By By Jex F. Lucero
NO PARKING!
posted 26-Sep-2019  ·  
418 views  ·   0 comments  ·  

Sen. Lacson, tinawag ni Duterte na may African Swine Fever (ASF) at ignorante. Senador tinawag na ignorante? Pero mabait si Lacson, hindi siya gumanti! Siguro naisip ni Lacson na dapat ginagalang ang matatanda! Pero hindi mas matatanda pa ang iniimbestigahan nila sa senado at kung tirahin nila parang sila lang ang mabubuting tao sa mundo. At akala mo sila lang ang nakakaalam kung ano ang tama at kung ano ang mali. Hindi sila nag-iiwanan ni Sen. Gordon na isa ring all knowing!

*******

Ang laki ng ipinagbago ng bayan ng Virac? Kahit saan ka pumunta ang makikita mo NO PARKING. Ang masama hindi naman sila naglalagay ng designated parking area ng mga sasakyan. Lahat no parking. Iyong gitna ng mga kalye pakigawa naman ninyong parking area. Hindi na malaman ng mga motorista kung saan magpapark ng mga sasakyan nila dahil kaliwa at kanan ng mga kalye, lahat no parking. Ano ba naman ‘yan?

******

Sa talipapa sa Bigaa sa tapat ng mga bilihan ng mga isda, ang daming nilagay na NO PARKING pero pagsapit ng oras ng bilihan lahat ng motor, tricycle, kotse at iba pang klase ng mga sasakyan lahat naka-park sa no parking area.  Naglagay kasi ng mga sign board na no parking pero hindi naman naglagay ng lugar kung saan magpa-park ang mga motorista. Nakalagay pa doon LGU ng Virac. Ayusin naman ninyo ang paglalagay ng mga signboard at ituro naman ninyo kung saan dapat magpa-park ang mga motorista. Kung sa gitna ng kalye, di gawan din ninyo ng signboard na sa gitna ng kalye ang parking area ng mga sasakyan. Ayos, di ba!

******

Pinuri ni Duterte si Isko Moreno, ang mayor ng Manila. Sabi ni Duterte mas magaling pa raw si Isko kaysa sa kanya nang siya pa ang mayor ng Davao City. Hangang-hanga si Duterte sa husay ng pamamalakad ni Isko sa siyudad ng Manila. Pero sabi noon ni Isko Moreno, ang nagsilbi raw inspirasyon niya ay ang pamamalakad ni Mayor Sara Duterte ng Davao at nasabi nga ni Isko na kung iyong mayor ng Davao, nakagagawa ng mga nararapat gawin para maayos ang takbo ng lungsod nila, magagawa din iyan dito sa Maynila. At nagawa niya rin!

******

Dito sa Catanduanes, sinong mayor ang makagagawa ng nagagawa ni Isko Moreno at Sara Duterte? Kung sabagay hindi natin maikukumpara ang lungsod ng Maynila at Davao sa kahit na anong munisipyo sa atin. Maliliit lang mga munisipyo natin pero tingnan ninyo ang San Andres? Ang daming libre diyan. Iyong mga mag-aaral sa malalayong barangay inihahatid ng mga sasakyan libre courtesy of LGU San Andres. Iyong mga estudyante sa TESDA libre sa kagandahang loob din ng LGU San Andres sa pangunguna ni Mayor Bos Te.

******

Kalokohan ang ginagawa ng gobyerno sa ilang napalaya dahil sa GCTA. Lahat ba ng napalaya sa bisa ng GCTA ay nakalaya dahil sa nagbayad sila? Lahat ba ng nabilanggo ay mayayaman na kaya sila nakalaya dahil nagsipagbayad sila sa mga opisyal ng Bucor? Grabeng katarantaduhan! Alam natin na karamihan sa mga nabibilanggo ay mahihirap. Kung meron mang mayayaman diyan, ilan lang mga iyan at iyon lang ang makakayang bumili ng kanilang maagang paglaya. Maliban lang marahil kung miyembro sila ng sindikato na sinasabi nilang talamak sa Bilibid. Kung mali ang naging sistema kaya nakalaya ang mga bilanggo, hindi nila kasalanan iyon. Ang may mga kasalanan ay iyong nagpatupad ng batas (IRR) at hindi iyong mga bilanggo na nakatugon sa kung ano ang isinasaad ng IRR. Dito lang ito sa atin na hinuhuli ang mga pinalayang mga bilanggo dahil sa kapalpakan ng ipinatutupad na batas.Tunay na walang kasalanan ang ilan sa mga nakalaya ng bilanggo dahil sa good conduct. Maliban lang marahil doon sa mga kilala ng mga dapat talagang sinisilaban na sa impiyerno.


0 comments
new to catanduanestribune.com?
connect with us to leave a comment.
connect thru
Cancel
Cancel
Cancel
Other Tingnan Natin articles
home home album photo album blogs blogs