By By Arnold Matencio Valledor
SALAT
posted 22-Oct-2017  ·  
1,328 views  ·   0 comments  ·  

            ANG marahang pagsalat sa iyong pangalan ay nagdudulot ng lungkot sa aking kalooban. Ngunit gagawin ko pa rin ito kahit paulit-ulit.

            GRADE ONE ako.  Tinahian mo ako ng bag na yari sa sako ng semento. Maganda. Namilog ang aking mga mata. Magaling kang manahi gamit ang makinang kapalit ng isa sa dalawang todo na kasalitang gamit ni Tatay sa pakikilinang ng bukirin nina Tang Jose sa Tinhaw at Marbog. Masayang-masaya akong sinipat-sipat ang bag.  May hawakan.  May zipper. May bulsa sa loob para sa lapis, bolpen at krayola.  Hindi na ako nagsayang pa ng oras, inilagay ko sa dapat na lalagyan ang mga gamit na binili mo pati na rin ang ilang maninipis na aklat na ipinahiram sa amin ni Mam Feliza. Nagpasalamat ka kay Tatay at pumayag siya na ipagpalit ang isang todo ng makinang panahi.  May magagamit ka na sa pananahi at panunulsi ng mga damit natin lalo na sa aming anim na magkakapatid at magagamit mong panghanapbuhay upang makatulong ka kay Tatay.  Sana kasabay ng pagpapasalamat ko rin sa iyo sa pagtatahi mo sa akin ng bag na iyon ay sinabi kong mahal kita.

            GRADE THREE ako. Isinali ako sa declamation ni Math Ruth. Habang kinakabisa ko sa bahay ang itinuro ni Mam sa eskwelahan ay naroon ka, naninipat.  Sinabi mo sa akin na dapat ang ekspresyon ng mukha ko ay umaakma sa bawat salitang binibitawan ko, at dapat nasa tamang tiyempo ang paggalaw at pagsasalita ko.  Napakasaya ko dahil kahit na tinuruan na ako ng aking guro ay dinaragdagan mo pa.  Naisip ko na kung hindi lang grade six ang inabot mo at naging guro ka, siguro, isa ka sa pinakamagaling na guro sa ating isla. Lalo akong ginanahang magpraktis. 

Nanalo ako.  Champion.  Napakasaya ni Mam, lalo ka na. Niyakap ako ng mahigpit ni Mam, lalo ka na.  Sana sinabi ko sa iyo ng mga oras na iyon na mahal kita.

HAISKUL ako. Nagdideliryo.   Sabi mo, pasma.  Napasma ng buko, kasi, nilinaw mo pa, pagkatapos na maghapong magbunot ng damo sa taniman ng kamote na bagamat may gamit na ampiyaw na panalag sa direktang sinag ng araw ay hindi pa rin maiwasang mainitan dahil sa singaw mula sa ampiyaw mismo at sa lupang hinahawanan ay hindi mo ako nasaway na umakyat ng buko, uminom ng sabaw at kumain nang kumain nito.

Wala si Tatay dahil nag-aararo sa Tinhaw. Kinuha mo ang isa sa apat na bukong naiuwi ko pa. Pinantay ng matalim na itak ang puwitan nito upang hindi tumagilid sa katreng papatungan nito pagkatapos kumulo.  Tinapyas mo ang gawing ibabaw upang mabuksan ang buko pero itinakip mo rin naman ang tinapyas na bahagi upang hindi maabuhan ang sabaw habang ginagatungan. Pagkulo, gamit ang malinis ngunit lumang damit, dinala mo ito sa katre na kinahihigaan ko.  Ipinatong sa isang kapirasong tabla upang hindi masunog ang banig. Binangon mo ako at binigyan ng malapad na kumot. 

“Magkulob ka. Tumapat ka sa lumalabas na usok upang pagpawisan ka. Kapag maligamgam na ay saka mo inumin ang sabaw, at kung naubos mo na ay tawagin mo ako at bibiyakin ko ang buko upang makain mo… upang gumaling ka na.”

            Gumaling agad ako. Kinabukasan, nakapasok na ako sa eskwelahan.  Dapat bago ako umalis ng bahay ng araw na iyon ay niyakap kita at sinabi sa iyong mahal kita.

            HINDI matatawaran ang suporta mo at ni Tatay sa pagpapaaral sa akin gayundin sa aking mga kapatid.  Lalo na sa kolehiyo.  Iginapang ninyong dalawa ang lahat na bayarin, ang mga kagamitan sa gagawing project at marami pang iba.  Nasaksihan ko ang pagsusumikap ninyo ni Tatay upang makapagtapos lamang kaming lahat.  Kung si Tatay ay nakikilinang ng bukirin, nagkakarpintero at nagbubulay ng abaka, ikaw naman ay nananahi, naglalako ng tinapay, gumagawa ng flower vase at iba pang pampalamuti sa bahay na yari sa mga nirolyo at nilala na lumang diyaryo at magasin. Ang uniform ko sa Practice Teaching ay ikaw ang tumahi. Dalawang pares. Kasyang-kasya.

Ikaw ang kumumbinsi sa akin na mag-masteral na di ko naman tinigilan hanggang sa maka-graduate ako ng Administration and Supervision.

Napakarami pa na nagawa mo sa akin upang mahanap ko ang tunay kong silbi bilang tao.  Pero bakit hindi ko nagawang sabihin sa iyong mahal kita?  Ganoon ba talaga kahirap iyon?

            MAHAL kita, Nanay.  Mahal na mahal. Bakit kung kailan hindi mo na maririnig ay saka naman ako nagkalakas ng loob na magsalita? Bakit?

            PINIGIL ko ang pamumuo ng luha sa aking mga mata habang patuloy kong sinasalat ang iyong pangalan sa lapida ngunit hindi ko nagawa.

-------------------------------------------------------------------------------------------------------------------------------

-todo                      -malaking lalaking kalabaw na madalas na ginagamit sa paglilinang ng bukirin (noong hindi pa nauuso ang   tractor)

-ampiyaw              -panalag sa direktang sinag ng araw habang naghahawan sa taniman ng kamote at iba pang pananim.  Yari ito sa katamtamang laking kawayan na may diyametrong isa hanggang isa’t kalahating pulgada na bubuuhing parihaba sunod sa laki ng banig na ikakabit dito na siyang magsisilbing panalag sa sinag ng araw. May panukod itong kawayan din na kasinlaki rin ng ginamit sa frame nito upang maitayong nakahilig.

0 comments
new to catanduanestribune.com?
connect with us to leave a comment.
connect thru
Cancel
Cancel
Cancel
Other Maikling Kuwento articles
home home album photo album blogs blogs