By By Jex F. Lucero
PEPITO FERNANDEZ LUCERO A.K.A. JEX F. LUCERO TUNAY KONG PANGALAN
posted 7-Apr-2019  ·  
577 views  ·   0 comments  ·  

BYE FOR NOW - Pansamantala ay sign off na muna tayo. Sa loob po ng mahigit isang buwan ay mawawala muna tayo sa sulok kong ito. Bawal muna tayong magsulat ayon sa Comelec. Or else madidisqualify ako sa aking kandidatura bilang kandidato sa West District ng ating probinsiya as Provincial Board Member. Opo, kandidato po akong PBM dito po sa West District. At tulad nga po ng tinuran ko, bawal na po ang magsulat ang isang kandidatong tulad ko simula sa umpisa ng kampanyahan. Simula po sa March 29, 2019. Pero malamang po ay may pansamantalang hahalili sa akin habang wala ako. Kitakits na lang po tayo after ng eleksyon. At sa mga hindi pa po nakakaalam ng totoo kong pangalan ay ito po iyon: PEPITO FERNANDEZ  LUCERO po ang buo kong pangalan at popularly known po ako sa pangalang JEX F. LUCERO.

******

MAHIGPIT ANG BAKBAKAN SA MGA PARTYLIST - Grabe talaga ang labanan sa mga partylist. Kung sa mga kandidatong senador ay bakbakang umaatikabo ang mga kandidato sa partylist ay hindi rin patatalo. Mahigpit ang bakbakan. Ang nangunguna sa tingin ko ay ang TGP ni dating bise gobernador Bong Teves, sinusundan ito ng BANAT na dinadala ni PBM Tiptip Wong, Inang Mahal, UTAP, AKO BIKOL, at iba pa. Ang basehan lang ng pangunguna ng mga nasabing partylist ay ang dami ng tarpaulin nila na halos buong probinsiya ay nakupo na nila. Iyon lang ang basehan at wala nang iba pa, Ang nakakatuwa ang daming partylist pero ang iboboto ng bawat botante isa lang naman.

******

UNTI-UNTI, NAHUHULOG ANG MGA ESTRADA SA SURVEY - Habang lumalalim ang panahon ng kampanyahan, unti-unti namang nawawala sa listahan ng mga nangunguna ang magkapatid na Estrada. Na kung tutuusin ay dapat namang tumahimik na sila. Sobra na, tama na! Di ba sila nahihiya ipinapakita pa nila sa mga tao ang pagiging maledukado nila? Parang mga bata? Hindi nagbabati samantalang kung tutuusin ay galing lang naman sila sa isang makamandag na lahi ni Erap. At saka itong si Jinggoy may kaso pa? Bakit pinapayagan ito ng Comelec tulad din ni Enrile? Kung sabagay, hindi pa nga naman convicted. Ganyan din noon si Trillanes nasa kulungan pero pinayagang kumandidato kasi nga wala pa namang conviction. Tulad din sila ng mga pinangalanan ni Duterte na mga sangkot sa droga. Hangga’t hindi pa sila convicted sa mga kasong isinampa laban sa kanila ay puwede pang kumandidato. Ngayon hatulan na natin sila sa darating na eleksyon. I-convict na natin sila!

******

MGA KANDIDATO NG PDP AT HUGPONG SA PAGKA-SENADOR UMAARANGKADA - Halos lahat na kandidato ng PDP at HUGPONG ni Mayor Sara ng Davao ang nangunguna sa mga surveys. Ang kandidato ng oposisyon ay tila mahirap lumusot kung ang pagbabasehan ay ang mga surveys. Mismong iyong nag-iisang Aquino sa linya ng oposisyon ay unti-unti nang nalalaglag at pag nagkataon baka pag malapit na ang eleksyon ay tuluyan na itong mahuhulog sa kinakapitan niyang baging. Tila hindi kumiklik iyong siya ang responsable sa libreng kolehiyo niya. Tila ayaw na talaga sa mga Aquino. Mas mabuti pa siguro kung si Atty. Alfred Aquino na lang ang tumakbong senador?

*******

LABANANG PERFORMANCE VS. PAKIKISAMA- Sabi noon sa akin ng isang kagawad ng San Andres, maganda raw ang labanan ngayon sa puwestong gobernador. Performance daw at pakikisama ang magbabanggaan. Dito raw masusubukan kung ang magandang performance ni Cong. Cesar Sarmiento bilang kongresman sa loob ng siyam na taon ay kakagatin ng mga botante ngayong kandidato siyang gobernador. Samantala kilala naman si Gobernador Cua sa galing at husay magdala ng kanyang mga tao. Magkaibang-magkaiba ang istilo ng dalawa sa pakikitungo sa kanilang mga tao. Kaya sabi nga ng isang kagawad, ngayon natin makikita kung sino ang mahusay magdala ng sariling mga tao. At kung ang performance ay pupuwedeng armas para manalo sa isang eleksyon. Sangkaterbang nagawa laban sa nakaugat na pakikisama. Tingnan nga natin kung sino ang nagpapakatotoo?


0 comments
new to catanduanestribune.com?
connect with us to leave a comment.
connect thru
Cancel
Cancel
Cancel
Other Tingnan Natin articles
home home album photo album blogs blogs