By By Arnold Matencio Valledor
KRISMAS LAYT
posted 4-Jan-2019  ·  
535 views  ·   0 comments  ·  

Sinusundan ng kanyang paningin ang naghahabulang mga bombilya sa harap ng mga bahay na kanilang nadaraanan sa banwa. May pahabang nakalatag sa itaas ng bintana. May nakapaikot mismo sa bintana. May nakalaylay sa bintana. May hinulmang parol. May parol mismong umiilaw. Wiling-wili siya. Lalo na nang matapat sila sa may sumasaliw na tugtog habang kumikiwal-kiwal, tumatalon-talon, sumisirko-sirko ang mga bombilyang may iba't ibang kulay. Para siyang kinikiliti. Gumagaan ang kanyang pakiramdam hanggang sumungaw ang ngiti sa kanyang mga labi at nangislap ang kanyang mga mata. Lumilitaw ang batang puso at isip niya. Gusto niyang may naghahabulan ding bombilya sa kanilang munting bahay. Gusto niyang hulmang parol. Gusto niyang may sumasaliw na tugtog. At gusto niyang siya ang magsasabit niyon.

Ngunit saan siya kukuha ng pera? Kanina, bahaw ang kinain nila na pinatakan ng toyo. Halos isang linggo nang hindi nakapagbubulay ng abaka ang kanyang tatay dahil sa trangkaso. Ang kanyang nanay, heto kasama siya at mangungutang kahit gabing-gabi na sa may-ari ng abakanhan ng pambili ng gamot at pagkain kahit sa limang araw man lang kasama na ang noche buena. Aawasin na lang sa parte ng kanyang tatay kapag gumaling na ito at nakapagbubulay na uli.

May naraanan silang mga batang kasinggulang niya na kumakanta ng pamaskong awitin habang may kanya-kanyang pinatutunog bilang panaliw. May isang may hawak ng pinitpit na tansan at tinuhog na pabilog, may nagpupukpok sa lata gamit ang kutsara, may tig-isang kutsara sa magkabilang kamay at iyon ang pinagsasaltik. Maganda ang boses ng mga bata. Parang boses niya na pinaaalagwa niya habang nagpapastol ng kalabaw sa tuktok ng bundok na ikinasasabay sa pag-awit ng mga nakadapo at lumilipad na mga ibon sa paligid. Mga luma at bagong awitin na naririnig niya sa kanilang radyo ang salit-salit niyang inaawit kasama na ang mga pamaskong awitin.

Nakita niyang may lumabas na ale sa pintuan ng bahay. Nilapitan ang mga batang higit na nilakasan ang pagkanta at pagtugtog habang papalapit ang ale lalo na nang may iniabot ito.

"Tenk yo... tenk yo... ambabait ninyo... tenk yo!"

Kumislap ang kanyang mga mata. At nakikinita niya ang kanyang sarili na nagsasabit sa harap ng kanilang munting bahay ng naglalarong mga bombilya na hugis parol.


0 comments
new to catanduanestribune.com?
connect with us to leave a comment.
connect thru
Cancel
Cancel
Cancel
Other Maikling Kuwento articles
home home album photo album blogs blogs