By By Jex F. Lucero
Delikado mga magnanakaw sa gobyerno
posted 18-Aug-2019  ·  
633 views  ·   0 comments  ·  

Mga magnanakaw sa gobyerno, bilang na ang araw nila. Sa gobyerno ang mga magnanakaw karamihan ay mga elected officials. Ang mga kasabwat nila ay ilang mga nasa opisina o iyong mga opisinang dinadaanan ng mga papeles para mabilis ang approval. At kadalasan ang nakawan ay nagaganap sa mga kontrata ng gobyerno kung saan ay sangkot ang mga elected officials na siyang talagang kontratista, gamit ang mga dummy na siyang lumalabas na kontratista. Sa ganitong istilo, lusot ang mga elected officials. Ang masama, ang mga proyekto ay substandard, mga ampaw. Kasi nga ang daming dinadaanan ng proyekto na mga linta, buwitre, at mga maninikwat.

****

Ang resulta nga ang mga proyekto ay palpak dahil sa halimbawa ang proyekto ay isang milyon ang mapupunta sa proyekto ay anim na raang libo lamang, iyong apat na raang libo ay sa mga elected officials, sa mga opisinang dadaanan at iba pang mga duwapang. Itong idinadakdak ko sa inyo ay matagal nang modus ng mga mandarambong sa gobyerno pero hindi sila nagbabago at wala silang planong magbago dahil diyan sila nakakabawi sa mga gastos nila sa eleksyon at sa iba pang mga luho nila sa buhay. Ang halimbawang ibinigay ko ay sa maliit na proyekto lamang. Kung malaki ang halaga ng proyekto, natural malaki rin ang kita. Simpleng modus pero hindi nahuhuli ang mga magnanakaw na ito sa gobyerno. Bakit hindi sila mahuli-huli? Kasi nga pinababayaan natin.

****

Pero ngayon kabado sila. Pero konti lang pangamba nila kasi nga dating gawi na nila ang magnakaw. Ang isang magnanakaw kapag nakasanayan na ang pagnanakaw kinakabahan man iyan pero konti na lang. Kaya kung magiging matapang lang ang mga mamamayang apektado ng mga pangungurakot ng mga nasa gobyerno, lalaban at lalaban sila. Ngayon simple lang ang paglaban sa kanila. Ngayon lang ito nangyari kung saan ang kawalanghiyaan ng nasa gobyerno ay pinagtutuunan ng pansin ng gobyerno ni Duterte. Tatawag lang tayo sa 8888 at ilalahad ang pangungurakot ng isang nasa gobyerno, tiyak na may paglalagyan sila.

****

Pinahinto sandali ng pangulo ang lotto ng PCSO. Ang dahilan anang pangulo ay ang mga korapsyon nangyayari sa nasabing opisina. Pero sabi ng marami ang lotto tulad ng mega lotto, EZ 2 at iba pa maliban sa STL na binobola lang dito sa atin ito raw ay ilegal at ipinalit lang daw ito sa jueteng. At ngayon nga ay magkakaroon daw ito ng malakihang imbestigasyon. Binaboy iyong lotto ng mga kawatan sa gobyerno. Pero hindi sila umobra sa gulang ng pangulo. Hangga’t may Duterte sa palagay ko ay magkakaroon ng malakihang kabawasan sa mga magnanakaw sa gobyerno. At gusto ko sana dito sa ating probinsiya maalisan ng maskara ang mga magnanakaw dito habang naririyan pa ang matapang na pangulo. Sa totoo lang, ang daming magnanakaw dito sa atin at ang kakapal ng mga mukha. Kung humarap sa mga tao, akala mo hindi mga magnanakaw. Ang yayabang pa at kung umasta disenteng-disente at honorableng honorable ang dating. Ang kakapal talaga!

****

Pagkatapos na pagkatapos ng laban ni Pacquiao at ng madaldal na si Thurman, biglang gumawa ng mga pag-iingay si Floyd Mayweather at halatang ang pag-iingay ni Mayweather ay may ibig sabihin. Siguro nakita ni Mayweather na kayang-kaya niyang talunin pa si Pacquiao kaya lahat ng pang aasar ay ginagawa. Kaya marami ang naniniwala na magkakaroon ng Pacquiao-Mayweather ll. Kung sakaling mangyari ang Pacquiao Mayweather, pupusta ako kay Allyssa Valdez.


0 comments
new to catanduanestribune.com?
connect with us to leave a comment.
connect thru
Cancel
Cancel
Cancel
Other Tingnan Natin articles
home home album photo album blogs blogs