By By Jex F. Lucero
Pagkagahaman sa kuwarta dahilan ng pagpatay kay Batocabe
posted 13-Jan-2019  ·  
745 views  ·   0 comments  ·  

Tiklo na ang mga Batocabe killer. At lumalabas na ang mastermind ay isang pulitiko. At mismong makakalaban sana ni Batocabe sa nalalapit na midterm election sa posisyong alkalde. Lumalabas na lahat ng sangkot sa nasabing krimen lalo ang mga tirador ay kuwarta ang dahilan kaya sila kumilos para isagawa ang krimen. Kung hindi dahil sa pangangailangan sa kuwarta ay hindi sila gagawa ng krimen. Masyado talagang nakakasilaw ang salapi!

******

Sa parte naman ng sinasabing mastermind sa krimen, pera pa rin ang dahilan kaya ayaw niyang maalis sa puwesto. Pag nakapuwesto kasi sa gobyerno ang isang tao, maraming kuwarta na, makapangyarihan pa. Makapangyarihan na, makuwarta pa! Anong sarap ng buhay! Diyan nagkakamatayan ang mga pulitiko. Lalo iyong mga suwapang sa kapangyarihan at salapi. Kaya itong style ni Arroyo sa Charter Change, lalong dadami ang patayan dito sa atin kapag ang  mga pulitiko ay wala nang term limits. Kasi nga, ayaw na ng mga pulitikong maalis pa sa puwesto kaya kapag may isang taong medyo sumisikat tulad ni Batocabe, ang gagawin ay ipatitigok ito. Kuwarta, kapangyarihan, tuloy ang ligaya at patayan!

******

Binigyan talaga ng malaking pansin ang pagkamatay ni Batocabe. Kasi nga kongresman ito. At mismong si Duterte ang personal na pumunta ng Albay para makiramay sa mga naulila. Minsan sa talumpati ni Duterte, nababanggit talaga itong si Batocabe. Kumbaga bilib din ang pangulo sa Bikolanong kongresista. Pero ang mga netizens ay tila hindi saludo sa ginagawa ng pangulo. Dahil pag kongresman daw ang pinaslang, agad-agad sumusugod ang pangulo. Totoo nga naman! Si Larry Que pinatay, taga-media sa Albay, mayor ng Batangas na si Halili, bise alkalde ng Nueva Ecija, at iba pang mga opisyal ng gobyerno, walang paki si Duterte. Bakit? Kasi hindi sila si Batocabe! Pinipili din ng pangulo ang pinapansin niya!! Ang hindi niya alam nang kumandidato siya, halos magpakamatay si Larry Que para sa kanya. Kawawang Larry Que, hanggang ngayon walang hustisyang naigagawad sa pagkasawi niya!

******

Nagkalokohan o nagkasubaan kaya pumiyok ang naagrabyado sa hatian. Iyan ang sabi ni Yuson, ang sinasabing triggerman. Hawak daw ng kasama niya  ang limang milyong piso. Sa madali’t sabi, nasuba iyong tao kaya’t pumiyok. Mahirap nga naman pag nagkakatrayduran. Ang tanong, totoo naman kaya ang mga sinasabi ng mga suspetsado? Wala naman kayang pinagtatakpan sila? O baka naman meron pang mas sikat at mas mataas na taong hindi kayang ibulgar o hindi kayang tapatan ang kapangyarihan nito? O baka naman matulad sa shabu lab case na maya-maya lang nababago ang demanda at pati mga akusado? Hindi natin alam pero puwedeng mangyari ang gayon, di ba?

******

Isa pa, ayon sa spox ng Comelec, hindi raw puwedeng idis-qualify ang kandidatura ni Baldo hangga’t walang conviction ito na siyang makapagpapatunay na ito ay magsisilbing basehan ng kanyang (Baldo) disqualification. Ang tanong: papaano kung manalo ito? Ang sagot sa tanong na iyan ay itatanong muna natin sa spox ng Comelec? Kasi may palagay akong once na naisampa na ng piskalya ang kaso ito ay kikilos na patungo sa korte at doon itatakda kung bailable ba ang kaso o hindi. Pero alam natin na basta pag ganoong murder ang kaso, walang piyansa. Maliban lang kung ang kaso ay medyo mahina sa tingin ng husgado saka ito ay magtatakda ng kaukulang bail.

******

Sa parte ni mayor Baldo, deny to death ang sinasabing partisipasyon niya sa kaso. Na siya namang dapat asahan natin. At sino ba ang aamin sa ganoon kabigat na klase ng kaso? Ang nakakatuwa dito kung iba naman ang ituturo ni Baldo. Lalong magiging malaki ang sunog at tiyak magiging kumplikado ang lahat. Sabi ko nga baka matulad ito sa shabu lab case na lalong dumami ang mga akusado at lalong nagiging kumplikado. Sana lumabas na talaga iyong totoong kriminal.

0 comments
new to catanduanestribune.com?
connect with us to leave a comment.
connect thru
Cancel
Cancel
Cancel
Other Tingnan Natin articles
home home album photo album blogs blogs