By By Arnold Matencio Valledor
SI TITSER DINA
posted 10-Feb-2019  ·  
375 views  ·   0 comments  ·  

SINABIHAN ni Titser Dina ang kanyang klase sa Grade 1 na buklatin ang manipis na aklat na gumagamit ng Marungko Approach at basahin ang Ang Abaka.

May mga sumunod agad ngunit iilan. May mga nagtanong kung ano ang gagawin samantalang kasasabi pa lang niya ng panuto. May mga nagbuklat pero hindi nagbabasa. May mga walang pakialam. May nakikipagkuwentuhan sa katabi. May nagsusulat sa papel at may nagdodrowing. Ngunit nahikayat niyang lahat ang mga mag-aaral niyang iyon na magbasa.

Pinuri niya ang mga mag-aaral na agad na sumunod sa kanyang panuto. Pinapalakpakan pa niya na naghudyat sa iba pang mga mag-aaral na magbasa rin. At sa mga hindi nadala ng kanyang pagganyak ay nilapitan niya at malambing na kinausap. At iyong talagang medyo nahihirapan pa ring magbasa ay ginagabayan niya sa pagbabasa na maaliwalas ang kanyang mukha kahit na may nag-iingay pa rin paminsan-minsan at nagpapalipat-lipat ng upuan. Bagamat hindi sabay-sabay na natapos ay napabasa niya ang lahat at tumama rin naman ang sagot ng mga ito sa comprehension questions na ibinigay niya.

Tumunog ang bell para sa recess. Naiwan siya sa room na natutuwa. Na nagawa niyang muli na lahat ng kanyang mag-aaral ay mapabasa. Nagawa niyang muli. Sumungaw ang kanyang ngiti. Nang biglang may nabasag na luha sa kanyang mga mata. Pinapahid niya ng panyo ngunit patuloy pa rin na tumutulo.

Pumasok sa isip niya ang Daycare niyang anak na nasigawan niya kagabi na ikinaiyak nito habang pinababasa niya dahil hindi ito halos tumitingin sa sanayang aklat na hawak niya at inuulit lamang nito ang kanyang sinasabi na siyang nakasulat sa aklat na dapat basahin mismo nito.

Hindi niya inalo. Hindi niya nilambing. Mas inintindi niya ang pagod sa maghapong pagtuturo kaysa turuan ang kanyang anak.

Gusto niyang hilahin ang oras.


0 comments
new to catanduanestribune.com?
connect with us to leave a comment.
connect thru
Cancel
Cancel
Cancel
Other Maikling Kuwento articles
home home album photo album blogs blogs