By By Jex F. Lucero
PINAKAMALAKING SINDIKATO
posted 10-Feb-2019  ·  
745 views  ·   0 comments  ·  

“TANG INASAL” SA BUDDY’S MAMI-HAUS - Minsan naitanong ko sa aking sarili kung bakit klik na klik ang negosyo nito ni Mr. Buddy Botabara ng Baras. Iyong lugawan diyan sa Concepcion, patok na patok ika nga. At ngayon iyon namang Buddy’s Mami sa tapat ng Airport ay bumabandera at dinadayo ng maraming customers. Anong sekreto ni Buddy? Hindi ko siya tinanong kung anong sekreto niya dahil alam ko kung ano? Nagkakuwentuhan kami pero matamang inoberbahan ko ang mga pagkaing isini-serve ng mga tao niya sa kanyang mga parokyano. Doon ay nakita ko ang lahat kung bakit kumikita ang kanyang negosyo.

******

ITO ANG OBSERBASYON KO – Una, mura ang mga pagkaing isini-serve. Pangalawa, ito ay malasa at nagugustuhan ng mga tao. Pangatlo, malinis ang lugar at kagigiliwan ng mga kustomer. Pang-apat, tunay na fastfood dahil mabilis ang serbisyo. Panglima, class ika nga ang lugar at talagang dadayuhin ng mga tao. Pero ang pinakadahilan kung bakit patok na patok ang Buddy’s Mami ay ang mga pagkaing bukod sa mura na ay malasa pa at malinis ang lugar. Lalo na ang bagong klik na Tang Inasal na juicy na, malinamnam pa. Masiram na, barato pa!!

******

HANGGANG OPENING LANG - Dito sa atin, ang ibang mga negosyo tulad ng kay Mr. Botabara hanggang sa opening lang. Makaraan ang ilang buwan, lubog na. Ano ang dahilan at hindi nila mapanatili ang sigla ng negosyo nila? Ito ang obserbasyon ko kung bakit. Una, mahal ang halaga ng mga pagkain. Pangalawa, sa totoo lang marurumi ang mga kainan at maaaring pati mga pagkain ay marumi rin. Pangatlo, bago makarating sa iyo ang order mo ay nakatulog ka na muna ng mga isa o dalawang oras. Pinaka-nakakapesteng ginagawa ng ilang mga restaurant dito sa atin.

******

NAKAKABUWISIT NA EKSPERYENSIYA - Ito ang karanasang hindi ko makakalimutan kahit kailan sa isang kainan dito sa atin. Apat kaming kakain ng snack at ang order namin ay tatlong klase. Hindi ko na sasabihin iyong mga inorder namin. Makaraan ang forty minutes, dumating iyong isa sa tatlong order namin. Naubos na namin iyong unang order na inilatag sa amin saka dumating iyong pangalawa. Tamang tama ubos na rin iyong pangalawa saka naman dumating iyong pangatlo. Installment ang dating ng pagkain. Ang masakit, nang omorder kami ng mineral water, wala raw sila at ang ibinibigay sa amin iyong galing sa poso. Isinumpa ko na kahit kailan hindi na ako kakain sa nasabing kainan. Kahihidap man baga, ano?

******

DUMAMI, RAPIST SA CATANDUANES - Sa taong 2018 dumami ang bilang ng mga naabusong mga  kababaihan na ang nakararami dito ay mga kabataang babae. Pero sa dami ng babaeng na rape, walang nababalitang lalaki na pinagsamantalahan. Sa ibang bansa, mababae, malalaki nababalitang ginahasa. Dito sa atin ang mga ginagahasa karamihan ay mga kabataan. At ayon sa ulat ng pulisya umabot sa 34% ang pagtaas ng bilang. Siguro ngayong 2019, baka mas tataas pa ito dahil ang lahat sa mundong ito ay pataas tulad ng presyo ng mga bilihin at tulad din sa bilang ng mga magnanakaw sa gobyerno na lalong dumadami sa halip na mabawasan.

*****

PINAKAMALAKING SINDIKATO - Ayon sa isang aklat na nasilip ko, ang isa sa  pinakamalaking sindikato na pinamumugaran ng mga gangster ay ang gobyerno. Lahat daw ng mga nasa gobyerno ay mga mandarambong lalo na raw ang mga elected officials at iba pang ahensiya nito. Dito sa atin tulad ng mga nasa BIR at iba pang ahensiya ng gobyerno na humahawak ng salapi. Ang itinuturing na siyang pinakapuno ng sindikato ayon  sa nasabing aklat ay walang iba kundi ang pinakamataas na opisyal ng isang gobyerno. Siya ang nasusunod, siya ang gumagawa ng lahat ng mga bagay na gusto niyang mangyari at siya ang pinakamakapangyarihan sa lahat. At ito ay madalas daw ng nangyayari sa mga bansang kung tagurian ay “Third World Countries.” Lahat ng nasa gobyerno, of course hindi lahat, mga magnanakaw. Hehe... mabuti na lang wala na ako sa gobyerno. At naniniwala ako!!!


0 comments
new to catanduanestribune.com?
connect with us to leave a comment.
connect thru
Cancel
Cancel
Cancel
Other Tingnan Natin articles
home home album photo album blogs blogs