By By Jex F. Lucero
Kailan matatapos ang problema sa iligal na droga?
posted 16-Jun-2018  ·  
1,393 views  ·   0 comments  ·  

Ang galing ko raw manghula? Una kasi hinulaan ko sa playoff sa NBA na ang maglalaban sa championship ay GSW at CAVs pa rin. Tama iyong hula ko. Pangalawang hula ko na ang magkakampeon ay GSW pa rin. Tama pa rin. Kampeon nga ang GSW. Ang pangatlong hula ko ay pumaltos ako. Hinulaan ko kasi na magpapakalbo si LeBron James pag natalo sa game three. Pero nang pumasok sa game four, hindi kalbo. Ang masakit sa CAVs ay halos makalbo sila sa score. Ang masakit iyong pumusta ng kuwarenta mil sa labang makadalawa lang ng panalo ang CAVs panalo na siya. Problema kahit isa hindi nakakuha ng panalo ang CAVs. Sorry sa mga natalo dahil aalis na sa CAVs si LJames.

*****

Ilang araw na ang nakararaan ang usap-usapan ay ang nakaraang labanan sa NBA ng GSW vs. CAVs. Halos magpatayan ang mga fans ng dalawang koponan. Sa totoo nalulungkot din akong natalo ang CAVs kasi nga isa sa mga player ng CAVs ay ang sikat na PhilAm na si Jordan Clarkson na dating nasa Lakers at lumipat sa CAVs. Pero nga tapos na ang laban at wala nang magagawa ang mga talunan kundi mag-iiyak at maghihiyaw ng madaya ang mga referee. Normal lang iyan sa natatalo lalo kung dinaya talaga. Pero kung hindi naman ang tawag diyan ay sentimiyento de asucar. Bawi na lang kayo next year.

*****

Ngayon ay wala nang maidadahilan ang mga d1d2d3 ng Ficelco dahil sagana na sa ulan tayo ngayon. Sabagay masasabi nating nagawan na ng paraan ang problema sa enerhiya. At pag muli nagkaroon ng malaking problema aywan kung ano pang ibang maidadahilan nila. At sana tuloy-tuloy na ang daloy ng kuryente sa mga consumers nito. At sana pa rin iyong mga sinasabing hahawakan na ng mga taga-NEA ang Ficelco ay matuloy na para mawala na ang mga D-1-2-3. At sana pa rin paniwalaan na iyong mga resolusyong ipinasa ng SP. Dahil kung hindi pa rin makabubuting magpasa pa ang SP ng resolusyon para tunawin na ang Ficelco.

*****

Hanggang ngayon ay matindi pa rin ang problema ng gobyerno laban sa iligal na droga. Araw-araw na lang na ginawa ng Diyos ang mga laman ng mga pahayagan ay tungkol sa iligal na droga. Halos ganito rin ang nangyayari ng nag-uumpisa pa lang ang administrasyong Duterte. Ang sabi sa loob ng anim na buwan tapos ang problema sa iligal na droga. Pero ito ngayon lalo yatang tumitindi. At wala nang makapagsasabi kung kailan matatapos ang problema sa iligal na droga. Ang tanong ngayon kailan pa kaya matatapos ang problemang ito? Hanggang kailan matatapos ang anim na buwan na sinasabi ni PRRD?

*****

Hindi umubra ang kagulangan ni Jeff Horn ang boksingerong tumalo kay Pacquiao dahil sa napakaruming laro nito nang pabagsakin ito ni Crawford sa round nine at muntik nang pulbusin kung hindi itinigil ng referee. Malayo ang Australyano sa kay Crawford, malakas ito at napakabilis at talagang hindi uubra ang panggugulang nito tulad ng ginawa sa kababayan nating si Pacquiao. Sa tingin ko kahit si Pacquiao ang makatapat ni Crawford ay iba ang kahihinatnan dahil kakaiba ang style ni Crawford. Malakas, mabilis at ibang-iba ang laro niya sa oras ng pakikipagbangasan ng mukha. Pero kung nakaharap niya si Pacquiao sa kabataang gulang niya maniniwala akong may paglalagyan itong si Crawford. Pero kung ngayon sasabak si Pacquiao sa ganyang edad niya ipupusta ko si Angel Locsin, Maja Salvador at Kim Chiu, pabor ako kay Crawford.

*****

Ang isinusulong ngayon ng senado ay ang tinatawag nilang TRAIN ll dahil nadiskaril iyong TRAIN l ang batas na para sa akin itinuturing kong pinakapalpak na batas sa administrasyong Duterte. Ang gusto mangyari sa TRAIN ll ay suspindihin na muna ang pagbubuwis sa langis (excise tax) at sa mga sweetened drinks. Huli na ang pagkilos ng senado dahil lahat ng bilihin ay nagtaasan na. Noon kasing pinapanukala pa lang ito nagbigay babala na ang ilang senador na magkakaroon ito ng matinding inflationary effect sa ating ekonomiya, hindi nila pinakinggan ang mga bagay na ito. Itinuloy pa rin, kaya ito ngayon tumindi ang inflation at hindi na malaman kung papaano mapigilan. Sabi ng ilang mga ekonomista hindi lang daw mga bobo ang mga economic managers ni Duterte, mga tanga pa raw?


0 comments
new to catanduanestribune.com?
connect with us to leave a comment.
connect thru
Cancel
Cancel
Cancel
Other Tingnan Natin articles
home home album photo album blogs blogs