By By Jex F. Lucero
PINATALSIK
posted 23-May-2018  ·  
1,294 views  ·   0 comments  ·  

Pinakamainit na isyu ngayon ay ang pagpapatalsik kay CJ Sereno ng Supreme Court. Sa pagkakataong ito ang nagpatalsik sa Chief Justice ng Supreme Court ay ang mismong mga kasama niya. Noon kasi ang nagpatalsik sa kay CJ Corona ay ang mga senador sa pamamagitan ng impeachment. Kay CJ Sereno ang nagpalayas sa kanya ay mga kasama niya sa Supreme Court sa pamamagitan ng Quo Warranto na sinasabing sapul sa simula ay iligal na ang  pagkaka-appoint kay Sereno. At ngayon nga nagdesisyon ang SC sa botong 8-6 pabor para mapatalsik ang hepe ng SC.

*****

Talsik na ang hepe ng SC pero sabi niya hindi pa tapos ang laban. Ang sabi nag-uumpisa pa lang daw. Grabe din naman ang fighting spirit ng taong ito. Hindi niya alam na ang nagluklok sa kanya na presidente noon ay palyado na. Wala nang boses, lakas, pakpak, pati mga paa at buong katawan paralisado na. At kahit kailan ay hindi na magiging pangulo. At kahit kailan siya bilang hepe ng Supreme Court ay hindi na makakabalik sa kanyang dating puwesto. Dapat ay maniwala siya sa kasabihang ang labanan ngayon kahit noon ay weder-weder lang. Tapos na panahon ng amo niya kaya tinapos na rin siya.

*****

Weder-weder lang! Noon ng si CJ Corona na inilagay ni Arroyo, pinatalsik ni Pnoy. Walang nagawa ang Corona kundi tanggalin ang korona niya bilang hepe ng Supreme Court. Ngayon naman na wala na ang amo niyang Pnoy, siya naman ang pinatalsik kaya sabi nga weder-weder lang. Meron at merong papàlit kay Sereno. At puwedeng mangyari sa papalit kay Sereno ang nangyari sa kanya at kay Corona. Bakit? Kasi nga pag wala na si Duterte, tiyak na gagawa naman sila ng sarili nilang pamamaraan kung papaanong ang inilagay ni Duterte ay palalayasin nila. Ang lahat ng ito ay nangyari dahil sa kagagawan ni Aquino. Na wala ng ginawa noon kundi sisihin ang mga ginawa ni Arroyo. At sa totoo lang maituturing na ang numero unong nagawa ni dating pangulong Aquino ay ang sisihin ang mga ginawa ni Arroyo. Iyan number one accomplishment niya!

*****

Magpa-file pa rin daw ng Motion for Reconsideration si Sereno. Wala naman sigurong pipigil sa kanya. Karapatan niya iyon. Ang tanong ay mababaliktad naman kaya ang naging desisyon ng mga kasamahan niya laban sa kanya? Kung mababago ang desisyon ng mga kasama niya at pumabor ito sa kanya,  matutuloy ang impeachment. Pero isandaang porsiyento na kahit isa sa walong mahistrado ay hindi na mababago ang desisyon. Hindi sila mga sira na magbabago pa ng desisyon pagkatapos na maihayag na ang naging desisyon nila. Ang susunod na mangyayari ay papalitan na siya dahil sinipa na siya sa puwesto niya. At tiyak ko nagdiriwang ngayon ang mga kaanak ni yumaong CJ Corona. Siguro sinasabi nilang tumalab iyong karma. Ang isa pang malungkot ngayon ay iyong taong naglagay sa puwesto kay Sereno.Tunay na weder-weder lang ang labanan.

*****

Tinalo ni Lomachenko si Linares sa larong boksing. Maganda iyong bakbakan pero nasingitan sa parteng liver si Linares kung kaya bumigay ito at sa pangsampong round umayaw na si Linares. Linares ang pinaboran ko doon sa labang iyon dahil napanood ko halos lahat ng laban nito. Pero isa pa sa dahilan ng pagkatalo ni Linares ay ang kanyang edad. At ito rin ang dapat ipangamba ng mga kababayan natin tungkol kay Manny Pacquiao, 41 years old na siya at maaaring baka matulad din siya sa mga boksingerong ayaw paawat at ang napala ay para na lang pinaglalaruan ng mga bata pang mga boksingero. Sana maisipan na iyan ng pinakapaboritong boksingero ng mga Pinoy.

*****

Sa Eastern conference playoff sa NBA ang maghaharap ay ang Cavaliers sa pangunguna ni Lebron James at Boston Celtics na walang superstars. Ang lahat ay mga superstars dahil sa galing ng depensa nila at teamwork. Sa Western conference naman ang magsasalpukan ay ang Warriors at ang Rockets. Tulad sa Eastern conference ang lyamado ay ang Cavaliers, ganundin sa Western conference ang lyamado ay ang Warriors. Sa sugal, mas marami ang lyamado kaya lamang ang Cavaliers at ang Warriors. Pustahan na!


0 comments
new to catanduanestribune.com?
connect with us to leave a comment.
connect thru
Cancel
Cancel
Cancel
Other Tingnan Natin articles
home home album photo album blogs blogs