By By Arnold Matencio Valledor
PANGITAIN
posted 10-Dec-2017  ·  
1,111 views  ·   0 comments  ·  

MAY nalaglag sa sahig ng eroplano. Napayuko ako. Kinalabit ko ang aking katabing babaeng may katandaan. Naalimpungatan. Tiningnan ang kamay. May hinahanap. Tumingin sa sahig.

"Nakaidlip ako," ang sabi habang pupulutin ang nalaglag.

At dahil nahihirapang abutin ang nalaglag, ako na ang pumulot. Rosaryo.

Ang kaba na pilit kong pinapatay kanina pang pagsampa ko pa lamang sa eroplano ay nabuhay.

Pangitain ba ang pagkalaglag ng rosaryo?

Lumalangitngit ang pakpak ng eroplano sa pag-take off. Dinig na dinig ko. Nasa tapat kami ng pakpak. Humugot ako ng malalim na hininga. Gusto kong labanan ang lumalakas na kaba.

Napapikit ako. Nagmulat ako ng mata ng kalabitin ako ng aking katabing babae na mahigpit na hawak ang rosaryo. Nanginginig na inginuso sa akin ang umuusok na pakpak. Gusto kong sumigaw at ipaalam sa iba ang aming nakikita ngunit pinipi ako ng pangambang iiwan ko na ang aking mga mahal sa buhay. May dumaloy na luha sa aking mga mata. "Ayoko pa, Diyos ko, ayoko pa!" Nasa ganoong taimtim akong pagdarasal nang magkagulo na. Marami na ang nakakita sa umuusok na pakpak at lalong nagkagulo nang may makitang apoy. Nawawala sa balanse ang eroplano. Kanyang-kanyang sigaw. At may mga nag-alis ng seat belt at tumayo na parang naghahanap ng matatalunan.

"Please don't panic! Mas lalo tayong madidisgrasya sa inyong ginagawa. We'll have an emergency landing... May I repeat, please don't panic!" ngunit halatang garalgal ang piloto.

TOG-TODOG-TOG!

Lumapag na ang eroplano sa Virac airport. Tumigil. Iniluwa kami isa-isa. Taimtim akong nagpasalamat sa Diyos nang makababa ako sa hagdan. Ligtas kaming lahat.

Hawak pa rin ng matandang babae ang rosaryo.

Buong-buo ang eroplano.

Lahat ay naganap sa isip ko lamang.

0 comments
new to catanduanestribune.com?
connect with us to leave a comment.
connect thru
Cancel
Cancel
Cancel
Other Maikling Kuwento articles
home home album photo album blogs blogs