By By Jex F. Lucero
Ingat mga kapitan ng barangay
posted 10 days ago  ·  
277 views  ·   0 comments  ·  

Doon sa mga natalong kandidato tulad ko walang problema. Ang may problema ay iyong mga natalo na nagkagastos ng milyon-milyong halaga ng salapi dahil kahit anong sabihin nila ay hindi na nila mababawi iyong nagastos nila. Talo na, nagkagastos pa. Ang malaking problema pa ay kung papaanong makababalik sila sa puwestong iniwanan nila. Kung tutuusin, kuwarta lang talaga ang problema. Kung papaanong magkakakuwarta, ang pinakamadali ay mangholdap pero buwis-buhay at masama at napakasama. Pero ginagawa ito ng mga pulitiko.

Maraming mga pulitiko ang mga holdaper. Ibang klase ang pangholdap nila. Halos hindi halata. Pero sa mga mamamayang hindi tanga, alam na alam nila kung sino ang mga pulitikong mga holdaper at ilang mga nasa gobyerno. At kung anong modus ang ginagawa nila sa panghoholdap. Holdup pa more!

*****

Manunumpa na iyong mga nanalong kandidato. Manunumpa silang gagampanan nila ang kanilang mga tungkulin nang naaayon sa isinasaad ng batas. Na sila ay hindi magnanakaw, na sila ay hindi gagawa ng kabalbalan sa panahon ng kanilang panunungkulan at hindi sila tatanggap ng SOP sa mga proyekto ng gobyerno at hindi nila dadayain ang kanilang mga SALN, at hindi sila aasta na akala mo sila na ang pinakamagagaling na tao sa buong mundo na sobrang yayabang at hambog pero wala namang laman ang mga utak, na tutuparin nila ang kanilang mga pangako na inilahad nila sa mga tao kahit iyon ay pawang kasinungalingan, at gagawin nila ang lahat ng kanilang makakaya na makapagnakaw sa gobyerno para may pambili ng boto sa susunod na eleksyon. So help me god.Ginamit pa ang Diyos sa panunumpa ng mga Judas.

*****

Ingat, ingat mga kapitan ng barangay dahil meron mga kapitan ng barangay na kinasuhan ng DILG ng dahil sa kapabayaan nila sa kanilang tungkulin. Basura ang inireklamo ng mamamayan sa onseng kapitan ng barangay. Ang masama, hindi lang administratibo ang kasong puwedeng ikaso sa kanila kundi pati kasong kriminal ay puwede ring ikaso sa mga kapitan ng barangay. Hala kayo, oras na may nagreklamo sa inyo mga kapitan may paglalagyan kayo. Kaya nararapat lamang na kung ano ang mga tungkuling nakaatang sa inyong balikat, gawin ninyo ng maayos. Kung hindi ay baka magsisi kayo?

*****

Tanong: Ang probinsiya natin ay maliit lamang, saan ba itinatapon ang mga basura natin? Well..well napakalaki ng Pacific Ocean at sigurado ako siyento porsiyento na iyon ang basurahan ng probinsiya at walang duda iyan. Iyan ang ginagawa ng mga barangay na nasa tabing dagat. Makikipagpustahan ako ang isang libo ko, mananalo lang ng singkuwenta pesos na ang basurahan ng mga barangay na nasa tabing dagat ay ang Pacific Ocean. Sino ang pupusta? Anytime fight ako. Bakit malakas ang loob ko iyon ay dahil alam ko at totoo ang mga sinasabi ko? Dahil halos lahat ng barangay sa buong lalawigan natin ay wala namang tapunan ng basura. May mga nag-aaway nga diyang magkakapitbahay dahil ang ginagawang basurahan ay ang bakuran nila. Ano ngayon ang ginagawang hakbang ng ating mga opisyal ng gobyerno para malutas ang problemang ito? Ang alam ko wala dahil walang pera sa kung ano mang proyekto ang para diyan

*****

Namayapa na ang pinakasikat na Bikolanong aktor na ang pangalan ay Eddie Verchez Garcia. Kung may Fernando Poe, Dolphy at iba pang tanyag na artista, may Eddie Garcia naman ang Bikol na sikat sa katawagang Manoy na pinaka-ORAGON sa gabos na mga ORAGON. Kamukha ko raw si Manoy sabi nila. Gusto ko maniwala pero hindi ko matanggap ang sinasabi nilang mas guwapo raw ako kay Eddie Garcia. Baka naduduling lang sila. Pero doon sa mga nagsasabing kamukha ko si Mr.Bean, ayos ‘yon!


0 comments
new to catanduanestribune.com?
connect with us to leave a comment.
connect thru
Cancel
Cancel
Cancel
Other Tingnan Natin articles
home home album photo album blogs blogs