By By Jex F. Lucero
DU30, bilib na bilib sa mga tao niyang palpak
posted 11-Jun-2018  ·  
1,365 views  ·   0 comments  ·  

Kahit nagagalit na ang mamamayan, ipinagpipilitan pa rin ng ating gobyerno ang palpak na tax reform law (TRAIN). Kahit ang Pang. Duterte, malakas ang paniniwala na ito ay may mabuting maidudulot sa naghihirap at nabubuwisit nang mamamayan. Sa tingin ko, bilib na bilib ang pangulo sa kanyang mga economic managers na ang pagtaas ng mga bilihin dahil sa tax reform law ay sagot sa kahirapan ng mamamayan. Ang hindi niya alam baka ito pa ang magpapabagsak sa ngayon ay nanlalambot nang gobyerno.

*****

Dapat malaman ni PRRD na ang kanyang mga kalaban sa pulitika ay naghihintay lang ng magandang pagkakataon para makitang ang mamamayan ay nagagalit na dala ng kahirapan at kapalpakan ng gobyerno niya. Maganda na sana ang takbo ng gobyerno niya pero nang ipasok ang tax reform law, bigla bigla naging masalimuot ang buhay ng mga tao dala ng pagtaas ng mga bilihin na halos hindi na makayanang sikmurain ng lahat. Kahit ako sa tingin ko, ito ang pinakapalpak na batas na ipinasa ng Kongreso at inaprobahan ng pangulo. Pinakapalpak sa lahat ng palpak.

*****

Ngayon ay nangangalap ng isang milyong pirma ang mga kumokontra sa nasabing ipinatutupad na batas. Hindi biro-biro ang mga taong kumokontra sa nasabing batas sa ngayon at ako ay may palagay na magiging isang dambuhalang isyu ito laban sa administrasyong Duterte. At ako ay may palagay na merong titiklop ang tuhod sa mga tagapayo ng pangulo sa darating na araw. Marami nang nagagalit at katunayan dito sa Bikolandia ay nag-uumpisa nang mag-alburuto ang mga tao. At sa tingin ko konting pang-uudyok na lang sa mga naghihirap na mamamayan, sisiklab na ang kinikimkim nilang galit.

*****

Iyon ang pinangangambahan ko dahil sa kasabihang “A hungry man is an angry man”. At mahirap kalaban ang mga taong nagugutom. Nakakatakot ang galit ng mga taong gutom!

Handa silang makipagpatayan maibsan lang ang kanilang pangangailangan. At ito ang dapat iwasan sana ng mga palpak na mga tagapayo ng ating pangulo kung saan ay sampalatayang-sampalataya siya. Kumbaga sobrang bilib ng pangulo natin. Ilang araw pa ay may palagay akong magkakaroon ng malaking kaguluhan ang gobyerno natin dahil sa palpak na batas na ito. Antabayanan natin ang mga kumikilos na mamamayan na kontra sa tax reform law.

*****

Para sa akin, ang tax reform law na ito ay isang malaking malaking pagkakamali ng mga tao ni Duterte. Masyadong pinaniwala ang pangulo ng mga tao niya na makakabuti sa gobyerno niya ang nasabing batas. Ngayong nagkakagulo na parang pinanindigan na rin ng pangulo ang kapalpakan ng mga tao niya. Sa kasaysayan ng ating bansa karamihan sa mga bumagsak na gobyerno o mga natalong pangulo ay dahil sa kagagawan o kapalpakan ng sarili niyang mga tao. Anupa’t totoo ang kasabihang ang sumisira sa bakal ay ang sarili niyang kalawang. Tulad ni Marcos kung saan ay bumagsak ito dahil sa kagagawan ng kanyang sariling mga tao. Kaya hindi alangang ang magpapababa sa kanyang puwesto bilang pangulo ay ang sarili niya ring mga palpak na mga tao. Ang kasaysayan, sabi nga, ay nauulit.

*****

As usual patuloy pa rin ang brownout at nadagdagan pa. Kung dati, no power ngayon ay sinamahan na rin ito ng Viwad. No power na, no water pa. Dito sa West Garden ang amo dito pag dating sa tubig ay ang tubig. Kung kailan nila gustong bubuhos ang tubig, saka lang ito dadaloy. Silang-sila ang boss! Walang magagawa ang mga consumers. Ang tanging magagawa nila ay magbayad ng kakapirasong na konsumo nila. Lumalabas na ang mga serbisyo ng dalawang pangunahing kailangan ng mga tao sa ating probinsiya ang siyang numero unong walang kuwenta.


0 comments
new to catanduanestribune.com?
connect with us to leave a comment.
connect thru
Cancel
Cancel
Cancel
Other Tingnan Natin articles
home home album photo album blogs blogs