By By Jex F. Lucero
NAGPAPAKAPALAN NG KANILANG MGA MUKHA
posted 10-Sep-2019  ·  
540 views  ·   0 comments  ·  

Unang napabalita na ang unang inihain na bill ni Kong. Sanchez sa Kongreso ay ang tungkol sa problema ng probinsiya natin sa kuryente at iyon ay ang submarine cable. Ayos kung totoo man ito. Bagama’t ang totoo, dadaan ito ng kahirapan sa Kongreso dahil sa mangangailangan ito ng napakalaking budget. Una, baguhan pa lang sa Kongreso si Sanchez, pangalawa hindi pa niya gaanong gamay ang pakaliwa at pakanan ng kalakaran sa Kongreso. At ang pangatlo nga, ang bill na inihain niya kung totoong naihain na nga ay kakain ng napakalaking budget. Hindi basta-basta ang layo ng Catanduanes sa Tiwi at lalong hindi basta-basta ang budget na lalamunin ng nasabing proyekto kung sakaling maaprubahan ang nasabing bill.

******

At may palagay akong tapos na ang tatlong taong panunungkulan ni Sanchez sa Kongreso bilang kongresman ay first reading pa rin ito. O baka sa first reading pa lang ay bagsak na. Na hindi naman natin hinahangad dahil kung ito ay mangyayari sa wakas ay mawawakasan na rin ang problemang hindi matapos-tapos dahil sa kapalpakan ng kooperatibang mayroon tayo. Kooperatibang pinagkakakitaan ng mga namumuno rito at pinagkakakitaan ng mga demonyo sa impiyerno. Hindi sa kinokontra natin ang bill na ito ni Sanchez ang sa atin kasi ay iyong solusyon sa problema nating makapagbibigay lunas agad-agad dahil mahigpit ang pangangailangan natin nito at isa pa may iba pang pamamaraan na makalulutas dito na hindi aabutin ng kung ilang milyong beses ng pagsilang at paglubog ng araw. Sabi nga ng ilang engineer na nakausap ko okey naman daw ang kaisipan sa submarine cable pero pero pero pero.... ang daming pero!!! At doon nagtapos sa pero ang lahat.

******

Napabalita uli na ang unang bill na ihahain ni Kong. Sanchez sa Kongreso ay ang tungkol sa pagbabawal sa pangungumisyon ng mga kongresman ba o sa lahat ng mga elected officials ng gobyerno? Kung totoo ang balita, nakakadalawang una na si Sanchez. Una, ang submarine cable at una pa rin itong pagbabawal sa pangungumisyon. Wala pang pangalawa. Namali lang siguro ng bilang. Ipagbabawal ang pangungumisyon? Bakit meron ba nito? Ilang libong kongresman na ang dumaan sa Kongreso kahit isa walang magsasabi na tumanggap sila ng komisyon. Kahit si dating Kongresman Verceles Kongresman Santiago, Kongresman Sarmiento, hindi nila sasabihing tumanggap sila ng komisyon sa mga proyekto ng gobyerno sa panahon ng panunungkulan nila. Wala..wala...wala...at walang makapagpapatunay na sila ay nangumisyon ng sila ang mga kongresman sa panahon nila?

******

So whats the use of the proposed bill? Para lang sabihing may inihaing bill? Ang totoo, halos lahat ng mga elected officials ay gumagawa ng pangungumisyon. Kahit nga hindi elected officials, kumakana. Pero mahirap mapatunayan dahil alam nila kung ano ang mga bagay-bagay na dapat gagawin para hindi mahuli at para lusot sa batas na maraming butas. Sabi nga hindi tayo ipinanganak kahapon. Kung si Hudas ay walang utak dahil naghudas siya at tapos nagpakamatay, ang modernong mga hudas sa gobyerno ay nagpapakamatay din para magkamal ng limpak-limpak na salapi at nagpapakapalan ng kanilang mga mukha. Hindi lang mga mukha nila ang makakapal, mga walang hiya pa sila. At tunay na mga walang hiya. Sabi nga sa akin ng isang political analyst, ang mga punyetang iyan, mananalo ba ang mga iyan sa eleksyon kung hindi nangumisyon o kung hindi nagsipag nakaw sa gobyerno? Na siya namang tunay! Puwera delos ubos!

******

Siguro kung ang mga opisyal ng gobyerno ay katulad ni Isko Moreno, ang mayor ng Manila, mapapabuti ang magiging takbo ng gobyerno natin. Galing siya sa totoong kahirapan. Hindi siya nagsasabing siya ay makamahirap dahil katotohanang siya ay galing sa kahirapan. Hindi siya katulad ng ibang mga pulitikong nagsasabing makamahirap pero mga  bilyonaryo. At kung magpairal siya ng batas, walang sinasanto. Ki extortionist ka o ano ka pa, wala siyang pakialam. Ganyan ang dapat sa mga opisyal ng gobierno, hindi iyong nakaw sa kaliwa, nakaw sa kanan,  pati sa likuran at harapan kumakana pa. Sila iyong mga political nakaw. Ang kay Isko Moreno, political will. 
0 comments
new to catanduanestribune.com?
connect with us to leave a comment.
connect thru
Cancel
Cancel
Cancel
Other Tingnan Natin articles
home home album photo album blogs blogs