By By Arnold Matencio Valledor
KAROLING
posted 13 days ago  ·  
87 views  ·   0 comments  ·  

“’Nay, pahingi po ng pera… magpa-Pasko na po, di ba?”

“Aba’y ngayon na nga lang ako makapagpapahinga ng kabibigay sa'yo ng pera dahil bakasyon na’t di ka na nagbabaon, tapos ang idadahilan mo naman ay magpa-Pasko na?”

“May bibilhin lang po ako bukas.”

“At ano naman ‘yon, aber?”

Secret po ‘yon, Ma.”

“Wala ngang pera!”

“Pero ang ibinibigay n’yo po sa nangangaroling, ‘Nay, tigpapapab handred.”

“Mga kakilala ko ang nangangaroling.”

“Ako kakilala n’yo rin po, di ba? Anak pa nga po?”

“Tumigil ka!”

“Mangangaroling na lang po ako, ‘Nay, para magkapera ako kahit na papa’no.”

“Hoy, tumigil ka! Dito ka lang sa bahay… Pa’no kung sa pangangaroling mo’t umaasa kang bibigyan ay sinigawan kang Patawad, ano’ng mararamdaman mo?”

“Ok lang po, Nay... di naman siguro lahat gano'n. Ang mahalaga, mabili ko ang gusto kong bilhin.”

“Wag kang lalabas ng bahay… dito ka lang!”

Pero lumabas pa rin ng bahay ang bata. Hindi na niya hinabol dahil nariyan na ang grupo ng mga titser na mangangaroling na ang proceeds ay gagamitin sa school improvement, iyon ang nakasulat sa iniabot sa kanyang sulat kahapon ng isa sa mga titser na nasa harapan na niya ngayon at nag-uumpisa nang kumanta.

Magaganda ang boses. Ramdam na ramdan niya ang Pasko sa bawat notang pumapailanlang. Pinisil niya ang sobreng puti na may nakalagay nang five hundred. Gandang-ganda talaga siya sa boses ng mga gurong nangangaroling. Dumukot pa siya ng sandaan sa kanyang bulsa at idinagdag pa. Iniabot niya sa tagakolekta.

Binuksan ng tagakolekta ang sobre. Binilang. Nirekord sa bitbit na notbuk. Ngumiti sa kasamahan at nagpasalamat sa kanya. Kumanta pa ng isang magandang pamaskong kansiyon, saka pa lang kumanta ng pasasalamat at pamamaalam.

Tuwang-tuwa rin siya dahil ramdam niya ang saya ng kaniyang binigyan bagamat malaking kabawasan rin iyon sa kaniyang budget.

Pumunta siya sa kusina at ipinagpatuloy ang paghuhugas ng kinainan nang may marinig siyang nangangaroling. Bata. Maganda rin ang boses. Parang tatlong bata na halos iisa ang boses. O, parang dalawa lang. O, parang iisa lang.

Papalapit pa lang siya sa pinto nila ay sinabi na niyang, Patawad! Wala na siyang makapang pera sa bulsa at kung meron man ay para sa Noche Buena na nila iyon at kung meron pang sumobra ay para sa mga susunod pang araw. Duda nga siya kung iyon ay aabot pa ng Bagong Taon.

Babalik na siya sa kusina nang naputol ang pagkanta at iyak ang humalili. Papalakas ang iyak. Papalakas. At saka pa lang niya nabosesan. “Anak!”

Sa habag, kumuha siya ng beinte pesos sa ibabaw ng ref na kita niya sa ice candy.

Kinabukasan, binigyan siya ng anak niya ng bracelet na hindi pa natanggal ang tag na 20 pesos.


0 comments
new to catanduanestribune.com?
connect with us to leave a comment.
connect thru
Cancel
Cancel
Cancel
Other Maikling Kuwento articles
home home album photo album blogs blogs