By By Jex F. Lucero
SINO’NG NAGSASABI NG TOTOO?
posted 28-Aug-2019  ·  
685 views  ·   0 comments  ·  

Sino ang nagsisinungaling? Ang sabi ng DPWH Rregional director, 100% completed na iyong Evacuation Center na matatagpuan sa SIV na nagkakahalaga ng 50 million pesos. Pero ang sabi naman ng mga opisyal ng barangay ng SIV, hindi totoo ang sinasabi ng direktor ng rehiyon ng DPWH. Ang totoo raw ay 75% lang at hindi 100% completed. Kung iyon ang pahayag ng regional director, saan niya kinuha at kanino niya kinuha ang nasabing report tungkol sa status ng nasabing proyekto? Maliwanag kung ganoon na ang ginawang basehan ng director ay isang report lamang at hindi siya gumawa ng isang actual inspection. Dahil kung totoo ang mga pag-uulat ng mga barangay opisyal, isang malaking kasinungalingan o pagtatakip sa tunay na status ng nasabing proyekto. Masabi lang na 100% completed kahit ang totoo ay hindi pa tapos.

******

Ang masaklap kung totoo ang mga sinasabi na iniwanan na raw ito ng kontratista. Puwedeng kaya iniwanan dahil sa akala hanggang doon lang abot ang pondo ng nasabing proyekto o kaya ay may ibang dahilan. Pero ang maliwanag 100% completed ang sabi ni direktor at 75% ang sabi ng mga nakakaalam ng tunay na kalagayan ng nasabing proyekto. Sa kung sino ang sinungaling at kung sino nagmamalinis, bahala na kayong magkiskisan ng makikinis ninyong mga pagmumukha. Dahil sa totoo lang kung ang nasabing ulat na 100% pero 75% lang pala ang nakukumpleto, iyon ay isang napakalaking isyu at puwedeng maging isang malaking batik sa isang namumuno ng isang rehiyon. Hindi ko pa naiinterview ang isang kaibigan kong kagawad ng nasabing barangay at malalaman natin ang totoo tungkol sa malaking isyung ito lalo at isang evacuation center ang nakataya rito.

******

Maraming mga ganitong proyekto ang DPWH na mababalitaan na lang natin na hindi natatapos at basta na lang iniiwanan ng mga kontratista. Diyan sa Bigaa sa ngayon ay pinaka-busy na lugar dahil nandidiyan ang talipapa, meron diyang proyekto na binaboy ng mga kontratista. Hindi nagtally ang mga dapat na magtatagpo sa isang lugar. Iyong isa may drainage, iyong isa wala. Hindi ko rin malaman kung sino ang engineer ng mga nasabing proyekto. Hindi rin matapos ang nasabing proyekto ng road concreting dahil sa sabi ko nga may problema. Ang masaklap diyan dahil itinuloy ang proyekto kahit “ pakuninyan at pakoninto” baka hanggang ganoon na lang iyon?

******

Dito sa ating probinsiya, hindi gaanong nararamdaman ang mga pinaiiral na batas gaya ng ginagawa ng mga taga-Metro Manila. Doon ang mga batas national o lokal man na kung tawagin natin ay ordinansa, lahat ay may ngipin at pinaiiral. Dito sa atin hanggang papel lang. Pagkatapos na maisalin sa papel, tapos na at ipagyayabang ng may akda na siya ang author ng nasabing batas na hindi naman ipinatutupad. Napakaraming mga ordinansa na nakatambak sa mga Sangguniang Bayan ng mga bayan-bayan natin pero hanggang tambakan lang. Maging sa Sangguniang Panlalawigan natin ay ganoon din. Nababanggit lang ito ng mga pulitiko pag panahon ng eleksyon at ipinagyayabang pa.

******

Sa pagkakaalam ko dito sa bayan ng Virac ay may ordinansa tungkol sa mga hayop tulad ng mga asong kalye na hanggang ngayon ay isang malaking problema sa buong probinsiya. Marami na tayong nababalitaang namatay dahil sa aksidente na ang dahilan ay aso. Tao, lalo mga bata, nakagat ng aso. Anong klaseng batas meron tayo tungkol sa mga aso? Bakit nagkalat ang mga asong kalye, asong gala, asong baliw, asong galisin at mga asong ginagawaang CR ang mga kalye? Ang masaklap dito napakaraming naaksidenteng mga nagmo-motor ang namatay na ang dahilan ay asong gala/kalye. Nasaan na iyong mga batas laban sa mga asong dahilan ng mga aksidente? Nasaan?


0 comments
new to catanduanestribune.com?
connect with us to leave a comment.
connect thru
Cancel
Cancel
Cancel
Other Tingnan Natin articles
home home album photo album blogs blogs