By By Jex F. Lucero
MATEO FALCONE
posted 28-Oct-2019  ·  
314 views  ·   0 comments  ·  
Mainit na mainit ngayon ang mga pulis sa ginagawang imbestigasyon ng Senado tungkol sa 2013 Pampanga Raid na ayon sa ginagawang imbestigasyon ay punong-puno ng kasinungalingan at mga pagtatakip. Sabi nga, shoot sa balde ang ilang  pulis dahil sa inconsistencies ng kanilang panenestigo at ito ayon sa mga senador na mga nag-iimbestiga ito ay maliwanag na mga pagsisinungaling. Sa akin lang ito, palagay ko mukhang totoo mga sinasabi ni Major Baloyo. Ang problema lang sa kanya, mahina siyang mangatwiran. Kumbaga dahil mahina siyang magpalusot kung kaya’t sinasabi ng mga nag-iimbistiga sa kanya na siya ay nagsisinungaling. Napakahina niyang mangatwiran. Bago sasagot sa sobrang daldal na si Gordon, ang gagawin ay titingin muna sa mga dokumento niya tapos iba ang isasagot. Alam nating mahirap magpalusot sa ganoong mga pag-iimbistiga pero kung preparado ang isang tao sa mga pag-iimbistiga, madaling gumawa ng maayos na pangangatuwiran. At totoo ang mga sinasabi ni Major Baloyo siya ay nagsisinungaling! Kumbaga totoo ang mga pagsisinungaling niya. Good luck, Ninja Cops!
******
Ang pinuno pala ng Ninja Cops ay ang hindi nagsasabi ng totoo, Major Baloyo. Ayon ang lumabas sa ulat at ang mga ka-miyembro niya panay mga senior Inspector. Sa panahong ito ay parang nilalabhan sa washing machine ang mga kasapi ng Ninja cops. At sa pagbalik ni Duterte galing Russia, malamang na nabanlawan na at ang gagawin ni Duterte ay ibibilad na lang ang mga Ninja sa mainit na mainit na araw. Pero iyong napabalitang dalawang heneral ay hindi naman daw totoo. Lusot si Oscar! 
******
Parehas sa isang kasong isinampa laban sa akin na maraming mga sinasabi na wala raw akong kawala dahil pinangalanan ko raw iyong taong tinutukoy ko kaya sigurado raw makukulong ako. Hindi pa nga ako nalilitis noon may desisyon na kaagad. Iba ang pag-iimbistiga sa Senado at ang ginagawang imbistigasyon sa korte. Sa Senado pag na halatang nagsisinungaling ka agad-agad sasabihin sa iyong sinungaling ka at kapag nahahalata ng mga senador na sinungaling ka talaga, iko-contempt ka ipakukulong ka hangga’t gusto nila. Pag medyo na konsensiya na ang mga magagaling na senador, saka ka lang palalabasin. Sa korte naman, ang mga testigo ay malayang nagpapahayag ng kanilang panig. Sinungaling ka man o ano pa bahala ka. Judge ang nakakaalam ng mga panenestigo mo. Kung nagsisinungaling ka sa mismong pag-iimbistiga (hearing), nasa sa iyo yan. Alam iyan ng judge, siya ang bahala sa panahong  ang kaso mo ay pagtitimbang-timbangin kung totoo ba o hindi ang mga sinasabi mo. Pero sa oras ng paglilitis, hindi sasabihin sa iyo na nagsisinungaling ka o hindi. Di tulad sa Senado na harap-harapan sasabihin sa iyong nagsisinungaling ka. At ang imbistigasyon sa Senado hindi nagbibigay ng desisyon. Ang sa kanila imbistigasyon lang in-aid of legislation daw. Kasama na iyong mga pagpapasiklab para sikat at hindi nawawala sabi nga sa limelight.
Pwe!!!
*****
Ano nga raw kaya kung buhay pa si Marcos at siya pa rin ang presidente ng Pilipinas? Oo nga ano? Ano nga kaya? Sa palagay ko kung buhay pa si Marcos at siya pa rin ang presidente ng Pilipinas, ang sasabihin niya ay mabuhay si Marcos! Kasi ulyanin na iyon kaya ganun na lang palagi sasabihin niya. Parehas iyan ng nasa high school pa kami, nagtanong ang teacher na kung nabubuhay pa raw si Rizal maligaya kaya siya sa ginagawa ng mga kabataan ngayon? Sagot kaagad kaklase ko. Ang sabi ma’am hindi na ninyo makakausap ng matino iyon. Ulyanin na iyon. Ang isasagot sa inyo tiyak na mabuhay si Bonifacio. Iboto si Marcos! Ngek!
******
Naniniwala ba kayong hindi na mawawala ang korapsyon sa ating bansa? Kung ako ang tatanungin, naniniwala akong hindi na mawawala ang korapsyon sa ating bansa. Una ang korapsyon ay natututunan ito sa mismong pamilya natin. Ang bribery ay usong-uso ito sa mga magulang. Pag inutusan mo ang bata at ayaw sumunod ang gagawin ng ina o ng ama ay susuhulan iyong anak. Sige na anak, sundin mo na iyong inuutos ko at bibigyan kita ng pera, ibibili kitang tsokolate at anu-ano pang mga panunuhol. Pero kung ang prinsipyo mo ay tulad ng isang ama na ng pumasok ang isang magnanakaw sa bahay nila at doon nagtago at dumating ang mga pulis hanap ang mga magnanakaw at ang naabutan ay isang bata na doseng taong gulang, ayaw magsalita pero nang pakitaan ng pera at mga masasarap na pagkain agad-agad itinuro ang nagtatagong magnanakaw. Nang panahong iyon sa isang sulok, nagmamasid ang kanyang ama at nakita niya ang buong pangyayari sa inasal ng kanyang anak. Pagkaalis ng mga pulis dinala ang anak sa labas pinatayo sa harapan niya at binaril ito. Ang pangalan ng lalaki na ama ng bata ay si Mateo Falcone. Nakuha ba ninyo ang mensahe ng maikling kuwento? Masyadong marahas at napakalupit at maniwala kayo sa hindi wala marahil magulang ang makakagawa tulad ng ginawa ng Pranses na si Falcone. Pero kung mawawala ang ganoon kasamang ugali ng mga tao, mawawala ang korapsyon dahil umuusbong pa lang ay pinuputol na. Sabi nga ang paghubog sa tao ay sa murang gulang pa dapat dahil kung saka mo tuturuan ang isang tao sa kung saan ang sungay niya ay limang kilometro na ang haba ang mangyayari ay ikaw na ang susuwagin.

0 comments
new to catanduanestribune.com?
connect with us to leave a comment.
connect thru
Cancel
Cancel
Cancel
Other Tingnan Natin articles
home home album photo album blogs blogs