By By Jex F. Lucero
Matulis ang espada ni sg. calida
posted 28-Sep-2018  ·  
974 views  ·   0 comments  ·  

May kakasuhan akong isang tao. Damages ang kasong ipa-file ko at milyong-milyong halaga ang hihingin ko sa taong ito. Aywan ko lang kung hindi mamulubi ang gagong ito. Hindi ito nagawa ninuman ang mga bagay na ito samantalang paulit-ulit na ginagawa ito sa atin. Walang gustong magsampa ng kaso sa mga ito dahil sobra daw lakas ng mga ito. Wala akong pakialam kung sobrang lakas nila. Pero sasampolan ko sila. Ipapakita ko sa buong mundo na hindi pupuwede ang mga lakas-lakas sa akin. Sa dami ng atraso sa mga tao ng lukong ito hindi ko ito tatantanan. Ang kukunin kong abogado ay si Atty. Fortuner. Ang pangalan ng taong kakasuhan ko ay Ompong Mangkhut. Ang dami niyang sinira kaya dapat magbayad siya! Kakasuhan ko pa siya ng kasong kriminal. Tinakot mo kami kaya may kaso ka pang grave threats. Sa susunod ang sasampahan ko pa ng kaso iyong si Yolanda. Multiple murder naman ang sa kanya kasama na ang damages. Sana huwag na silang dadaan sa Pilipinas, ano?

******

Hindi ko kumpirmado. Sa fb lang ito galing. Pero naniniwala ako na meron daw suspension order galing Supreme Court laban kay Honorable Lelu P. Contreras, executive judge ng RTC dito sa Virac. Ang nasabing kaso sa pagkakaalam ko ay matagal na. Siguro mga limang taon nang mahigit. Naalaala ko nandiyan pa ako sa RTC. Hindi ko alam ang puno’t dulo ng sigalot ng mga judges dahil hindi naman ako masyadong nangingialam sa mga ganyang bagay. Pero ang alam ko ay may mga hidwaan ang mga judges natin diyan noon. Contreras vs. Agbada, Agbada vs. Contreras, Contreras vs. Santiago at Santiago vs. Contreras. Sana tama ako. At ngayon nga ay may suspension order kay Hon. Lelu P. Contreras. Hindi ko pa rin alam kung ano ang resulta sa mga kasong isinampa laban sa dalawa pang judges. Ganunpaman nagfile na raw ng Motion for Reconsideration si Judge Contreras at sabi sa balita kung hindi mababago ang desisyon ng Supreme Court sa suspension order laban sa kanya ay susunod siya sa utos ng Supreme Court. Si Hon. Lelu Contreras ang dati kong boss sa RTC.

******

Isang balita galing sa Tsina kung saan meron isang lalaki ang inoperahan ng isang doktor. Ang inopera sa lalaki ay ang kanyang ulo. Pag ulo ang inopera, tiyak na seryoso ang sakit. At tiyak na matagal ang gagawin operasyon. Kadalasan ang operasyon sa ulo ay inaabot ng kung ilang oras. Isang napakaselang operasyon ang gawa ng pagoopera sa ulo at kadalasan konting pagkakamali ay tigbak ang inooperahan. Pero kakaiba ang inoperahang ito dahil ang operasyon ay sa utak. At ang inalis sa utak ng Intsik na ito ay isang tapeworm! Ito ang klase ng uod na napakahirap alisin sa katawan ng tao dahil pag namali ka ng pag-alis at naputol, patay kang bata ka. Meron pa ring matitira at sa pagkakaalam ko kahit naputulan na ito ay nabubuhay pa rin. Que horror at sa utak pa nanahanan ang tape measure na ito. Siguro mananahi ang pinanggalingan ng tape worm na iyon, ano?

******

Noon ibinibida pa sa TV ni Trillanes iyong application paper niya kuno sa pag apply niya ng amnesty. Ngayon nawawala na iyong mga papeles niya ayon sa balita lumalabas na ang pumirma pala sa amnesty paper ni Trillanes ay iyong DND secretary noon ni Pnoy na si Gazmin. Puede kaya ang ganoon na ang pipirma sa isang napaka-importanteng dokumento ay isang alter-ego ng presidente? Imposible ang ganoon? Kaya kung ako si Trillanes, susunod na lang ako tutal wala rin namang mangyayari sa mga pagmamatigas niya. Hintayin na lang niya iyong people power na sinasabi ng mga taga oposisyon. Pero mahirap kasi kung makukulong siyang muli. Pero mahirap naman kung patuloy siyang mamamayagpag sa senado ganong ilegal pala ang kalayaang ibinigay sa kanya ng pinagkakautangan niya ng pekeng utang na loob. Sa totoo lang kasalanan ito ni Pnoy kung bakit nagkaganyan ang sitwasyon ngayon ni Trillanes. Siya ang may kasalanan ng lahat kung bakit ipinagkatiwala niya kay Gazmin ang lahat. At lalong kasalanan din ni Trillanes kung bakit tinanggap niya ang mga papeles tungkol sa amnestiya niya ng ang nakapirma ay hindi ang presidente. Ang sinasabi ay kagagawan daw ang lahat ng ito ni SG Calida. Super galing ang mga researchers ni Calida. Akalain ninyong makalkal nila ang tungkol sa mga bagay na ito? Una iyong kay Sereno ngayon naman ay ang kay Trillanes. May palagay akong marami pang tatamaan ang matulis na espada ni Calida!


0 comments
new to catanduanestribune.com?
connect with us to leave a comment.
connect thru
Cancel
Cancel
Cancel
Other Tingnan Natin articles
home home album photo album blogs blogs