By By Arnold Matencio Valledor
ANG PAGTATAPOS
posted 7-Jan-2018  ·  
1,051 views  ·   0 comments  ·  

“NAY, pakigising ako bukas ng umaga… before 5,” bilin ng kanyang dadalawampuing anak.

“Oo, sige, matulog ka na,” tugon niya, “Kanina ko pa naplantsa ang susuotin mo bukas,” dagdag niya, “pati nga damit ko, naplantsa ko na rin.”

“H-ho? O-oho….”

Binuhay niya ang electric fan at isinara ang plywood na pinto. Pinasadya nilang mag-asawa iyon ayon na rin sa request ng kanilang anak na bunso sa limang magkakapatid. Ayaw nitong maisturbo sa pag-aaral kaya kailangang may pintong plywood ang kanyang kuwarto. Na ikinatuwa nilang mag-asawa dahil seryoso sa pag-aaral ang kanilang anak. Hindi na nila ipinagawa ang para sa kuwarto nilang mag-asawa na tanging kurtina ang nakaharang sa pintuan. Mas pinili nilang ibili na lang ng gamit sa pag-aaral ng bunso ang ibibili ng materyales at bayad sa labor.

Tanging ang bunso ang nakapagkolehiyo sa limang magkakapatid. At bukas nga ay magtatapos na. Kaya ang mga kapatid nito na sa Maynila nakikipagsapalaran ay nagpadala ng lahat na pangangailangan sa pagtatapos nito: sapatos, medyas, damit, pantalon, pati brief. Kahit ang dalawang kapatid na nakapag-asawa na ay nagpadala rin para sa pandagdag sa mga sinasabi nitong bayarin sa eskwelahan bago makapagtapos kasali na ang toga.

Pinagmamasdan niya ang mga susuotin nilang mag-ina bukas. Nilapitan niya. Inamoy. Hinaplos ng halos nangungulubot na niyang mga kamay dahil sa pagtulong sa pagtatrabaho sa palayan, sa abakanhan at sa niyugan. At hindi niya natiis na yapusin ang toga. Tuwang-tuwa siya. Sa wakas, may makapagtatapos sa kanilang mga anak. Ang kanilang bunso.

Halos mag-uumaga na siyang tablan ng antok dahil sa excitement. Nagising siya ng pasado alas singko. Agad niyang pinuntahan sa kuwarto ang anak. Wala na. Tiningnan niya sa pagkaka-hanger ang damit at toga ng anak. Wala na.

“Juan, bakit di mo man lang ako ginising… maghihinanakit tuloy ang anak natin. Nasa’n na siya?”

“Umalis na. Sabi ko’y gigisingin kita.  H’wag na raw at baka kailangan mo pa ang pahinga.”

“Ano ka ba naman?  Kahit di nga ako matulog masamahan ko lang ang bunso natin….”

“Basta sumunod ka na lang daw.”

Wala na siyang sinayang na oras. Naligo siya agad. Sinuot ang plinantsang bestida kagabi. Sinuot ang bagong biling sandals. Sinuklay ang bagong gupit na buhok. Nagpulbos. Nag-lipstick. Nagpabango. Binitbit ang bagong biling pulang wallet. Pumara ng tricycle. Pumunta sa simbahang sinabi ng kanilang bunso para sa Baccalaureate Mass. Halos nangangalahatian na ang misa nang dumating siya. Napakaraming nakatoga. Pero makikilala niya ang anak kahit nakatalikod. Kabisado niya ang pangangatawan nito. Nakailang beses niyang sinuyod ang mga nakatoga, hindi niya makita. Naisip niya na baka hindi ito dumalo sa misa dahil hindi siya kasama. –Bakit kasi nakatulog pa s’ya? Bakit di s’ya ginising ng kanyang asawa? Bakit di s’ya ipinagising ng kanilang bunso?

Nasaan ngayon ang kanilang bunso? Nagtanong siya sa kalapit na lalaking nakatoga na katabing nakaupo ang masayang ina kung saan idaraos ang pagtatapos. “Sa Function Hall po,” at itinuro pa sa kanya ang daanan upang makapunta roon.

Nakarating siya sa Hall. Nabuhayan siya ng loob nang may makitang ilang estudyante na nakatoga rin pero walang magulang na kasama.  Naisip niya na baka kasama ng mga ito ang kanilang bunso? Nagtanong siya. “Nakita n’yo ba si Juan Topas Jr.?”

“Di po, Manay.”

“Pero kilala n’yo siya?”

“Opo. Kaklase namin s'ya dati. Hanggang second year lang po s'ya at di na nagpatuloy.”

“Baka iba ang sinasabi n’yo, ga-graduate ngayon ang anak ko… nagpahanda pa nga s'ya ng toga, e. Nauna lang s’yang umalis sa bahay.”

“’Yong may peklat po sa baba, Manay?”

“Oo. Kilala n’yo nga. Masyadong malikot kasi ‘yon noong bata pa kaya nakasubsob sa kalsada at nasugatan sa baba. Baka nakita n’yo?”

Nagkatinginan ang dalawang lalaking kaharap niya. Biglang nalungkot ang mukha. Gustong magsalita ngunit hindi nakapagsasalita.

“Ano, Noy…?”

“S-s’ya nga po ang tinutukoy namin kanina, Manay. M-matagal na po na di s’ya nag-aaral.     D-dalawang taon na po. Pagkatapos na sumama sa ibang lalaki ang kanyang girlfriend. Minsan, nakausap namin siya at nakainuman nang mag-birthday si Ariel, ang kaklase namin na best friend n’ya. Sinagot nga n’ya ang inumin at pulutan. Pagkatapos no’n di na namin uli s’ya nakita.”

“Di totoo ‘yan. Nagsisinungaling kayo,” may namumuong luha sa kanyang mga mata. “Ga-graduate ngayon si Juan,” at nabasag ang luha.

S-sorry po, Manay, pero ‘yan ang totoo. A-ayaw namin sanang sabihin sa inyo, dahil alam po naming masakit, pero kailangan naming sabihin ang totoo… k-kahit tingnan n'yo po dito sa Program na hawak namin ay wala s'ya rito,” at iniabot sa kanya ang Program.

Kahit elementarya lang ang natapos niya ay magaling siyang magbasa. Malinaw pa rin ang kanyang mga mata kahit may edad na. Pinahid niya ng palad ang luha. Nagbasa. Unang pasada. Wala. Pangalawang pasada at baka nalampasan lamang ng basa. Wala pa rin. Pangatlong pasada. Wala talaga. Bumalong ang luha niya. Bigla siyang tinakasan ng lakas. Napaupo siya sa sementadong sahig.  Kinakagat niya ang kanyang labi. Nasusugat. Gusto niyang pumalahaw ngunit mas tumitiim ang kanyang pagkagat sa labi kaysa pagsigaw. Sumisikdo na siya. Yumugyog ang kanyang mga balikat.

Dumarating na ang mga galing sa Baccalaureate Mass. Masasayang mukha ng magsisipagtapos at kani-kanilang magulang na magkahawak kamay ang iba at magkaakbay naman ang iba. Tatayo siya. Hahanapin niya ang kanilang bunso. Papagpapaliwanagin niya. Tumayo siya. Ngunit mabuway ang kanyang mga tuhod. Babagsak sana siya sa sementadong sahig kung hindi siya naagapan ng dalawang magsisipagtapos na nakausap niya. Inalalayan siya hanggang sa makasakay sa tricycle pauwi.

“Saan po tayo, Manay?” tanong ng driver na halos hindi niya narinig kaya inulit ng makatatlong beses.

Sinabi niya.

-Paanong nagawa ni Juan na kami ay lokohin? Ano ang naging pagkukulang namin? Ginapang namin ang lahat na pangangailangan n'ya upang makapagtapos... pero bakit? Sapat bang dahilan ang pagkabigo n'ya sa babae upang lokohin kami?– Paulit-ulit na itinatanong niya sa kanyang isip. Namamanhid ang kanyang isip sa paghahanap ng akmang kasagutan sa kanyang mga katanungan. Hindi niya nararamdaman ang pagkakauga ng kanyang katawan at minsang pagkakauntog dulot ng mabilis na pagpapatakbo ng driver kahit na may hump sa kalsada, ang nadarama niya ay ang sakit ng kalooban dahil sa panloloko ng isang pinagkakatiwalaang anak na madalas niyang ipagyabang sa kanyang mga kumare at kumpare sa kahit saan mang huntahan.

"Saan po ang bahay n'yo, Manay?"

Itinuro niya.

Pagbaba niya sa tricycle ay pinilit niyang patatagin ang kanyang mga tuhod. Gusto niyang makauwi at ipapahanap niya sa kanyang asawa ang kanilang bunso. Ilang hakbang na lang siya sa pintuan, nakita niya sa kusina na nagpapakulo ng malaking kaldero ang kanyang asawa. Alam niya na ang alaga nitong mga manok ang niluluto. Pam-blow out. Bumalong muli ang luha sa kanyang mga mata. Unang hakbang niya papasok sa pintuan nang may humintong tricycle sa tapat at ibinalita ng sakay nitong binata na nasa emergency room ng pampubliko nilang ospital si Juan dahil sa naglaslas ng pulso.

Naglahong bigla ang tatag ng kanyang tuhod. Parang sakong walang laman na bumagsak siya. Tumama ang kanyang ulo sa matigas na lupang sahig ng kanilang bahay. Bago siya mawalan ng ulirat, nakita niyang natabig ng kanyang asawa ang malaking kalderong nilulutuan nito sa pagmamadaling masaklolohan siya. Halos nalapnusan ang kanyang asawa. 

0 comments
new to catanduanestribune.com?
connect with us to leave a comment.
connect thru
Cancel
Cancel
Cancel
Other Maikling Kuwento articles
home home album photo album blogs blogs