By By Jex F. Lucero
Malamang walang bilihan ng boto sa darating na eleksyon?
posted 25-Mar-2019  ·  
805 views  ·   0 comments  ·  

MGA KANDIDATONG IPINAGBILI ANG KANILANG KALULUWA? - May ilan daw mga kandidato na ibinenta na ang kanilang kaluluwa pabor sa mga dapat mga kalaban/katapat nila sa darating na eleksyon. Sa ibang pananaw, iyong namili ng mga kandidato wala nang kalaban dahil nabayaran na nila iyong mga kandidatong dapat kalaban nila. At sa ibang pananaw pa rin, ipinagbili na nila iyong kanilang kaluluwa, karangalan, dignidad, integridad, kahit tapak-tapakan mga  pagmumukha nila. Mukhang kuwarta, mukhang pulubi, mukhang kawawang-kawawa! Akalain mo ipinagbili ang kanilang kaluluwa? Ang masama pa, buong mundo nakaalam ng kagagawan nila! Dapat sinikreto man lang ninyo! Kakapal ng mga mukha ninyo!

******

IBINENTA ANG KANILANG KALULUWA - Kung sino ang mga bumili ng kaluluwa ng mga nagbenta ng kanilang “kalag”, makibalita na lang kayo dahil putok na putok na sa buong probinsiya ng Catanduanes. Alam na alam na kung sino ang mga seller at kung sino ang mga buyer. Iyong mga seller at iyong mga buyer madaling makilala dahil ang mga mukha nila pare-pareho. Mga mukha silang kaluluwa, walang dangal, walang dignidad, walang integridad, walang hiya, makakapal ang mga pagmumukha, walang karapatang manilbihan sa bayan, at higit sa lahat walang karapatang maging isang lingkod bayan. Punta na lang kayo sa impiyerno doon kayo bagay!

******

BAWAL MAGBENTA AT BUMILI NG BOTO? - Mahigpit daw na ipagbabawal ang magbenta at pagbili ng boto ayon kay PRRD. No vote buying and selling kumbaga sa darating na eleksyon. Pag nangyari daw ito, magdedeklara daw ang pangulo ng failure of election. At ang banta ay hindi raw iaapoint iyong mga sangkot sa pamimili ng boto maging iyong nagbenta ng boto. Kumbaga iyong seller at buyer ng boto, wala nang pag-asa ma-appoint o baka hindi na rin puwedeng kumandidato pa. Tapos na! Pag nagkataon, marami ang mangangamote nito. At sigurado iyang marami ang pipiyok pag nagkaroon ng bilihan at bentahan ng boto. Marami ang magrereklamo at sigurado ako magdedeklara dito ng failure of election. Sigurado iyan dahil maraming kandidato ang hindi papayag na hindi makapamili ng boto.

*******

BAWAL DIN MAMIGAY NG KAHIT ANONG BAGAY TULAD NG BIGAS, GROCERIES AT IBA PA. - Maganda ang ganito at ipinanalangin ko na sana matuto na ang ating mga pulitiko. Kasi sa totoo lang ay luging-lugi ang mga walang pera. Simpleng kandidato sa pagka-kagawad, gumagastos na rin ng kung ilang milyon. Iyong provincial board member kailangan ay gagastos ng tatlo hanggang limang milyon. Huwag na nating pag-usapan ang mga kandidato sa mataas na puwesto tulad ng kongresman, gobernador, bise gobernador, mayor at vice mayor dahil talagang malakihan ang gastos diyan. Nakakalula ika nga at talagang mag-iisip tayo kung saan nila pinagkukuha ang kanilang kuwarta.

*******

TILA ITO NA ANG REMEDYO NG ATING GOBYERNO SA BILIHAN NG BOTO? - lto na marahil ang sagot para ang bilihan ng boto sa buong kapuluan ay matigil na. Isang Duterte lang marahil ang makagagawa nito. Tiyak yan hindi magpapatigil ang mga nasanay na sa pamimili ng boto. Gagawin at gagawin nila ang nakaugalian na nila. Mamimili at mamimili sila ng boto. At diyan din natin masusubukan kung hanggang saan ang sinasabi ni Duterte na kung magkaroon ng bilihan ng boto sa isang lugar, magdedeklara siya ng failure of alection at mag-aapoint na lang siya ng mga opisyal. Tingnan nga natin! Kilala natin ang pangulo na pag sinabi niya ginagawa niya. Tulad na lang ng paglalabas niya ng listahan ng mga pinaghihinalaang mga kandidato na sangkot sa droga. Ginawa niya ang sinabi niya at may palagay akong gagawin niya rin ang sinabi niya namang ito. Ganda siguro ng labanan!


0 comments
new to catanduanestribune.com?
connect with us to leave a comment.
connect thru
Cancel
Cancel
Cancel
Other Tingnan Natin articles
home home album photo album blogs blogs