By By Jex F. Lucero
Matulad kaya sa Boracay ang probinsya natin?
posted 23-Apr-2018  ·  
1,356 views  ·   0 comments  ·  

Anim na buwan isasarado ang Boracay na ayon sa kay PRRD ay kailangang linisin dahil ito ay masyado nang marumi. Si PRRD lang ang nagkaroon ng magandang kaisipan na kailangan ay linisin muna ang Boracay bago ipagpatuloy ang kaligayahan ng mga taong gustong-gusto ang nasabing lugar mabanyaga man o maging mga kababayan natin. Lugar na kung mapuntahan ninyo ang tanging ipinagmamalaki lang nito ay ang pinong-pinong buhangin at dagat na sabihin nating tulad sa isang taong malambing dahil pa dampi-dampi lang sa buhangin ang mga alon nito. Na hindi pala natin alam ang dagat na gustong-gusto ng mga tao ay dinadaluyan na ng maruruming tubig galing sa mga malalaking stablisimiyento lalo na mga hotel.

*****

Alam ba ninyo kung ilang beses na akong nakarating sa Boracay? Kung hindi ako nagkakamali, mga apat o limang beses na. Pero sa totoo lang hindi ko talaga gusto ang lugar dahil kahit saang lugar may makikita kang nakatambak na basura. At ang mga hotel o mga lodging house ay dikit-dikit parang mga iskuwatter. Maski mga daanan ay masisikip. Hindi planado ang pagtatayo ng mga hotel at mga lodging house. Ang tanging maganda lang ay ang beach na may pinong buhangin. Sabi ko nga, mas maganda ang mga lugar natin dito sa Catanduanes. Pero bakit kaya bihira ang mga pumupuntang turista sa atin? Ano kaya diperensiya?

******

Meron na rin naman tayong mga malalaking hotel at magaganda na ang mga daanan natin. Pero bakit Boracay pa rin ang dinadayo ng mga taga-ibang bansa at maging ng mga kababayan natin? Pero marami ang nagsasabing dadami ang mga turista natin ngayon dahil isasarado pansumandali ang Boracay para linisin. Ang tanong magustuhan kaya ng mga taga-ibang bansa ang mga tourist spots natin? Marami tayong magagandang lugar sa litrato nga lang. Pero ang pinaka-popular kahit sa ibang bansa at talagang dinadayo ay ang Puraran. Iyan pa ring lugar ang dadayuhin at umasa tayong sana nga dumami ang mga turista sa atin para naman kahit papaano makatulong sa ating probinsiya.

*****

Tayo kaya, saan kaya isinasalya ang mga basura natin? Meron ba tayong napagtatapunan ng mga basura natin? Pasimple lang tayo pero darating ang araw na ang lugar natin ay matutulad din sa Boracay. Palaki nang palaki ang populasyon ng Catanduanes at palaki nang palaki rin ang basura natin pero wala pa rin tayong lugar na matatawag natin Payatas na kung saan ay gagawing tapunan ng mga basura. Iyong mga sinasabi nila puro lang naman iyon drawing? Kaya umasa tayo na balang araw magkakaroon tayo ng malaking problema tungkol sa basura. Ngayon hindi pa masyado pero dadating at dadating ang mga araw na iyon

*****

Hindi lang basura ang dapat na paghandaan at pagplanuhan natin. Ang probinsiya natin sa mga darating na araw ay babahain ng mga sasakyan. Sigurado iyan! Walang kadudaduda!! Kaya dapat ngayon pa lang itong mga pinuno nating mga abala sa pangongontrata ng mga proyekto ng gobyerno ngayon na kayo kumilos para mapagplanuhang mabuti ang matatawag nating mga nakaambang malalaking mga problema. Huwag naman puro pangongontrata ang asikasuhin ninyo. Kahit pakunwari ay ipakita naman ninyo sa mga nasasakupan ninyong nagmamalasakit kayo. Buwa buwa sana baga tutal mga bubuwaon man sana baga kamong mga hudas kamo!! Bato bato sa langit ang tamaan huwag magalit?

*****

Hindi ko alam kung nag voluntary surrender si Atty. Eric Isidoro. Ang alam ko lang ay nakadetine na siya sa BJMP dito sa Catanduanes. May kung ilang kaso raw na kinakaharap si Atty. Isidoro at iba-iba ang maririnig mo sa mga sinasabi ng mga tao. Natural lang naman ang ganyan lalo abogado at sa NBI pa siya. Sa mga nakakaintindi ng takbo ng mga kaso ang sasabihin lang ay naku mahaba pa ang mga dadaanan niyan. Ngayon ang iba sasabihin dehado siya dahil akusado at nakakulong. Pero maya-maya niyan iba na naman ang kuwento. Ang iba lang diyan ang lalakas ng loob magsasabi ng kung ang-ano. Pero ang totoo mga wala namang alam sa takbo ng kaso. Hindi pa nga nabibistahan maririnig na natin na tapos na yan? Ang gagaling ng mga tao? Wala pang hatol, guilty na. Ano,kaya kung manahimik muna kayo at hintayin ninyo ang mahaba-habang araw at doon ninyo malalaman kung totoo ba o hindi ang mga kasong isinampa laban sa kanya? Masyado kayong mga atat, hindi naman kayo ang may kaso.


0 comments
new to catanduanestribune.com?
connect with us to leave a comment.
connect thru
Cancel
Cancel
Cancel
Other Tingnan Natin articles
home home album photo album blogs blogs