By By Jex F. Lucero
Mga kakandidatong Kongresman, pare-parehong mga talunan
posted 11 days ago  ·  
380 views  ·   0 comments  ·  

Ang Catanduanes ay isang probinsiya na mabilis ang pag-unlad kung ang pagbabasehan natin ay ang araw-araw na nakikita natin sa ikinikilos ng mga tao. Hindi na sila katulad noon. Ngayon makikita natin na busy ang mga tao. Bawat isa ay kumikilos ng may sadya sila at may pinagkakaabalahan. Isang patunay ito na ang mga taga-Catanduanes ay may mabuting tinatahak na landas. Pero hindi natin maiaalis na ang mga professionals natin ay iba naman ang tinutungo nila. Na siya namang dapat dahil maliit lang ang ating  lalawigan at ang pagkakataong makasilo ang isang professional sa atin ng maganda-gandang trabaho ay masyadong mahirap. Ganunpaman walang sinumang makapagsasabing  ang probinsiya natin ay paatras ang takbo.

******

Maliban lang sa ilang serbisyong dapat ay makakatulong ng malaki sa pagsulong ng ating probinsiya ay hindi nila nagagampanang mabuti, tulad ng Ficelco at iba pang ahensiya ng gobyerno na ang pagbibigay

serbisyo sa mga tao ay hindi maganda ika nga. Anupa’t sa kabuuan ay kitang-kita ang katibayan na ang probinsiya ng Catanduanes ay malaki ang iniunlad nito makaraan ang ilang taon. Kung maayos lang ang serbisyo ng kuryente, ng tubig at iba pang mga bagay-bagay, puwede na iyong slogan na Catanduanes Happy Island. Pero habang ang kuryente natin ay parang Christmas tree ang dating at ang serbisyo ng tubig ay hindi maayos, Catanduanes will never be called a Happy Island. Always Catanduanes is an  Unhappy Island.

******

Maraming mga bansa ngayon ang nangangailangan ng mga laborer, maging skilled o hindi, ay in demand sa ibang bansa. Dito sa atin ang kasambahay ay ubos na. Napakahirap ngayon maghanap ng katulong. Gusto ngayon ng mga kasambahay ay ibigay na rin sa kanila ang nararapat na suweldo ng isang katulad nila. At saka sosyal  na rin sila. Dapat hindi bawal sa kanila ang cellphone at kung puwede nga may sarili na rin silang TV. Kumbaga sabi nila ay level up na rin sila. Kasi sa totoo naman ay protektado na sila ng ating batas. Hindi na sila katulad noon na parang alipin ang tingin sa kanila ng mga bossing nila. Salamat sa nasabing batas pero maipatutupad ba naman ito ng maayos? Ganun pa man walang problema kung hindi maipatutupad ng maayos dahil ang ginagawa naman ng mga kasambahay ay nilalayasan sila kaagad.

******

Sa eleksyon sa 2019 sa puwestong kongresman, mukhang tatlong mukha ang maghaharap. Lahat sila ay tumikim na ng pagkandidato sa nasabing posisyon pero isa man sa kanila ay hindi pa nakaranas ng panalo. Ang dalawa ay pareho nang nanalo pero hindi sa nasabing puwesto. Sila si dating gobernador Hector Sanchez at dating gobernador Cely Wong. Si Jorge Sarmiento,  ang naranasan niya ay nang matalo siya ni yumaong kongresman Jose Tapia. At ngayon lang siyang papalaot muli sa pulitika. Sa kabuuan ang tatlong maglalaban-laban ay parehong mga talunan sa nasabing posisyon at ngayon lang sila magkakasubukan ng husto. Tingnan natin kung sino ang magwawagi sa posisyong mailap sa kanila.

******

Isa raw sa incumbent PBM ang nagbabalak kumandidatong bise gobernador? Kung totoo ang balita, may makakatapat si bise gobernador Abundo. Sabagay pag marami masaya. Speaking of pag marami masaya, hindi raw isa lang ang puwedeng makatapat ni Vice Gob kundi dalawa raw pala at baka raw mali ang readings ko dahil tatlo pa nga raw. Pero ang sigurado hindi ako kasali. Lalong lumala ang balita dahil baka raw bumalik si dating vice gob Bong Teves? Lalong masaya?

******

Sa mga mahilig magtambay kung saan saang lugar, medyo delikado ang lagay ninyo? Mahigpit ang pangulo natin sa ganitong mga klase ng tao. Hindi na pupuwede iyong patambay-tambay sa mga lugar na dapat ay hindi naman tambayan. Or else madadala ka sa estasyon ng pulis para magpaliwanag kung bakit naroroon ka sa nasabing lugar. Maganda ang kampanyang ito ng gobyerno. At least lalo sa mga siyudad mababawasan ang mga krimen. Karamihan kasi sa mga sangkot sa mga krimen ay iyong mga walang magawa kundi magpatambay-tambay. Tumatambay para pag nakatiyempo babanat ng katarantaduhan. Pero minsan may nagagawa ring kabutihan ang mga tambay. Isang halimbawa may nagawing magnanakaw sa lugar ng mga tambay at sila ang nagtulong-tulong para mahuli ang kawatan. Bugbog-sarado ang magnanakaw.


0 comments
new to catanduanestribune.com?
connect with us to leave a comment.
connect thru
Cancel
Cancel
Cancel
Other Tingnan Natin articles
home home album photo album blogs blogs