By By Jex F. Lucero
Tuloy ang Eleksyon sa 2019
posted 6-Aug-2018  ·  
1,302 views  ·   0 comments  ·  

Kung hindi napatalsik si Alvarez sa Kamara bilang speaker, malamang ay walang eleksyon. Dahil ito ang masigasig na magkaroon na kaagad ng plebesito sa pinapanukalang Saligang Batas na Pederalismo. Pero ngayong si GMA na ang speaker ng Mababang Kapulungan, tiyak nang magkakaroon ng matinding gastusan ang mga pulitiko natin. Gastusang umaatikabo lalo’t ang mga pulitiko natin ay sagana  sila sa kuwarta dahil sa malalaking proyekto ng ating gobyerno. At sa ngayon ay nakikita nating nagpapa-epal na ang mga kakandidato. Nagpapapogi na sila at kontodo pabango. Pero ang totoo kung hindi sila gagamit ng deodorant, hindi mo malaman kung ano ang totoong amoy nila. Bato-bato sa langit, ang tamaan ay huwag magagalit.

******

Dito sa Catanduanes, kahit magkapatid, magkamag-anak, mag-asawa o kahit kabit pa ay puwedeng kumandidato dahil tayo ay nasa ilalim pa ng 1987 konstitusyon. Pero pagkatapos ng eleksyong ito  at naaprobahan ang pinapanukalang Saligang Batas, tapos ang maliligayang araw ng magkakamag-anak. Iyon naman ay kung ang mga nasa kongreso lalo ang sa Mababang Kapulungan ay magpapakatatao at paiiralin ang kanilang pagiging tao. Pero kung ang paiiralin nila ang pansariling interes, babalik ang mga magkakamag-anak, mag-aama, magkakapatid, mga kabit, at iba pang mga magkakadugo. Na ang tanging hangad lang ay huwag silang mawala sa kapangyarihan at mapanatili ang kanilang impluwensiya. Kapangyarihan at impluwensiya na mangyayari lamang kung ang mga kasama mo sa gobyerno ay mga kadugo mo o nabibilang sa iyong angkan. Na siyang katotohanang hindi natin maikakaila kahit bali-baligtarin pa natin ang buong mundo.

******

Sa Mataas na Kapulungan ng kongreso (Senado) tila mangyayari ang Anti-Dynasty Law. Mismong ang may-akda sana ng bill na ito sa Senado ay sang-ayon siya sa nasabing batas. Siguro nahihiya siya sa kanyang pamilya na mismong tunay niyang ina at common-law wife ni Erap ay sabit sa Anti-Dynasty Law.. Kung hindi pa alam ng lahat, maraming pamilya ang nagpapasasa sa 1987Constitution dahil wala namang sinasabi kung ano ang Anti-Dynasty law. Pero sa pinapanukalang saligang batas, maliwanag doon kung ano ang sinasabi ng anti-dynasty law. Ang ibig sabihin itong mismong si PRRD kapag naaprobahan ang Pederalismo, isa na lamang sa pamilya niya ang puwedeng kumandidato. Ganun din sa mga Estrada, sa mga Revilla, sa mga Binay, sa mga Mangundadatu, sa mga Dy sa Isabela, sa mga Osmeña sa Cebu, sa mga Daza sa Samar, sa mga Nograles sa Davao at sa iba pang mga lugar na ang mga naghahari-harian ay iisang pamilya.

******

Iniintriga si GMA na ang pagkakatalaga raw sa kanya bilang speaker ng Mabang Kapulungan ay para gawin daw siyang Prime Minister sa pinapanukalang Saligang Batas. Nakakatawa dahil sa proposed Constitution ito ay pamumunuan ng pangulo at hindi ng Prime Minister. Ito ay Presidential at sabi ko nga ginaya lang ito sa Konstutusyon ng Amerika. Ang ibig sabihin ay papalit si Arroyo kay PRRD? Bakit kaya ang laking takot ng mga taga-oposisyon? Dapat relaks lang kayo. Dapat ninyong malaman na hindi na ninyo panahon ang umiiral ngayon. Sabi nga, di ba weder-weder lang ang laban. Maghintay kayo ng panahon ninyo dahil mahirap bagtasin ang malakas na agos lalo na ito ay flash flood. Tiyak na matatangay ka. At pag natangay ka, matutulad ka kay Sen.  de Lima. Kaya kung nasa oposisyon ka, manahimik ka lang at tyumempo ka na lang. Sa ngayon ang puwersang ipinagmamalaki ninyo iyong mga nagrally noong nakaraang SONA ng pangulo? Wala iyon. Pag kumilos ang kampo ni Duterte, mangunguluntoy kayong lahat. Iyan ang ingatan ninyo dahil sa ngayon mahirap banggain ang mga Duterte supporters. Kaya kung nasa oposisyon ka, relax, enjoy the palabas at kung pupuwede sumama ka pansumandali sa kanila at pag maganda na ang tiyempo saka ka na kumalas at iyon ay nangangahulugang hawak na rin ninyo ang renda ng gobyerno. Kayo na rin ang mga siga! Ganyan lang ang kung tawagin ay weder-weder lang.


0 comments
new to catanduanestribune.com?
connect with us to leave a comment.
connect thru
Cancel
Cancel
Cancel
Other Tingnan Natin articles
home home album photo album blogs blogs