By By Jex F. Lucero
CUA AT WONG UMAANGAT SA MGA BOTANTE
posted 24-Feb-2019  ·  
702 views  ·   0 comments  ·  

TABLIGAN VS. TABIRARA SA PANDAN - Maganda ang labanan sa pagka-alkalde sa bayan ng Pandan. Honesto Tabligan vs. Tacoy Tabirara. Itong si Mr. Tabligan ay baguhan sa larangan ng pulitika pero kilala na ng mga taga-Pandan dahil sa ito raw ang nagpagawa ng simbahan sa barangay Tokio na nagkakahalaga ng 1.2 milyong piso. Sabi nga ng mga taga-Pandan, hindi pa man daw nagiging alkalde ay may nagagawa na. Ito namang si Tacoy ang siyang incumbent mayor ng Pandan at maayos din naman daw ang pamamalakad. Jack en Poy na lang kaya sila? Kumusta kay Kag. Nilo Abines ng bayan ng Pandan.

******

NAKASAMA BA O NAKABUTI ANG SUSPENSION KAY GOBERNADOR CUA? - Sa mga hindi maka-Cua nakasama siyempre. Pero sa mga maka-Cua masama ang loob nila. Ang sabi nila ay mananatili silang maka-Cua hanggang sa oras ng eleksyon. Pero ang tanong kung nakasama ba ang suspensyong iginawad ng Ombudsman o nakabuti? Ayon sa ilang political observers ng probinsiya, mas nakabuti pa nga raw ito kay Cua dahil napunta iyong simpatiya ng mga tao sa kanya. Kung noon daw halos tabla ang labanan sa puwestong gobernador, ngayon ang isang kandidatong gobernador ay umaangat na. Kumbaga lumalamang! Sa tingin lang po ito ng ilang nagmamasid ng takbo ng pulitika sa atin. Kung sino ang lumalamang sa ngayon, kayo na ang magsabi?

******

CELY WONG MABILIS NA PUMIPIK-AP - Maniwala kayo sa hindi, medyo nakikita na ng mga botante kung sino ang mga kandidatong ika nga ay umaangat ang mga pangalan. Cely Wong ang pangalang bukambibig ngayon sa halos buong kapuluan ng ating lalawigan sa mga kandidatong kongresman. Bagaman at pala-palagay lang ito ng mga botante base sa mga sabi-sabi, masasabi nating malaking dagok ito sa mga kalaban ni Cely Wong. Kumbaga nakikita ng mga botante na si Cely Wong ay malaki ang pag-asa sa posisyong tinatakbo niya. Ganunpaman, hindi pa nag-uumpisa ang boksing at marami pa ang puwedeng mangyari.

******

PANAWAGAN NG SIMBAHAN HUWAG IBOBOTO ANG MGA KANDIDATONG GANID AT MARARAMOT - Tama lang dahil marami ang ganyang klase ng mga kandidato noon pa at lalo ngayon. At makikita ito doon sa crocodile farm sa Kongreso na siyang pinamumugaran ng maraming buwaya. Pagkadami-daming buwaya doon kasi nga crocodile farm. At iyon doon nanawagan ang mga nasa simbahan na huwag daw iboboto ang mga ganid sa lahat ng mga ganid na mga kandidato. Ang panawagan na huwag iboboto iyong mga ganid at maramot Pero iyong hindi naman huwag nating idadamay. Ang problema halos lahat ng mga kandidato ay mga ganid!

******

HUWAG IBOBOTO MGA KANDIDATONG ANG INAATUPAG PANGONGONTRATA SA MGA PROYEKTO NG GOBYERNO - Ito pa ang masakit na ginagawa ng mga kandidatong ganid. Ang inaatupag ay hindi naman makapagsilbi sa mga tao kundi ang mangontrata sa mga proyekto ng gobyerno. Mga malulupit sila sa totoo lang. Kaya nga ang mga proyekto natin ay mga ampaw dahil sa kawalanghiyaan ng mga pulitikong ito. Ginagawa nilang gatasan ang gobyerno natin. Diyan sila kumikita gamit ang mga pangalan ng mga kontratista pero ang totoo sila ang talagang kontratista. Ang tawag sa atin mga dummy. Pero sa maniwala tayo sa hindi, sila pa rin ang nananalo sa oras ng eleksyon dahil nga kumikita sila sa pangongontrata. Bawal sa mga nasa gobyerno ang ganitong gawain pero bakit nila ginagawa at bakit hindi sila nakakasuhan? Kasi nga sa totoo lang tulad ng sabi ko, gumagamit sila ng ibang tao para lusot sila. Tayo namang mga botanteng tanga, bilib na bilib tayo pag binigyan tayo ng sabon, kape, isang kilong bigas, sardinas at iba pang mga pampalubag loob na parte ng mga dinugas nila sa gobyerno. Malungkot sa parte nating mamamayan dahil ginagago lang nila tayo.

******

Sa totoo lang, karamihan sa mga kumakandidato ngayon kung suweldo lang ng mga ito ang aasahan para panggastos nila sa kanilang pagtakbo baka hanggang first round lang ng kampanyahan ang mga kandidatong ito ay luslos na. Pero ang haba ng pisi nila kasi nga maraming nakulimbat sa gobyerno. Kaya dapat sa mga magnanakaw na ito ay inihahalo sa pinakbet, Pero nakakadiri namang kainin, di ba? Kadiri mga hayop na ito!


0 comments
new to catanduanestribune.com?
connect with us to leave a comment.
connect thru
Cancel
Cancel
Cancel
Other Tingnan Natin articles
home home album photo album blogs blogs