By By Arnold Matencio Valledor
RAGASA
posted 4-Feb-2018  ·  
947 views  ·   0 comments  ·  

TUMATAKBO siya. Mabilis. Pabilis nang pabilis. Hindi niya alintana ang malakas na patak ng ulan at bugso ng hangin. Umuuka ang bawat bagsak ng naghahabulan niyang paa sa rumaragasang maputik na bahang halos hanggang tuhod na ang taas sa kalsadang ni minsan, hindi pa binaha. Uuwi siya. Sa pinakamabilis na paraang magagawa niya. Hindi niya kailangang taluntunin ang pinakakalsada, kumaliwa siya. Kailangang tawirin niya ang hindi kataasang bundok na ito upang mas madali siyang makakarating sa kanilang bahay. Nasa kabila nito ang malawak na bukirin ng kanilang barangay kung saan nasa bandang gitna ang minana niyang lupa sa namayapa niyang mga magulang at doon nakatirik ang kanilang bahay at ang may sariling deposito ng dumi na kulungan ng baboy na saksi sa paglaki at pagbubuntis ng alaga nilang baboy. Inaabot na ng baha ang paanan ng bundok. Alam niya na pantay ang taas ng tubig saan mang lugar. Mas mababa kaysa paanan ng bundok ang lupang kinatitirikan ng kanilang bahay at kulungan ng baboy. Lalong lumakas ang kaba sa kanyang dibdib. Na lalong nagpabilis sa kanyang pagtakbo. Na nagpamanhid sa kanyang talampakan dahil hindi na niya nararamdaman ang sakit sa pagkakaapak sa mga nagkakalat na mangilan-ngilang bato at nag-uusbungang kugon na kamakailan ay sinunog ng may-ari. Hindi siya napapagod. –Ang mag-iina ko, Diyos ko! Ang baboy namin, Diyos ko!-

“Boss, uuwi na po muna ako,” pakiusap niya kay Mr. Apang, ang kanyang amo, habang ikinakamada niya ang pang-anim na hakot ng tinistis niyang kahoy sa ipinasadya nitong tambakan sa bandang likod ng bahay nito na hindi takaw-pansin sa mga awtoridad. Nag-uunahan ang tubig-ulan sa mukha niya pababa sa kapoteng hiram niya rito. “Ihahatid ko po muna ang mag-iina ko sa bahay nina Kapitan…ipapakiusap kong doon muna sila pansamatala... gayundin ang alaga naming baboy… baka bumaha!”

“Anong baha ang sinasabi mo? Binaha na ba tayo?”

“Magdamag na pong umuulan…masyado pang malakas…posibleng bumaha…mataas na nga po ang tubig sa sapa… pataas nang pataas… sa kada paghakot ko, tumataas nang tumataas po ang tubig!”

“Tapusin mo muna ang ipinagagawa ko sa’yo!”

“Magbabaha na po.”

“Di tayo binabaha!”

“No’ng wala pang malawakang pagla-logging.

“Kailangang mai-deliver ni Ponso ang lahat nang tinistis mo mamayang kalaliman ng gabi sa construction site ni Mr. Villa! ‘Yon ang isipin mo’t di ang baha!”

“P-pero…”

“Walang pero-pero!”

Nawala ang lamig na nararamdaman niya. May gumapang na init sa buo niyang katawan na nagpatagis ng kanyang mga ngipin at nagpakuyom ng kanyang mga palad.

Marahas ang naging pagsipa niya sa topdown. Pinihit niyang bigla ang silinyador na ikinaangat ng gulong nito nang halos isang piye.

“Nag-aalburuto ka?”

Hindi siya sumagot. Hindi siya lumingon sa kanyang amo. May ibig umalpas sa kanyang katawan. May ibig umigkas. Ngunit ang pagpihit muli sa silinyador palayo kay Mr. Apang ang tangi niyang nagawa. Nakapagpipigil ba ng silakbo ang utang?

Mga isang buwan pa lamang ang nakakaraan, na-dengue ang kanyang kambal na magdadalawang taong gulang. Bumale siya kay Mr. Apang. May kalakihang halaga. Inabot kasi ng limang araw sa ospital ang kanyang kambal. Nangako siya na babayaran iyon agad kaya humingi siya rito ng malaking order at ibinigay naman sa kanya ang order ni Mr. Villa na isang independent contractor na nanalo sa bidding ng apat na klasrum na magpapagawa na ng scaffolding bukas para sa beam at slab. Kaya hindi siya pinayagang umuwi. –Babalik naman ako agad.  Gusto ko lang munang masiguro ang kaligtasan ng aking mag-iina, at ng alaga naming baboy na makapagbibigay din sa amin ng dagdag na kita sa mga susunod na araw dahil manganganak na ‘yon anumang araw mula ngayon.- gusto niyang sabihin kay Mr. Apang kanina ngunit hindi niya nasabi, namalayan na lamang niyang pinaaandar na niyang muli ang topdown.

Tumatalon ang topdown sa mabatong bahagi ng kalsada. Ang pagtatagis ng kanyang ngipin ay nakakalabas sa pagpihit niya sa silinyador. Umaangat ang puwitan niya sa upuan. Nakikipagpatintero siya at mabilis na iniiwasan ang pinakamalambot na bahagi ng maputik na kalsada dahil posibleng kainin ng putik ang mga gulong. Hinayaan niyang mapunit ng marahas na hangin ang malapad na kapoteng suot niya. Hindi na siya nag-abalang ibutones pa ito sa magkabilang gilid. Makakaabala lamang. Para saan pa’t basang-basa na rin siya. Kailangan niyang matapos agad ang trabaho. Kailangan niyang makauwi sa lalong madaling panahon. Kailangang mailikas niya ang kanyang mag-iina at ang alagang baboy.

Pinagalitan siya ni Mr. Apang nang makita nitong warak ang kapote.

“Idadagdag ko ‘yan sa’yong bayarin. Doscientos cincuenta!”

-Put…!- muntik nang kumawala ang murang iyon. Umiigting ang gumagapang na init sa buo niyang katawan. Tumatapang na ba siya?

Pagkatapos niyang ikamada ang bagong hakot na mga tinistis niyang kahoy, walang lingon-likod na sumakay siyang muli sa topdown. Isinagad niyang muli ang pihit sa silinyador. Huling paghahakot na niya ito. Pataas nang pataas ang tubig sa sapa na nakikita niya mula sa pampang na dinaraanan niya. Sa tantiya niya, nakukuha niya ngayon sa sampung minuto ang  sampung kilometrong distansiya na mabato at maputik, pataas at pababang kalsadang ng kabundukang iyon na tinirhan niya sa loob ng tatlong araw na walang uwian makompleto lamang ang order ni Mr. Villa. At sa pabalik, tantiya niya, nasa dalawampung minuto naman dahil sa isinasagad niya ang karga sa topdown upang mabilis niyang maubos ang mga tinistis niyang kahoy. Gustong-gusto na niyang makauwi. Sa nakikita niyang mabilis na pagtaas ng tubig sa sapa, tinatantiya niya na baha na sa kinatitirikan ng kanilang bahay. –Lumikas kayo, Lina…lumikas kayo!- sabi niya sa isip na gusto niyang nakalilipat sa isip ng kanyang asawa. –Pumunta kayo kina Kapitan. Doon muna kayo... humingi ka sa kanya ng tulong upang maisalba ang ating baboy!- dagdag niya. –Kapitan, sana’y matulungan n’yo ang aking pamilya… Kapitan!- sabi niya sa isip ulit na ibig niyang nakalilipat iyon sa isip ni Kapitan Isong at ginagawa nito ang naiisip niya.

Ngunit, paano kung hindi? Paano kung bigla ang ragasa ng baha at hindi man lang nakapaghanda ang kanyang mag-iina dahil ngayon pa lamang ito nangyari? Paano kung hindi sumagi sa isip ni Kapitan, bagamat nagagawi ito roon kung minsang bumibisita sa bukirin nito sa gawing Silangan, na may mag-iina roong nangangailangan ng tulong dahil sa abala rin ito sa pag-aasikaso sa kanyang mga ari-arian?

Ipinilig niya ang kanyang ulo. Ibig niyang iwaksi ang negatibong takbo ng kanyang isip.                  –Hindi! Hindi mangyayari ‘yan. Hindi!- isinisigaw ng isip niya. -Diyos ko! Diyos ko.-

Gumuho na ang lupa sa bahagi ng bundok na malaon nang kinalbo ng mga kagaya niyang maninistis ni Mr. Apang. Malapit iyon sa kanyang pinagputulan. Nakadagdag ito sa kanyang pangamba. Posibleng may mga bahagi pa ng bundok sa kanyang daraanan pauwi ang gumuho. Hindi niya kailangang magsayang kahit ng isang sandali.

Isinagad niyang muli ang silinyador. Nag-ulol ang topdown. Bumabalagbag sa kalsada. Ngunit buong lakas niyang namaniobra ang manibela nito sa tamang direksiyon. Halos kumakawala ang mga tinistis niyang kahoy sa pagkakatali.

Huling biyahe na niya ito. Makauuwi na rin siya. Makababayad na rin siya kay Mr. Apang. Makaka-intrigo rin siya sa kanyang asawa ng humigit-kumulang sa tatlong daan. –Walang masamang nangyari sa aking mag-iina… sa aming baboy, wala!- inaaliw niya ang kanyang sarili. Pinanatili niyang sagad ang pihit sa silinyador kahit sa pababang bahagi ng kalsada. Naglilikot ang mga tinistis na kahoy na tila lumuwag na sa pagkakatali. At, kasabay ng paghampas ng malakas na hangin at ulan sa kanyang likuran na lalong nagpabilis sa takbo ng topdown at pagdausdos ng karga niyang tinistis na kahoy, hindi niya nakuhang kontrolin ang manibela. Biglang inapakan niya ang preno na nagpatilapon sa kanya at nagpagulong hanggang sa may bingit ng pampang. Mabuti at nasangga siya ng nakatundos na kahoy na nagsisilbing isa sa mga pantukod sa sampayan ng bandara ng mga paraha-got sa lugar na iyon. Nahihilo siya. May dugong pumapatak mula sa kanyang noo. Humahalo sa ulan. –H-hindi ako p-puwedeng mawalan ng malay. H-hindi ako p-puwedeng mamatay- kinokondisyon niya ang kanyang sarili. –U-uuwi ako ngayon sa aking mag-iina. U-uuwi ako.- Nakita ng nanlalabo niyang paningin ang bumaligtad na topdown at ang mga tinistis na kahoy na nagkalat. Pinilit niyang tumayo ngunit nananakit at nananamlay ang buo niyang katawan. –U-uuwi ako. U-uuwi ako. L-ina. K-kambal. A-ang b-baboy. K-kapitan… D-diyos ko… D-diyos ko!- At nakikita niya ang sarili na tumatakbo pauwi.

----------------------------

bandara             - hibla ng abaka

paraha-got       - tagapagbulay ng abaka; abaca stripper sa Inggles


0 comments
new to catanduanestribune.com?
connect with us to leave a comment.
connect thru
Cancel
Cancel
Cancel
Other Maikling Kuwento articles
home home album photo album blogs blogs