By By Jex F. Lucero
Malayo pa ang eleksyon
posted 11 days ago  ·  
382 views  ·   0 comments  ·  

May mga nagtext sa akin na mga taga-San Andres at nakikiusap sila na kung puwede ay manawagan  daw ako sa sanitary inspector ng bayan ng San Andres tungkol sa may mga kulungan ng baboy na nakakaperhuwisyo ang amoy. Grabe daw ang amoy na dulot ng mga kulungan ng baboy. Panawagan po ito ng ilang mga taga-San Andres. Konting problema po ito pero makulit ang texter kaya’t binigyan ko po ng puwang sa maliit na sulok na ito. Hindi ko po alam kung saang lugar ito sa San Andres pero kung meron kayong kulungan ng baboy na nakakaapekto ang amoy sa mga kapitbahay ninyo konsensiya na lang po ang pairalin ninyo.Hindi na po kailangan ang pagpapaalala ng sanitary inspector.

*****

Maganda ang panawagang ito ng ilang taga-San Andres. Siguro saan man dito sa ating probinsiya ay may mga taong gumagawa nito. Tulad ng sinabi ko po, hindi na kailangang pag sabihan pa tayo ng sanitary inspector. Konsensiya na lamang po ang kailangan. Magandang hanapbuhay ang pagbababuyan pero kung nakakaperhuwisyo ang hanapbuhay mo, hindi maganda. Kikita ka nga pero may mga tao namang magkakasakit, ang tawag diyan ay pangit na hanapbuhay. Maiiwasan naman natin ang mga bagay na ito konting tiyaga lang at higit sa lahat pairalin ang kalinisan. Huwag po tayo maging baboy!

*****

Sa isang balita sa telebisyon (headline), isang senior citizen pinatay ng pulis. Nangyari po ito sa Quezon City sa La Loma.  Ayon sa balita, nakasagutan ng matanda, 64 years old, ang isang pulis sa isang tindahan. Ito ay pinosasan at dinala kung saang lugar. Pinaghahanap siya ng kanyang pamilya at nang matagpuan ay patay na ito at itinapon lamang sa isang lugar sa may La Loma, Quezon  City. Ang saklap dahil matanda na iyong tao, binaril pa at nang barilin ay nakaposas pa. Serve and protect the people. Sila ang mga pulis.

*****

Pagdating ko noong isang linggo galing Manila, may nakasalubong akong isang pulis. Kilala ko siya kaya siyempre medyo nakangiti ako sa kanya. Pero ang sagot niya sa ngiti ko ay mala-tigreng tingin na para bang lalamunin ako ng buong-buo. Ang tapang ng tingin. Akala siguro ay matatakot ako sa tingin niyang parang mangangain. Galit marahil ang pulis dahil madalas nasusulat ko sa kolum ko ay starring sila, mga pulis.Wala akong magagawa alangan namang ibabalita kong mabubuti ang mga ginagawa nila samantalang halos lahat ng nababalita ay kapalpakan ng mga pulis. Alangan namang ibabalita ko na kaya tuloy ang lotteng dahil pinatigil ng pulis. Tuloy ang ligaya, di ba?

*****

Ipagpapatuloy pala ang pag-iimbistiga ng kongreso tungkol sa shabu lab na nadiskubre sa Palta Small.  At sabi pa tututukan daw ito ng husto ng kongreso. At ayon sa mga sabi-sabi ang tila nababaon daw ng husto sa imbestigasyon ay mga otoridad. Isa raw sa mga nakakaintrigang katanungan ay ang tanong ni Kong. Jalosjos kung saan daw napunta ang 20 kilo ng shabu? Tiyak daw na merong madidiskubreng mga pangyayari kung papaanong nakalusot ang mga suspek at kung sino ang talagang mga taong responsable sa pagkakaroon ng shabu lab sa nasabing lugar. Sana nga ay malaman sa pag-iimbistiga ng kongreso kung sino talaga ang mga sangkot. Sabi sa droga talo ka. Pero mas okeng pakinggan ang sa droga patay kang bata ka!

*****

Tuloy na tuloy pa iyong mga project ng PAGCOR na school buildings sa buong probinsiya at ang isa rito ay mapupunta sa barangay Mayngaway sa San Andres. Ganun din ang pagpapaayos ng Imelda Boulevard na ayon kay Cong. CS ay magkakahalagang 50 milyon pesos. Marami pang mga project ang iiimplement sa taong ito at ang lahat ng ito ay sa kasipagan ng ating kongresman. Ayon naman sa kaibigan kong taga Kapitolyo, nakalinya na rin daw ang mga proyekto ng probinsiya. Maganda, ano? Sana wala nang problema, puro proyekto na lang para sa ikabubuti ng ating probinsiya. Itapon na muna ang pulitika. Malayo pa ang eleksyon!

*****

Aprobado na sa 3rd reading sa kongreso ang death penalty. Dahil minamadali ng pangulo ang nasabing bill kaya madali itong maipatutupad. Maraming mga pagbabago sa pagpapatupad nito pero as usual bago bitayin ang nahatulan ng kamatayan, kailangan ay marami itong pagdadaanan at ang merong huling pagpapasiya ay ang dati pa rin ang Supreme Court. Ano ngayon ang bago? Pero bago ito maipatupad, ubos na ang mga kriminal lalo na iyong mga sangkot sa droga. Death penalty??? Useless!!!

0 comments
new to catanduanestribune.com?
connect with us to leave a comment.
connect thru
Cancel
Cancel
Cancel
Other Tingnan Natin articles
home home album photo album blogs blogs