By By Jex F. Lucero
Good move, acting Gov Shirley Abundo
posted 12-Jul-2019  ·  
419 views  ·   0 comments  ·  

Maganda ang proyekto ni OIC Gov. Shirley Abundo, ang mapaunlad ang SPORTS sa ating probinsiya. Ang mas maganda pa, target niya ang lahat na klase ng sports. Itong programa ang hindi napagtuunan ng pansin ng mga lider natin. Meron din noon pero nakasentro lang sa isang laro at iyon ay basketball. Iyong ibang laro, magpa-practice lang kung kailan maglalaro na. At siyempre alam na natin ang resulta sa halos lahat ng laro, kulelat mga manlalaro natin.

*****

Kung tototohanin ng ating lady governor ang panukala niya na buong taon ang pagsasanay ng mga manlalaro natin, masasabi kong ganyan ang totoong programa sa sports. Hindi iyong magsasanay lang ang mga atleta natin kung kailan malapit na ang laro. At lilinisin lang ang sports complex kung kailan oras na ng pagpa-practice. Dapat ang palaruan buong isang taon handa at malinis. Noon sabi aayusin ang track and field. Nabalita pa nga na ira-rubberized pa raw ito. Pero ang nakita ko mga rubber shoes ang suot-suot ng mga nagjo-jogging at maririnig mo sa mga komentaryo nila na ang hahaba ng mga damo sa sports complex. Ito ang hindi ko maintindihan kung bakit hindi makuhang ipalinis man lamang ang palaruan natin. Hindi man lang magawang maipabunot ang lampas-tao nang mga damo para mapanatiling maayos ito at hindi iyong parang walang mga nag-oopisina sa harapan nito.

*****

Parang walang in-charge sa paglilinis at kaayusan ng sports complex natin. Kailan kaya natin makikitang malinis ang palaruan nating ito? Sa palagay ko ay may pondo namang nakalaan para sa kaayusan at paglilinis sa mga palaruan natin. Ganunpaman maganda ang move ni OIC Gov. Abundo na bibigyan niya ng pansin ang sports sa ating probinsiya. Naalaala ko noon ng mga panahon ng mga Alberto kung saan buhos na buhos ang suporta sa palakasan o sports. Ilang mga kababayan natin ang naging tanyag sa iba-ibang larangan ng palakasan? Noon ‘yon, ngayon halos wala na. Kamakailan may inimbitahang volleyball player si Acting Gov. Abundo, isang sikat na manlalaro ng volleyball ng UAAP na si Nicole Ann Tiamzon. Sana tama ako. Maganda ang ganoon para at least magkaroon ng interes ang mga kabataan natin. Hindi puro basketball dapat lahat ng field of sports.

*****

Sa Baguio City, bawal ang dudura ka sa kalye or else huhulihin ka ng otoridad at pagmumultahin ka. Muntik na akong madali, buti na lang hindi kumibo iyong batang nakakita sa akin. Pabiro ay nagdura ako at may nakakita sa akin iyon nga lang walang ebidensiya dahil wala namang lumabas na dura sa mouth ko. Pero sa totoo lang mahigpit ang pagpapatupad nila sa mga ordinansa. Hindi katulad sa atin maraming batas hanggang batas lang at hindi naman naipatutupad. Ang yayabang pa ng mga gumawa kuno ng mga batas at ipinagmamalaki pa na marami silang nagawang batas. Pero ang totoo wala namang katuturan dahil hanggang papel lang at pagmamayabang na nakgawa sila ng batas. Pwe...at pwe pa. Mahiya-hiya nga kayo!

*****

Tulad na lang sa batas kung saan mahigpit na ipinagbabawal ang mga asong kalye o askal kung tawagin. Dati nang may batas tungkol dito pero hindi naipatutupad. Ayon inaamag na at hanggang doon na lang. Marami nang napahamak dahil sa mga asong gala pero kahit kailan wala kang mababalitaan na may nahuling may-ari ng aso na napanagot dahil sa hindi pagsunod sa nasabing ordinansa. Kaya pag may narinig kayong mga ordinansa na ipinatutupad ay huwag kayong maniniwala dahil hanggang doon lang iyan. At sigurado iyan pagdating ng eleksyon, ipagyayabang iyan. Ipagyayabang na siya ang may akda ng nasabing ordinansa na hindi naman naipatutupad. Mga hambog! Mga mayayabang! Dapat kung hindi naipatutupad ang mga batas na pinaghirapan at pinagputahan ninyo, gumawa kayo ng nararapat na hakbang para maipatupad ito. Hanggang pagkubra lang kayo ng kuwarta ng gobyerno, mga hinayupak kayo. Tapos pag pinuna kayong mga ulupong kayo, magsasampa kayo ng kaso samantalang totoo namang mga magnanakaw kayo ng kuwarta ng gobyerno. Ang lalakas pa ng loob ninyong humarap sa mga tao sabay sabing hindi ako magnanakaw. Kapal...napakakapal!


0 comments
new to catanduanestribune.com?
connect with us to leave a comment.
connect thru
Cancel
Cancel
Cancel
Other Tingnan Natin articles
home home album photo album blogs blogs