By By Jex F. Lucero
PACQUIAO VS. MAYWEATHER 2
posted 27-Jan-2019  ·  
871 views  ·   0 comments  ·  

Nabaligtad ang labanang Pacquiao vs. Broner. Sa halip na si Pacquiao ang hahabulin ni Broner, si Pacquiao ang habol nang habol. Pero maniwala kayo sa hindi kung sa sabong ng manok ang laban, talagang sasabihin ninyong lamang na lamang ang matandang tinale. Ang matatanda kasing manok na mga pansabong iyan ang sobrang lamang pag dating sa laban. Ang mga tira kasi niyan halos 100% na accurate. Kaya karamihan sa mga pansabong na manok ay iyong may mga edad na. Iyon ay sa sabong manok!

******

Pero sa laban ng tao, hindi manok, iba naman ang sitwasyon. Pag matanda na ang tao, halimbawang boksingero, karatista, judista, runner o kung ano pang ibang klase ng laro pag may edad na ang isang manlalaro, humihina na. Iba kaysa sa manok na habang tumatanda lalong nagiging maingat at ang mga tira sabi nga ay pamatay. Parang Manny Pacquiao na habang tumatanda lalong nagiging maingat. Pero maniwala tayo sa hindi hanggang diyan na lang sa edad na iyan ang pambato nating Manny Pacquiao. Pag sumobra pa siya diyan, puwede na nating tawaging abuso sa katawan ang ginagawa niya. Isang laban puwede pa pero pumili na siya ng kalabang tulad ni Mathysse at Broner o Mayweather na halos pareho sila ng edad.

*******

Si Broner ay manhid na boksingero. Hindi niya alam kung maganda iyong pakikipaglaban niya kay Pacquiao o hindi. Ang alam niya mahusay iyong pakikipagbakbakan niya sa kanyang kalaban. O puwede ring kaya nagsisigaw siyang siya ang nanalo para pambawi sa kahihiyang tinamasa niya dahil sa kayabangan niya bago ang laban. O puwede rin namang iyon ang paniniwala niya dahil manhid nga siya at hindi niya alam sa sarili niya kung panalo siya o talo? At walang maniniwala sa mga binubunganga ni Broner na panalo siya dahil buong mundo nakita kung papaanong pinipitpit siya ni Pacquiao. At isa pa tinawagan ako ng asawa ni Broner na humihingi ng sorry sa inasal ng asawa niya. Talaga daw ganoon ang ugali ni Broner, may pagka-credit grabber daw tulad ng mga kandidato ngayon dito sa atin sa pagka-senador na  nagsasabing kaya raw nagkaroon ng free education dahil sa kanila. May pagka-epal din ito si Broner!

******

Dito sa atin, medyo mainitan na ang pulitika. Medyo nagkakaturuan na na si ganito ang may kagagawan ng ganito at ganoon. Tanggi ang isa at tanggi pa rin ang isa. Ikaw ang may gawa niyan! Wala akong alam diyan, sabi naman ng isa! Iyong isa namang napagbintangang todo tanggi rin at siyempre ang sabi niya wala rin siyang alam. Bintang, tanggi, wala akong alam diyan, wala sa ugali ko ang gumawa niyan. Nakakatawa, ano? Bintang sila, tanggi naman sila, ano nasaan na kayo ngayon? Ako naman sasabihin ko? Simple lutasin ninyo ang inyong problema.

******

Iyong malayo sa hinagap na maging gobernador pansamantala ay gobernador na. Iyong walang balak maging bise gobernador ay bise na. Kahit sabihin pa nating pansamantala iyon ay maitatala sa kasaysayan ng probinsiya na sila ay nanilbihan bilang gobernador at bise gobernador. Ang masama ay malamang daw na may mga iba pang elected officials ang pansamantalang masisibak sa puwesto dahil sa mga gawaing ipinagbabawal ng batas. Kung sinuman  sila abangan na lang natin ang balita. Hindi raw ito isang fake news. Dahil nasa Ombudsman na rin daw ito. Kapitolyo na naman yata ang nasa target? Sana hindi totoo ito kasi baka matalo sa eleksyon kawawa naman mawawalan na siya ng kontrata. Kasi naman puro naman kasi kayo kontratista? At saka ang tatagal na ninyo riyang nangongontrata hindi pa rin kayo nagsasawa! Sige pa rin pangongontrata ninyo. Sana kung totoo iyong tip sa akin ay tamaan kayo.

******

Naghahamon si,Pacquiao. Hindi pa nag-uumpisa ang Pacquiao vs. Broner fight, walang ibang binabanggit si Pacquiao kundi ang muling makaharap niya si Mayweather. Doon nga nainis ng grabe ang Broner dahil hindi pa raw nagsisimula ang laban nila ay panay Mayweather na ang nasa bibig ni Pacquiao. Ngayon ay naghahamon ang Pacquiao at iyon ay kung babalik daw ang Mayweather sa pagboboksing. Maganda itong laban na ito. Labanan ng mga gurang na boksingero.


0 comments
new to catanduanestribune.com?
connect with us to leave a comment.
connect thru
Cancel
Cancel
Cancel
Other Tingnan Natin articles
home home album photo album blogs blogs