By By Arnold Matencio Valledor
Kim Chiu with Matteo Guidicelli in "Ghostbride." Superb storytelling.
posted 12-Nov-2017  ·  
881 views  ·   0 comments  ·  

AT DAHIL nasiraan kami ng bus sa Ligao, nagdesisyon kaming sumakay sa ibang bus.

Pagpara ng bus na unang dumaan, tinanong ko agad ang konduktor, "Sa Sabloyon po ba kayo daraan?" Kasi, mas malapit ang biyaheng Sabloyon-Tabaco kaysa Legazpi-Tabaco.

"Di po, Sir, daraan pa kami ng Legazpi," tugon ng konduktor.

"Pero dederetso kayo ng Tabaco, di ba?" tanong ng kasama ko, “Dahil ‘yon ang nasa plaka n’yo?”

"Opo."

"Sakay na tayo," sabi niya sa akin, nagmamadali.

Sumakay agad siya sa bus. Sumunod ako. Alas sais biente na ng umaga. Dapat ay abutin namin ang biyahe ng fast craft na pang alas siete y medya kasi imposible na naming abutin pa ang ferry boat na pang alas siete. Nagmamadali pa naman siya at magni-ninang sa kasal ng alas dos ng hapon sa Bato.  Kung medyo mabilis ang takbo ng bus at tuloy-tuloy ang biyahe, aabutin namin ang fast craft.

Gustong-gusto niyang makadalo sa kasalang iyon dahil bukod sa ka-street niya at kasama sa trainings sa Kinder at itinuturing siyang mentor ng babaeng ikakasal ay nagpasadya pa siya ng damit para sa okasyong iyon. Katunayan, nagpaalam kami sa pamunuan ng First National Conference on Inclusive Education na dinaluhan namin sa La Union na maaga kaming aalis upang mahabol namin ang pang alas sais na biyahe ng bus sa Cubao papuntang Tabaco upang makadalo talaga siya sa okasyong nabanggit.

Nakaupo na kami. Mga sampung minuto na. Naniningil na ang konduktor sa mga bagong sakay.

"Magkano hanggang Tabaco?" tanong niya sa konduktor.

"Naku, Mam, hanggang sa Legazpi lang po pala kami!"

“Ano? Kasasabi mo lang kanina na hanggang Tabaco kayo at ‘yon ang nasa plaka n’yo kaya kami sumakay and all of the sudden, mag-iiba kayo ng route?" galit siya.

"Sabi po ng drayber namin, hanggang Legazpi terminal lang po kami ngayon. Di n’ya po napansin na imbes na Legazpi ay Tabaco ang nailagay n’yang plaka. Sorry po, Mam."

“Gano’n na lang ‘yon? Sorry! Pagkatapos, heto ka’t may lakas pa ng loob na maningil? Bababa na lang kami dito!”

“Lalong matatagalan po kayo, Mam kung bababa pa kayo ng bus at mag-aabang muli. Sorry po ulit.”

"Don't you know that I have an appointment this afternoon, at 2, tapos paaasahin n'yo lang na makahahabol kami ng barko?" namumula na siya sa galit.

Binayaran ko ang konduktor bagamat nadismaya ako sa kanila.

"Bayaan mo na, Mam. May ganito talagang pangyayari sa buhay. I-enjoy mo na lang ang biyahe..."

"Pa’no ko naman mai-enjoy ang biyaheng nagpaasa!"

"Chill," sabi ko. Tapos nakakita ako ng may kalakihang piraso ng tabla na nakapako sa puno ng malabay na akasya malapit sa simbahang daraanan namin. Pinabasa ko sa kanya ang nakasulat doon: Araw-araw ay Araw Mo.

"Pa’no ko naman magiging araw, 'to, e, nagkaloko-loko ang biyahe natin... pati ikaw nakakainis, e."

"Magdasal ka na lang… malay mo nasiraan 'yong fast craft at binubutingting hanggang ngayon at maaayos lang kapag naroon na tayo."

"Hay, naku, buwisit kasing konduktor at drayber na 'to, e!"

Mabagal ang naging biyahe ng bus dahil pamaya-maya ay may bumababa at may sumasakay.  Lumalakas ang panggigigil niya.  Namumula siyang lalo.

“Sa uulitin, ‘wag kayong manloloko ng pasahero ha!” hindi niya napigil ang sarili na pagsabihan ang konduktor at drayber nang pababa na kami ng bus sa Legazpi terminal.

Sumakay kami ng van.  Alas siete biente singko. Wala na kaming pag-asa na makasasakay ng alas siete y medya maliban lang kung binubutingting nga ang fast craft dahil umaberya ang makina at maaayos lang ito kapag naroon na kami. Kung walang ganoong posibilidad ay alas dose y medya na kami makasasakay ng fast craft, afternoon trip. Sa isa at kalahating oras na biyahe nito ay alas dos nang makararating sa San Andres port at magbibiyahe pa siya ng mahigit kalahating oras sakay ng kotse nila papuntang Bato at magpapaayos pa, imposibleng makadalo pa siya sa kasalang iyon.  At hindi niya kailanman gagawin ang ipa-delay sa itinakdang oras ang pag-uumpisa ng okasyon upang makadalo lamang siya.

Tiningnan ko siya na namumula sa disgusto. Biniro ko, kasi nga ay naikuwento niya sa akin na nagpatahi pa siya ng damit para lang sa okasyon na iyon.

"Ganito na lang. Bukas, magpaayos ka. Imbitahan mo ang bagong kasal sa simbahan na nakapangkasal at magpa-picture kayo, o, di hindi nasayang ang damit mo. Tapos pa-picture ka pa na solo, ipa-crop mo at itabi sa mga kapwa mo ninang, hahaha!"

Hindi bumenta ang joke.

 

PAPASOK pa lang kami sa Tabaco port ay naghabaan na ang aming leeg. Tinitingnan kung may fast craft o ferry boat. Mayroon. Oo. Mayroon. Ferry boat.

Nauna siyang bumaba. Nagtanong agad sa kung sinong unang nakitang tao pagkababa.

"Magbibiyahe po ba ‘yang ferry na ‘yan, Manoy?"

"Alas diyes!" deretsong sagot ng mama.

"Pero bakit may biyahe ng gano’ng oras na wala naman dati, Manoy?"

Aba, gusto pa yata niyang ipa-cancel ang biyahe! Akala ko ba, may hinahabol siyang appointment? Wew!

"Kapag ganitong peak season, gaya ngayong mag-u-undas, may dinaragdag talaga na ferry boat dahil sa dami ng pasahero. Ayan, o, tingnan mo, Mam," at itinuro ang mga nakapilang pasahero sa ticket booth, "marami na kayong sasakay. Eksaktong alas diyes, aalis ang ferry," panigurado ng mama na hindi na namin inalam kung ano ang trabaho niya roon.

Kinuwenta ko agad sa isip. Kung hindi alas dose y medya ay ala-una kaming makararating sa San Andres port. Isagad na natin sa ala-una ang pagdating namin sa San Andres port, idagdag ang mahigit kalahating oras na biyahe niya sa kotse nila papuntang Bato at isama pa ang halos kalahating oras ng pagpapaayos niya, makahahabol siya sa pag-uumpisa ng kasalan.

"Yessss! Thank you, Lord!" sigaw niya.  Tuwang-tuwa.  Malayong-malayo sa ekspresyon ng mukha niya kanina.

Biglang pumasok sa isip ko ang nakasulat sa tabla: Araw-araw ay Araw Mo.

0 comments
new to catanduanestribune.com?
connect with us to leave a comment.
connect thru
Cancel
Cancel
Cancel
Other Maikling Kuwento articles
home home album photo album blogs blogs