By By Arnold Matencio Valledor
OKASYON
posted 3-Jul-2017  ·  
2,048 views  ·   0 comments  ·  

“OK NA BA?” tanong sa kanya ng mister niya habang tinitingnan nito ang sarili sa salaming biluhaba na naka-frame sa narrang may ukit.

Inayos niya ang kuwelyo ng murang asul na long sleeves. Kinabig niya ang mister paharap sa kanya at sinipat-sipat

“Ok na. Guwapong-guwapo na ang mister ko.”

Thanks,” tugon ng mister niya at dinampian siya ng halik sa labi. “Aalis na ako. Mabuti nang maaga para di makaabala sa pag-uumpisa ng programa,” dagdag pa ng mister niya na isang opisyal ng kanilang bayan na sa Official Ball ng gabing iyon ay siyang magbibigay ng pambungad na pananalita.

Natuwa siya sa pasasalamat at sa halik.  Ngunit hindi niya narinig ang gusto niyang marinig.  Bago tumalikod at humakbang papuntang pintuan ang kanyang mister, ibig na niyang sabihin kung ano ang gusto niya sa gabing iyon ngunit hindi niya nagawa.

Tiningnan niya ang wall clock pagkalabas ng mister niya sa pintuan, alas siete y medya ng gabi, alas otso ang nabasa niyang oras sa Official Ball Program na bitbit ng kanyang mister noon pang nakaraang araw.  Iyon na ang huling gabi ng mga okasyon, o masasabi ring huling okasyon ng mga okasyon na konektado sa pagdiriwang ng piyesta sa kanilang bayan.  Kung niyaya siya ng kanyang mister ay aabutin pa naman nila ang oras ng pag-uumpisa.  Nakapaligo na siya bago pa man plantsahin ang pantalon at long sleeves nito. Habang nagbibihis nga ito ay hinahawak-hawakan niya ang naka-hanger niyang damit.

 

PUMAPAILANLANG na ang malakas na tugtog mula sa sikat na banda sa kanilang isla. Nagwa-warm-up na. Dinig na dinig niya sa kanilang bahay. Gusto niyang umindak.  Mapapakiusapan naman sana niya ang bakasyunista niyang kapatid na babae na ipaasikaso sa nakuha nilang tatlong tagasilbi ang mga bisitang posible pang dumating.  Ang kanilang limang taong gulang na anak na lalaki ay nakatulog na rin naman. Biglang namigat ang kanyang katawan.  Napaupo siya sa stool na nasa malapit.

Mabait ang kanyang mister at responsible, wala siyang masasabi, ngunit ngayong nakaraang mga araw ay may hinahanap siyang iba pang katangian nito.

Hindi naman eksklusibo sa mga opisyal lamang ng bayan ang mga okasyong pampiyesta. Pwede namang isama ang asawa. Kahit na ngayong gabi, sabihin mang Official Ball ang katawagan ay hindi naman inililimita ito sa mga opisyal lamang.  Sana niyaya siya.

 

ALAM ng mister niya na may binili siyang bagong damit isang linggo bago pa man mag-umpisa ang mga okasyong pampiyesta sa kanilang bayan.

“Ang ganda n’yan, a,” puri ng mister niya sa hanggang tuhod na abuhing damit na iyon nang lumabas siya sa fitting room ng mall sa kabisera. Lumitaw ang kaputian niya. Ang kagandahan. Napangiti siya.

“Sobrang pansimba ‘yan, Mahal,” sabi ng mister niya na higit niyang ikinangiti.  Naisip niya na natukoy nito ang layunin niya sa pagbili niyon.

Inaasahan niya na magagamit ang damit na iyon na agad niyang nilabhan, binalnawan sa mabangong fabric conditioner, plinantsang mabuti at ini-hanger malapit sa salamin sa kuwarto nila sa second floor.  Ngunit natapos na ang Search for Ms. Tanduan, Bukhayo Festival, Beer Plaza, Auditorium, at ngayon ay Official Ball na ay hindi man lang niya maisusuot.

Wala bang pakiramdam ang kanyang mister sa ganoong bagay?  Hindi ba ito ganoon ka-sensitibo?

-Pwede namang di ko sabihin dahil pwede naman niyang mahalata… at akala ko nga ay nahalata na niya nang bilhin ko pa lamang ang damit--  mariing sabi niya sa sarili kasunod ang paghugot ng malalim na hininga.

 

NARINIG niya ang mister niya habang nagbibigay ng pambungad na pananalita.

Nagpalipat-lipat ang kanyang tingin sa natutulog na anak at sa naka-hanger na damit. Hindi niya iniintindi ang tawag ng isa nilang tagasilbi na may bisita silang dumating. Mabigat ang katawang tumayo siya sa stool at pabagsak na nahiga katabi ng kanyang anak.

0 comments
new to catanduanestribune.com?
connect with us to leave a comment.
connect thru
Cancel
Cancel
Cancel
Other Maikling Kuwento articles
home home album photo album blogs blogs