By By Arnold Matencio Valledor
APAT NA DAGLI
posted 10-Feb-2017  ·  
230 views  ·   0 comments  ·  

BARYA

SINISIPA-SIPA niya sa sahig at pinandidiriang damputin ang mga baryang nagkalat habang lumalagatak ang nangangalumbabang mga papel sa kanyang mga palad.

Isang araw ay di siya kumukurap sa kahahanap ng kahit isang baryang duling sa kahit saang sulok ng kanilang bahay upang may pambili man lang ng asin.

CONFLICT

MAHIGIT isang linggo na ang nakararaan, nasabi ko kay Belle na sasamahan ko siya sa Virac - sa Virac Sports Center- sa pakikontes nila sa sayaw ng lima pa niyang kaklase sa Daycare.

Kaninang alas kuwarto y medya, binibihisan siya ng mama niya, at ako naman ay nagsusuot ng medyas niya nang magtanong, "Bakit di ka pa po nagbibihis, Papa, si Mama, bihis na?"

"Kayo lang ni Mama mo ang magsasama kasi may activity pa sa school mamaya."

"Sabi mo po, ikaw ang magbi-video ng sayaw namin," sabi niya sabay sabunot sa aking buhok.

Di ako nakaimik. May kurot sa dibdib.

GULONG

          MUNTIK ko nang masagasaan sa may tapat ng Footstep ang isang katamtamang laking awto-awtohan. May nakahulog at posibleng balikan iyon kung napansin ng may-ari.

          Nagmasid ako sa magkabilang gilid ng kalsada at nakita ko ang isang batang lalaki sa gawing kanan ko na tutok na tutok sa laruan at papalapit doon. Natuwa ako dahil makukuha niya ito at makapaglalaro gaya ng inaasahan niya nang bilhin niya iyon. Ngunit, ilang hakbang na lang at madadampot na niya iyon ng may bumusinang traysikel. Napaatras siya. Natiris ang laruan. Tumilapon sa kanya ang isang gulong.

BATANG PARAHA-GOT

PAAKYAT na kami sa Summit. Tumigil ang van dahil may bababa na pasahero. Natapat ito sa may nagbubulay ng abaka (gaha-got) sa gilid ng kalsada. Nakuha ang atensiyon naming lahat na natirang pasahero ng isang batambatang nagbubulay.

"Maurag na sa ha-gotan ho!"
"Magiging maurag na paraha-got yan."
"Mae pa yan dapat paha-goton. Kahelak man!"
"Mae na yan madakuro."
"Ona, ahin yo mga magurang ninyan?"
"Dapat ninyan asa eskwelahan, bukong asa ha-gotan."
"Sa sobrang katiosan, naoobliga talaga yan mga pisngak na magtrabaho."
"Pero bawal iyan!"

Tumakbong muli ang van na magkasalungat ang opinyon namin. Pero halos isang ulo kaming napalingon sa bata bago lumiko ang van.

0 comments
new to catanduanestribune.com?
connect with us to leave a comment.
connect thru
Cancel
Cancel
Cancel
Other Sanaysay articles
home home album photo album blogs blogs