paraan upang matugunan ang problemang ito. Katunayan ay kinu-konsidera natin ang bumili ng malaking genset na magiging pag-aari ng ating lokal na pamahalaan. Ang hakbang na ito ay alinsunod sa resolusyon ng ating Sangguniang Panlalawigan na naglalayong mapatatag ang suplay ng kuryente sa ating lalawigan. Palakpakan po natin ang Sangguniang Panlalawigan sa pamumuno ng ating magiting na bise-gobernador Jose ‘Bong’ Teves, Jr.

  • DISASTER PREPAREDNESS - Sa kabuuan, masaya ako sa naging pamamahala ng provincial government sa katatapos lamang na bagyong si Glenda. Palakpakan po natin ang ating mga sarili sapagkat nakamit natin ang zero-casualty target.

 

Walang humpay ang ginagawang pagsasanay ng Disaster Risk Reduction and Management Team sa pamumuno ni Jerry Beo upang walang buhay na mapapahamak sa panahon ng kalamidad. Maliban sa mayroon na tayo ng mga inaasahang first responders team, unti-unti na ring naku-kompleto ang ating mga gamit na lubhang kailangan sa pagtugon sa anumang uri ng emergency.

Idagdag pa ang umaabot sa 25 iba’t-ibang infra projects on disaster prevention.

 

Taos-puso ang aking pasasalamat sa Coast Guard sa apat (4) na speedboats na ibinaba nila sa ating probinsiya. Malaking tulong ito hindi lamang sa panahon ng sakuna kundi maging sa pagtaguyod ng kaayusan sa dagat araw-araw.

 

Noong bagyong si Glenda, nabahala ako nang ma-isolate ang Catanduanes pagdating sa komunikasyon. Palibahasa nga nasa Maynila ako, telepono lamang ang naging paraan ko upang ma-monitor ang ating lalawigan, at ito rin ang paraan upang makapagbigay tayo ng mga tagubilin sa ating mga naatasang tagapamahala.

 

Nang makipag-ugnayan sa akin ang NDRRMC, tinanong nila ako kung anu-ano ang mga pangangailangan ng Catanduanes - sabi ko sa madali ay ibalik ninyo ang komunikasyon sa Catanduanes. Hindi nga naglipat-araw ay nagkaroon na ng signal ang ating mga telepono. Sa mga binagyong lugar, una po tayong nagkaroon ng komunikasyon.

 

Hindi pa man tumatama si Glenda ay puspusan na ang naging paghahanda natin sa mga pagkaing ihahatid sa malalayong bayan ng ating lalawigan. Salamat sa pagsisikap ng ating social worker, Ms Delia Bernal, sa pagtataguyod ng isang maayos at mabilis na relief operations. Ganoon din, nais kong pasalamatan ang ating finance offices, ang Budget, Treasurer and Accounting sa mabilis na paglalabas ng pondo sa panahon ng emergency. At syempre, gusto kong kilalanin ang isang impresibong performance ng ating bagong Provincial Administrator, Dr. Santos Zafe, who acted on my behalf sa kasagsagan ng unos. Ganoon din sina PBM Gregorio Angeles at PBM Sonny Francisco.

 

  • PEACE AND ORDER - Pag-usapan natin ang droga sa Catanduanes. Without us taking immediate and corrective actions, malalaman na lamang natin na sunog na sunog na ang ating lalawigan.

 

Hindi biro ang pakikipagdigma sa kanila, ngunit nais kong ipaalala sa kanila na ang kanilang kinakalaban ay talim ng batas na walang sini-sino.  Sa puntong ito ay gusto kong kilalanin ang kontribusyon ng ating kapulisan, Justice Department, Media at mga barangay officials na nakikilahok sa ating mga aktibidad sa pagsugpo sa drug trafficking.

 

Ofcourse, Executive Judge Lelu P. Contreras of the Regional Trial Court Branches 42 and 43 for taking extra effort of providing our PNP personnel technical assistance like trainings particularly on handling drug cases.

 

Noong 2010, isang respetadong journalist ang nagsabi, and I quote, “Top official in Catanduanes is Asia’s 4th in drug syndicate. Drug transaction is not held inland but in vast waters.”

 

Ngayong taon, isa pang beteranong brodkaster ang nagsabi, ang Catanduanes ang nagiging bagsakan ng droga. Hindi nakikilalang mga barko ang paroo’t parito na sinasabing may kinalaman sa kalakaran ng droga.

 

Upang mapalakas pa ang ating kampanya laban sa droga, nagbibigay po tayo ng cash incentives para sa ating mga pulis sa bawat drug case na naisasampa nila sa Korte. Maliit lamang na halaga ito ngunit nagiging inspirasyon naman sa kanila upang higit na maging masigasig.

                                                                           

Hindi po tayo titigil sa pagsugpo ng droga sa Catanduanes. Inuulit ko, wala tayong sasantuhin.

Sa ating kapulisan sa pamumuno ni Director Senior Superintendent Adelio Castillo, ipagpatuloy ninyo ang inyong nasimulan. Kayo ang lakas ko sa pagpapatupad ng kaayusan sa ating bayan, lalo na sa paglipol sa mga salot sa ating lipunan.

 

Bayan, kayo man po ay may malaking papel na maaring gampanan upang matigil na ang paglaganap ng droga sa ating lalawigan. Makipagtulungan po kayo at isuplong ang mga ganitong aktibidad na nakikita ninyong nagaganap sainyong mga barangay.

 

Samantala, sa datos ng pulisya, as of June 2014:

                Campaign Against Illegal Drugs

                25 persons arrested

                20 cases filed in Court

               

                Campaign Against Illegal Logging

                56 persons arrested

                19,580 Board Feet Seized

 

                Campaign Against Illegal Fishing

                42 persons arrested

                3 filed

                22 for filing

 

                Campaign Against Illegal Gambling

                32 persons arrested

 

Ngayong araw lamang, tinanggap ng ating mga kapulisan ang dagdag na kagamitan katulad ng mga bagong armas, handheld radios at iba pa.

 

Sa kabilang dako, patuloy na nagiging kontrolado ng pwersa ng pamahalaan sa pamamagitan ng ating Philippine Army ang insurgency

 

Assistance

  • Pagbibigay ng Phil-Health benefits sa mahihirap nating kababayan. Ngayong taon, tinutumbok natin ang 5 Thousand Phil-Health slots. Mula Enero hanggang Hunyo, may dalawang libo ng nakapag-avail ng Phil-Health program katumbas ng halagang Php4.8 milyong piso.
  • Walang patid na Financial Assistance para sa mga nangangailangan. Umaabot na sa halos 2 milyong piso ang halaga ng financial assistance na naipapaabot natin sa ating mga kapos na kababayan. Nakapaloob dito ang medical, subsistence, burial and transportation assistance.
  • Suporta sa KALAHI-CIDSS programs. Kamakailan ay pinasinayaan natin ang ilang mahahalagang proyekto ng KALAHI kung saan bahagi rin tayo sa pagtupad ng mga ito. Kagaya ng Seawall sa Barangay Tinago sa bayan ng Viga, at water facilities sa Barangay Little Viga.
  • Continued support for Senior Citizens, Day Care Workers at 4 Ps beneficiaries.
  • Mabilis na aksyon sa mga biktima ng kalamidad. Hindi na po tayo naghintay na may humingi ng saklolo, agad nating inihatid sa lahat ng bayan ang relief goods sa kasagsagan ng bagyong Glenda, at noon, ng Yolanda.
  • Pagbibigay ng pagkain para sa stranded passengers. Inorganisa natin ang maayos na pamamahala para sa kapakanan ng aking mga stranded passengers partikular sa pantalan ng Tabaco. In coordination of Tabaco City local government at ng Phil. Ports Authority, nailagay natin sa ayos ang pagkupkop sa ating mga pasahero.
  • Libreng Sakay. Para sa iba’t-ibang pangangailangang pang-transportasyon ng ating mga kababayan, inihahandog po natin ang 4 buses na magbibigay ng libreng sakay.

 

Environment

  • Forest and Urban Greening. Bilang tugon sa kampanya ng pamahalaan para sa climate change mitigation, walang patid ang pagdaraos natin ng tree-planting activities. Ginagamit natin maging ang mga pinakamaliliit na grupo - katulad ng mga eskuwela - upang sabayan tayo sa pagpapayabong ng luntiang kapaligiran.

 

Patuloy din ang ginagawa nating mangrove planting partikular sa mga lugar na may banta ng storm surges.

  • Seedling Production. Ito ay upang matugunan hindi lamang ang mga pangangailangan natin sa tree-planting activities kundi maging ng iba’t-ibang grupo at indibidwal. Libre po nating ibinibigay ang mga semilyang ito.
  • Mineral Resources Sustainability. Kagaya ng ibang probinsiya, kailangan nating pagtuunan ng atensiyon ang quarrying and mineral processing sa ating lalawigan. Bagama’t malaking buwis ang ipinapasok nito sa kaban ng ating bayan, kailangang ito ay regulated  upang maiwasan ang anumang environmental effect na dala ng mga aktibidad na ito.
  • Forest Law Enforcement. Kasama ang DENR, hindi tayo tumitigil sa pagbabantay sa ating mga likas na kayamanan sa kagubatan. Patuloy nating hinahabol ang mga criminal na sangkot sa mga iligal na pagputol ng kahoy.

OPPORTUNITY

Walang maghihirap kung tayo ay magsisikap. Katulad ng aking sinasabi, “Daog nin Higos an Pagtios”. Kaugnay nito, maigting ang ating kampanya upang wakasan ang kahirapan. Inilunsad natin ang iba’t-ibang programa na magbibigay sa atin ng kabuhayan.

Agriculture and Livelihood - Ngayon ay gintung-ginto ang presyo ng ating Abaca. Dahil sa pagkawala ng monopolyo at iba pang mga pangyayari, natuklasan po natin na malawak at matatag  ang industriyang ito. Sa loob ng maraming taon, ipinagkait po sa mga abaca farmers natin ang pagkakataon na kumita nang sapat. Ngunit ngayon, sulit na sulit po ang maghapong pagpapagal ng ating mga kababayan sa kanilang pakikipagtuos sa abaca. Simula nang tayo ay umupo, umakyat po nang mahigit doble ang presyo ng abaca. Ang isang uri na dati ay binibili lamang ng 28 bawat kilo ay 60 pesos na ngayon. Mas malaking kita, mas malayo ang tsansang tayo ay magutom.

Isa pa sa industriyang binabantayan natin ngayon ay ang Sugbo ng Caramoran. Ito ay produktong ating-atin lamang na kailangan nating ipagmalaki at suportahan. Kaugnay nito, naghanap po tayo ng matatag na merkado para sa produktong ito at ngayon ay may inisyal order tayong mahigit 300 Thousand piraso ng walis tambo.

Noong Abril, inilunsad natin sa iba’t-ibang munisipyo ang seaweeds farming. Klaro rin ang kita sa kabuhayang ito sapagkat ang seaweeds ang isa sa pangunahing sangkap ng malalaking restoran sa ating bansa. Ang seaweeds farming ay dati nang proyekto ngunit hindi po lubos na napagtuunan ng pansin kaya ang puhunan ng pamahalaan ay nasayang. Maliban sa pagbibigay sa lahat ng kailangang materyales, pinagkakalooban din natin ng technical assistance ang ating mga seaweeds farmers upang matiyak na tama ang kanilang ginagawa.

Samantala, ikinalat na rin natin sa mga ilog, lawa at mga latian ang milyun-milyong Tilapia fingerlings. Layunin ng proyektong ito na managana sa likas na yaman ang ating bayan.

Patuloy ang pagkakaloob natin ng puhunan para sa ating mga magsasaka sa pamamagitan ng AKBAY Program. Ito ay matagal nang programa at marami na ang nabiyayaan. Maliban dito, iba’t-ibang semilya at pananim ang libre nating ibinibigay sa ating mga magbubukid.

Samantala, hindi matatapos ang taong ito at sisimulan na ang salt-making project sa ilang bayan kasama na ang barangay Marilima dito sa bayan ng Virac. Pagkakataon ito upang maging ang mga misis ng sambahayan ay magkaroon din ng dagdag na kita para sa pamilya.

Tourism and Tourism Promotion - Ang kaunlaran ng ating lalawigan ay makakamit din sa pagpapalawak ng industriya ng turismo. Taglay ng Catanduanes ang ilan sa pinakamaririkit na tanawin sa kabikulan, maging sa buong bansa.

Kaugnay nito, puspusan po ang ginagawa nating pagbuo ng Catanduanes master plan for tourism. Ito   ang magsisilbing batayang aklat sa bawat pagkilos ng ating pamahalaan sa pagtupad sa ating pangarap na maging tourism destination ang Catanduanes. Ang tourism master plan ay ilulunsad natin ngayong buwan ng Oktubre.

Maliban dito, pinalalakas natin ang ating tourism links sa mga lalawigan ng Camarines Sur at Camarines Norte. Noong nakaraang buwan, idinaos po dito sa atin ang Triple C Consultation Conference. Layunin nito ang mapalakas ang industriya ng turismo sa mga nabanggit na lalawigan, kasama ang Catanduanes.

Para sa taong ito, sisikapin po natin na magkaroon ng katuparan ang halos 700 milyong halaga ng tourism programs para sa ating lalawigan. Ilan sa mga proyektong nakapaloob dito ay ang beautification and landscaping ng Batalay Shrine at Maribina Falls sa bayan ng Bato. Itatatag din natin ang isang centralized na pasalubong center, ang paglikha ng eco and natural parks, outdoor sports projects katulad ng kayaking na nasimulan na po natin ngayong taon.

Tuloy-tuloy ang isinasagawa nating rehabilitasyon ng iba’t-ibang tourism sites, concreting and opening of various roads leading to different tourism attractions.

Samantala, ang pagkakaroon ng isang malaking convention center ang isa pa sa mga kailangan nating tuparin upang maging lubos ang ating paghahanda sa Catanduanes bilang tourism spot ng bansa. Sa convention center na ito, we can host a regional and even national events. Ibig sabihin, maraming bisita ang dadagsa. Sisigla ang ating mga negosyo.

Gagamitin natin ang malaki pang espasyo ng Centermall upang maitatag ang isang Teatro. Ito ang magsisilbing center upang tuklasin ang iba’t-ibang talento lalo na ng ating mga kabataan. Bago pa sila maagaw ng impluwensiya ng paligid, sagipin natin sila sa pamamagitan ng pagbibigay ng makabuluhang aktibidad.

Hindi po tayo titigil sa ating kampanya sa turismo ng Catanduanes. We constantly invite television programs and writers para matulungan tayong maipaabot sa buong mundo ang kagandahan ng Catandungan.

Infrastructure - Sa loob ng isang taon, iba’t-ibang proyektong pang-imprastraktura ang nabigyan ng katuparan. Umabot sa mahigit 150 Milyong pisong halaga ng infra projects ang ating nasimulan at natapos. Ito ay kinabibilangan ng local roads improvement, spillways and culverts, erosion and flood controls at maraming iba pa.

Sa bayan ng Virac

  • 39.1 M - infra projects completed
  • 24 M - on-going
  • 10.2M - bid

Baras

  • 4.7M - completed
  • 6.5M - on-going

Bato

  • 2.9M - completed
  • 23.1M - on-going
  • 4.1M - bid

Panganiban

  • 8.6M - completed

Pandan

  • 2.9M - completed

Viga

  • 3.9M - completed
  • 2M - bid

San Andres

  • 4.4M - completed

San Miguel

  • 2.9M - completed
  • 2M - bid

Bagamanoc

  • 2.9M - completed

Caramoran

  • 1.1M - completed

Gigmoto

  • 900 Thousand - completed
  • 3.5M - bid

Samantala, mahigit 1.3 Bilyong pisong halaga ng infra projects ang nakalaan ngayong taon para sa Catanduanes sa pamamagitan ng Department of Public Works and Highways. Ang number figure na ito ay batay sa liham na tinanggap natin  mula kay Sec. Rogelio Singson ng DPWH noong May 5, 2014.

Mula 2013, hanggang ngayong taon, mahigit 2.5 Bilyong proyekto ang ibinaba sa atin ng DPWH. These projects are jointly implemented by DPWH Regional Office and Catanduanes Engineering District Office.

Samantala, mahigit isang milyong piso ang naging bahagi ng Provincial Government para maisakatuparan ang iba’t-ibang programa ng KALAHI-CIDSS.

Ito ang malaking good news para sa ating lahat. Tumataginting na 200 milyong pisong halaga ng infra projects ang ibinigay sa atin  ng National Disaster Risk Reduction and Management Council. Magagawa na ang bahagi ng Imelda Boulevard sa barangay Francia na nawasak ng Yolanda. Gayundin ang konstruksiyon ng Seawalls sa barangay Dororian ng Gigmoto at barangay Cabugao sa bayan ng Bato.

 

 

 

 

NUTRITION, Hygiene and Sanitation

Maliban sa pagtataguyod ng kalusugan para sa ating mga kababayan, mahalaga ding matiyak natin ang tamang nutrisyon lalo na sa ating mga kabataan. Simula nang tayo ay maupo, hindi po tayo tumitigil sa ating feeding programs. Libu-libo nang kabataan sa buong lalawigan ang nakinabang sa proyektong ito.

Anumang araw mula ngayon ay ilulunsad na ang isang malawakang feeding program kung saan magiging partner natin sa programang ito ang DepEd. Sa kabilang dako ay patuloy tayong nakikipag-ugnayan sa iba’t-ibang grupo at indibidwal sa buong mundo sa higit pang pagtataguyod ng adbokasiyang ito. Paparating na ang isang container ng Manna Pack mula sa ating kaibigan sa ibang bansa. Maraming kabataan ang mapapalusog nito.

Samantala, upang malubos ang tamang kalusugan at pangangailangan ng ating mga kababayan, nagbukas po tayo ng iba’t-ibang proyekto katulad ng pagtatatag ng malinis na tubig sa mga bayan. Ang Bagamanoc ay nagkaroon na at susunod naman ang mga iba pa.

Nasimulan na rin natin ang konstruksiyon ng mga sanitary toilets with condominal septic tanks sa barangay San Miguel ng Panganiban. Magkakaroon din ng katulad nito ang marami pang komunidad.  Ang pagkakaroon ng palikuran ay hindi lamang pangunahing kailangan ng tao bagkus nesisidad din ito upang magkaroon tayo ng mas malusog na pamayanan.

Mahigit 500 toilet bowls ang naipamigay natin sa buong lalawigan, at mga gamut upang masigurong ligtas ang mga inuming tubig ng ating mga kababayan.

GOOD GOVERNANCE AND TRANSPARENCY

Ang  mabuti, mahusay at tapat na panggu-gobyerno ang tanging hangad natin para sa ating bayan. Hindi ito mahirap abutin lalo na kung tayo ay nagtutulungan. Ako ay bukas para sa inyong mga saloobin, kaisipan at mga opinion kung ito ay makakatulong sa tuwid na landas na ating isinusulong.

Sa loob ng nakalipas na isang taon, taas-noo kong sinasabi na nalimitahan kung hindi pa man lubusang nawala ang pang-aabuso sa gobyerno. Tinutupad natin at patuloy na itinataguyod ang isang pamahalaang naglilingkod, at bukas sa paniniyasat ng bayan.

  • Creation/Establishment of the Catanduanes Official Website – Ang www.catanduanes.gov.ph ay isang proyekto kung saan nakasaad ang mga mahahalagang impormasyon ng ating lalawigan. Laman din ng website ang mga pangyayari sa probinsya kasama na ang mga proyekto na ipinatutupad ng ating pamahalaan. Mga ipinagmamalaking katangian ng ating napakagandang isla maging ito man ay lugar, pagkain o kultura, mga kasiyahan at iba pang pagdiriwang.

 

Samakatuwid, ang website ng Provincial Government ng Catanduanes ay bukas na aklat sa umiiral na kalakaran ng ating lokal na pamahalaan.

 

  • Publication of The Capitol Times – Ang opisyal na pahayagan ng probinsya na sinimulan nating ilathala noong Abril. Ito ay kalipunan ng mga proyekto at programa na isinisilbi ng ating pamahalaan sa taumbayan.

 

  • Monitoring of government projects being implemented in the province – Tinitiyak natin na walang salaping naaaksaya dahil sa maling pagpapatupad ng mga proyekto. Kaugnay nito, binabantayan natin ang implementasyon ng bawat proyekto na ating isinusulong.

 

  • Markings of all government vehicles - Upang mabantayan na sa tamang dahilan nagagamit ang mga sasakyan ng pamahalaan. Maliban dito, ipinag-utos din natin na sa kapitolyo igagarahe ang lahat ng sasakyan pagkatapos gamitin.
  • Regular visit to LGUs – Sa aking regular na pagbisita sa ating mga Local Government Units ay nalalaman ko ang sitwasyon at pangangailangan ng bawat munisipyo at ito naman ang aking nagiging batayan sa pagbuo ng disenyo ng ating mga programa.

 

  • Creation of another BAC to expedite government purchases especially on medicines - Ang pangangailangan sa gamut ay lubhang napakahalaga kaya dapat hindi ito naaantala. Sa pagbuo natin ng isa pang Bids and Awards Committee, ang transaksiyon ay siguradong mabilis at kaagad nakakapaghatid tayo ng serbisyo.
  • Ngayon po ay silver medalist tayo for Good Housekeeping. Dahil sa mabuti nating pamamahala ay nagkaroon tayo ng 7 milyong pisong halaga ng gantimpala mula sa DILG, samantalang tig-iisang milyon naman o higit pa ang halos lahat ng munisipyo maliban sa Viga at Caramoran. Ganoon pa man, alam kong nagsisikap sila upang makatugon sa mga alituntuning itinatakda ng DILG sa mabuting pamamahala ng isang local na pamahalaan.

2014 Directions

Sa taong ito, sisiguraduhin kong ang lahat ng proyektong nakapaloob sa 20% Economic Development Fund ay magawa. Ang 20% EDF ay kalipunan ng mga proyekto at programa na tumutugon sa mga pangangailangan ng sambayanan.

Batay sa pinakahuling ulat, 59.65% of EDF is implemented on completed, on-going and bidded status, while 40.35% is due for implementation this second semester. Sa kabuuan, mahigit 100 milyong piso ang nakapaloob sa 20% EDF, ibig sabihin, mahigit isang-daang milyon ang halaga ng mga proyektong pakikinabangan ng buong lalawigan ngayon lamang na taon.

Ganoon din titiyakin natin na ang bawat proyektong ipinatutupad sa ating lalawigan ay patuloy nating babantayan at siguruhing matatapos nang tama at ayon sa itinakda.

Samantala, nakatuon din tayo sa pagtupad ng mga sumusunod:

  • Social Sector - Patungo tayo sa isang socially protective and safe Local Government Unit na may matatag na pundasyon at programa sa Pangkalahatang-Kalusugan, Edukasyon at Kaayusan.
  • Economic Sector - Sisikapin nating mabuo ang Catanduanes bilang isang business-friendly and competitive Local Government Unit. Kaugnay ng layuning ito kaya binuksan natin para sa lahat ng gustong mamuhunan ang ating bayan. Panahon na upang maging matatag ang mga negosyo, gayundin ang agrikultura kung saan maari tayong maging maunlad sa ating mga sariling produkto katulad ng Abaca, Lasa at iba pa. O kaya sa pangingisda kung saan mapalakas pa natin ang crab farming.
  • Environment Sector - Making Catanduanes an environment protective, climate change adaptive and disaster-resilient province.
  • Transparency - Sa pamamagitan ng pagtupad sa mga probisyong nakapaloob sa programa ng Tuwid na Daan.

I remain firm in keeping my missions:

  • Na matulungan ang mga kinakapos nating kababayan. Sisikapin natin na kahit papano ay makadama sila ng ginhawa. Magkaroon ng kabuhayan, ng sapat na pagkain at disenteng tirahan na kayang humarap sa mga kalamidad.
  • Health services na libre. Alam ko, mangyayari din ito. Hindi tayo hihinto sa paggawa ng paraan upang maituwid at mapaayos ang ating health services.
  • Physical infrastructures like telecommunications, uninterrupted power supply, improvement of seaports/airports, water systems, among others.
  • Greater transparency – Keeping the mandate of accountable, transparent, participative and effective governance na nagtataguyod ng mahahalagang tagubilin katulad ng full disclosure policy at iba pa.

Ang Catanduanes sa loob ng susunod na dalawang taon ay magiging sentro ng malawakang development programs. This administration is bound to realize the establishment of economic zone in the province. Tinutumbok po ng mga prayoridad natin ang pagtatag ng Catanduanes Integrated Terminal. Hindi lamang ito magiging himpilan ng mga pampublikong sasakyan, kundi’y magiging bakuran din ito ng isang maayos na palengke which features a cold storage area upang masigurong hindi masisira ang ating mga panindang pagkain at iba pang produkto.

Indeed, a government is not built, and it should not be rebuild. Maraming magaganda at matitibay na pundasyon ang mga nagdaang administrasyon na dapat nating ipagpatuloy at itaguyod. Sa kabilang dako, itapon natin ang mga patakarang hindi tama at hindi makatao. After all, andito tayong lahat upang magsilbi sa kanila.

Ang taong-bayan ang bumubuo sa isang gobyerno - ibig sabihin, ang pagkakaroon ng isang maayos na gobyerno ay nakasalalay sa bawat pagkilos at pakikiisa ng bawat isa. Walang pinakamagaling na lider kung hindi nakikisama ang sambayanan. Ibig sabihin, kayo man po ay may malaking tungkulin na dapat gampanan upang malikha ang isang maunlad, mapayapa at masayang pamayanan.

CLOSING

Mga kababayan, hindi lamang po bilang isang gobernador kaya po ako nagsisikap na maihain sa ating sambayanan ang isang tiyak at magandang kinabukasan. Ako po ay isang Ina na walang ibang hinahangad kundi ang kapakanan ng aking mga anak. Bilang isang gobernador, ang bawat isa sainyo ay bahagi ng aking pagkatao. Kung gayon, lahat ng ikabubuti at ikararangal ng bayan ay kabutihan at karangalan ko, at kabutihan at karangalan ng bawat isang Catandungueño.

Mga kasangga ko sa pamamahala, minamahal kong mga kasapi ng Sangguniang Panlalawigan, sa pamumuno ng ating bise-gobernador, inihahandog ko sainyong lahat ang isang malaking pasasalamat.

Sa nakalipas na isang taon ng aking panunungkulan, bawat isa sainyo ay nagkaroon ng malaking ambag. Sa mga araw na ako ay abala sa opisina o sa pakikipag-usap sa mga mahahalagang tao, kayo ang tumakbo bilang kahalili ko sa iba’t-ibang okasyon at pagtitipon. Maraming salamat.

Sa aking mga kritiko, salamat sa inyong mga reminders. Araw-araw akong natututo dahil sainyong walang sawang pagpuna sa aking mga gawa. Naniniwala ako na higit akong magiging malakas dahil sainyo.

Sa mga alkalde at sa mga Sangguniang Bayan, do your share and I will do the rest. Salamat sa magagandang gawain sa inyong kanya-kanyang bayan. Malaking bahagi iyan ng progreso ng ating lalawigan.

Sa lahat ng pinuno ng iba’t-ibang ahensya ng gobyerno, salamat po sa inyong pakikiisa sa aming mga programa dito sa lokal na pamahalaan. Lahat po ng inyong ginagawa para sa kaunlaran ay well noted po and appreciated.

To my heads of different offices, thank you for doing a great job.

To my staff who has been proving worth and efficiency – thank you.

At sa lahat ng manggagawa ng kapitolyo, maraming-maraming salamat.

Sa aking pamilya – Kulang ang mga salita upang ipaabot ko ang laman ng aking kalooban. Thank you for the love and support kay Mama. I don’t know when my mission would end, but I know my love  for you -  Bong, Tip-Tip, Jackie, Boboy, Ashley and JJ -  would never end.

To the people of Catanduanes -I am your servant, your mother and your best friend. Araw-araw akong nagsisikap para sainyong kapakanan, para mabigyan kayo ng magandang kinabukasan. Sisikapin kong tuparin ang mumunti ninyong mga pangarap. This servant would not tire serving, even  after I take my final bow.

And to my Lord - Thank you for the opportunity of serving my people. Thank you for making me realize my calling and purpose. Dalangin kong gabayan Mo ako sa lahat ng oras at sa bawat araw ng aking pagtupad sa misyon at hamon ng isang lingkod-bayan.

FOR YOUR GLORY AND HONOR – THY WILL BE DONE!

Let’s Go, Catanduanes!

Respectfully Reported:

ARACELI B. WONG

Governor

Province of Catanduanes

1 comments
new to catanduanestribune.com?
connect with us to leave a comment.
connect thru
Cancel
Cancel
Cancel
Manay Cely I know that you can handle everything and finish all the project that you have said, for the good of all the people of catanduanes island , but if i can suggest, i want you to do something with the whole catanduanes to have WIFI free this maybe help more improvement in our tourism, for the international tourist communication is very important, we have a very nice, interesting rich by nature island, we can promote, and introduce as eco tourism... congrats manay cely your the best...God bless
by Bernie Co 1-Oct-2014  ·  
home home album photo album blogs blogs