By By Jex F. Lucero
UBUSIN NA SILA
posted 1-Jul-2019  ·  
454 views  ·   0 comments  ·  

Mag-ina hinoldap daw sa barangay Bigaa kanmakailan. Ayon sa balita, bibili lang daw sana ng gatas at diaper ang mag-ina ng tutukan daw ito ng holdaper sa tricycle na sinasakyan nila kasama ang bata. Walang nagawa ang mag-ina. At ano nga naman ang magagawa ng isang babae kasama pa ang bata kundi ibigay ang pakay ng mga holdaper? Bihira mangyari ang ganitong mga krimen sa ating lugar. Pero kung hindi malulutas ang ganitong krimen ito ay mangyayari uli. Hindi lang isa, dalawa, tatlo at magiging panay-panay. Ito ay magiging pangkaraniwan na lamang tulad sa ibang lugar gaya sa Metro Manila.

***

Dapat maging alerto ang mga otoridad dahil kung hindi ay magiging huli ang lahat. Mamamalayan natin biglang dadami ang ganitong klase ng krimen. Tulad sa biglang pagdami ng mga tulak at mga user ng shabu na napabayaan kaya naging malala. At sinabayan pa ng mga scalawag na mga pulis. Sa ibang lugar tulad sa Metro Manila kaya lumala ang droga dahil sa napabayaan o pinabayaan talaga dahil mismong mga otoridad ang sangkot sa kalakal ng droga. Kahit dito sa atin na napakaliit na probinsiya, biglang dumami ang mga durugista dahil pinabayaan ng otoridad dahil ayon nga sa balita noon may ilang mga bulok na pulis ang sangkot sa kalakaran.

***

At ito na naman may umuusbong na namang bago pero dati nang gawain ng mga masasamang elemento ng lipunan. Holdup! Walang ibang makalulutas nito kundi ang mga otoridad sa tulong nating mamamayan. Hindi kakayanin ng mga pulis natin ang ganitong klase o anumang uri ng krimen kung hindi natin tutulungan sila. Pero lalo nating hindi kakayanin kung mismong otoridad tulad sa ibang lugar na sila mismong ang pasimuno. Sana sana ay hindi mangyayari ito sa atin mismong lugar. Dahil ayon sa mga pag-iimbisgiga ng mga taga-media, lumalabas na kaya hindi malutas-lutas ang mga krimen sa atin dahil mismong mga otoridad ang pasimuno o sangkot sa malalaking krimen. Hindi na bago ito pero ngayon sabi nila malaki ang ipinagbago. Kuno!

***

Sa totoo lang kasi kung seseryusuhin ng mga kinauukulan ang mga kriming nangyayari sa atin, sa isang iglap lang ay tapos ang problema natin sa kriminalidad. Kung seseryusuhin! Para sa akin, tama ang ginagawa ng pamahalaan na kapag may mga lumalabang kriminal tulad ng mga magnanakaw, holdaper, carnapper, kidnapper, druglord, lalo mga magnanakaw sa gobyerno, dapat patayin kaagad. Huwag nang bibigyang pagkakataong mabuhay pa dahil gagawa at gagawa uli iyan ng katarantaduhan Isa pa lalo itong mga nagpapatupad ng batas na siyang nangungunang lumalabag sa batas na ipinatutupad nila. Ubusin na sila.

***

Pag pumalag ang human rights, dapat sila ang unang kasuhan kasi hindi nila alam ang ginagawa nila. Kasi dapat sa mga taga-human rights, halimbawa pulis nakapatay ng kriminal kakasuhan nila pero iyong kriminal hindi nila sinasampahan ng kaso. Dahil nga sa patay na. Simple lang sana ang gagawin nila. Dapat iyong pulis at iyong namatay na criminal, pareho nilang sasanmpahan ng kaso. Iyong pulis sa korte natin.. Iyong napatay kasuhan nila sa impiyerno. Madali naman iyon. Mabilis na ang komunikasyon sa atin. Isang text lang kay San Pedro tanggap na kaagad doon ninyo isampa ang kaso sa mga napatay na kriminal para fair ang laban. Hindi iyong mga pulis lang. Unfair! Kriminal ang pinatay tapos ang kakasuhan pulis lang. Kaya iyong napatay dapat magdusa rin sa Impiyerno. At least patas na. Kung hindi ninyo alam ang cp number ni San Pedro dial 000000. Iyon na iyon. Huwag kayong .magkamali sa number na ibinigay ko baka pag sumobra number ni Satanas ang mapindot ninyo. Madaling magalit si Taning lalo mga taga gobyerno ang tumatawag sa kanya. Iyong mga kontratista na sobra ang pagka-magnanakaw. Bagama’t paborito sila ni Satanas galit siya sa mga kontratistang mga pulitiko kasi iyong mga SOP raw na nakakaabot sa kanya ay 30% ang bawas. Pati SOP ni Satanas, niyayari ng mga pulitikong kontratista.


0 comments
new to catanduanestribune.com?
connect with us to leave a comment.
connect thru
Cancel
Cancel
Cancel
Other Tingnan Natin articles
home home album photo album blogs blogs