By By Jex F. Lucero
TAMPAD MO LINIG MO
posted 13 days ago  ·  
239 views  ·   0 comments  ·  

Ordinansang Tapat Ko Linis Ko sa lungsod ng Manila aprobado na. Ito ang napabalita ilang araw na ang nakalilipas. Magandang batas ito! Dapat naman talaga na ang maglilinis ng tapat mo ay ikaw mismong may-ari ng bahay. Ngayon kung hindi mo pag-aari ang bahay na tinitirhan mo pero nasa tapat ang basura obligasyon mo pa rin ang maglinis. Sana maging pambansang batas ito.

******

27 opisyal ng PNP sinibak dahil sa korapsyon. Ang dami, ano? Akalain mong opisyal ng mga pulis inalis sa serbisyo? Bakit kaya sa hanay nila madalas nangyayari ang mga ganyan, ano? Pero ang totoo niyan ay mangilanngilan lang sila. Sa ibang ahensiya ng gobyerno mas malala pa? Lalo sa hanay ng mga pulitiko kung bumanat ang mga iyan, hindi halata. At saka kung tumira ang mga pulitiko, hindi mga barya-barya. Milyones, bilyones pa! At kadalasan walang sabit. Ang galing nila, ano? Samantalang may mga kilala akong mga pulitiko kung tumira garapalan pa. Pakapalan talaga ng mukha! Proud na proud sila at mga mapagmalaki pa. At saksakan pa ng yayabang!

******

Pero ang lahat sabi nga ay may hangganan at may katapusan. Di ba ang dami ng mga pulitikong akala natin wala nang katapusan ang kasaganaan ng buhay nila. Pero nasaan na sila ngayon? Napupordoy din at kinakapos din ng hininga kaya ayon pag todos los santos, napapasama sa mga inaalayan ng mga kamag-anakan nila ng bulaklak. Kaya itong mga korap na ito sa gobyerno, ganyan din ang patutunguhan ninyo at iyang pagiging magnanakaw ninyo iyan ay masasama sa kasaysayan ng buhay ninyo at ng inyong pamilya na kayo ay kilala bilang mga magnanakaw sa gobyerno. At iyan ay magpapasalin-salin sa inyong lahi na kayo ay naging mga korap. Habang ang mundo ay mundo ang tatak ninyo ay tatak magnanakaw sa gobyerno! Hindi halata kasi sa puso ninyo nakatato ang salitang magnanakaw. Iyon ay kung may puso pa kayo?

******

Ayon kay VP Robredo, dapat ay ipatigil na raw ng gobyerno ang kampanya laban sa iligal na droga. Ano kayang nangyayari dito kay bise presidente? Siguro kaya gusto niya ang ganyan dahil hindi pa nabibiktima ang mga pamilya o kamag-anakan niya ng mga adik sa iligal na droga. O baka naman kaya ay sinasabi niya lang ang ganito dahil para siyang di susi na kung ano ang idikta ng mga kasama niya sa oposisyon ay siya ring ipuputak niya. O puwede ring ang katuwiran niya ay dahil sa kagagawan ng ilang mga pulis na nagrerecyle ng mga drugs. Na manghuhuli ng mga druglord pagkatapos ang gagawin sa droga ay irerecycle. Puwede ring katuwiran pero hindi dapat matigil ang kampanya laban sa iligal na droga dahil ang mga salot sa lipunan ay wala ring tigil sa kawalanghiyaan nila. Dapat sige lang hangga’t sa maubos ang mga kampon ni satanas.

******

Grabe sa totoo lang ginawa ng tinaguriang mga Ninja cops? Ang ginagawa nila manghuhuli ng mga pusher pagkatapos halimbawang ang nahuli nilang droga ay limang kilo, ang ilalagay nila sa report ay tatlong kilo lang at may dalawang kilo silang ibebenta ng tingi-tingi. Mga tarantado talaga ang mga pulis na iyon. Kaya papaanong mauubos ang droga sa Pilipinas samantalang ang mga hudas na iyon sa lahat ng mga hudas ay siya mismong naghuhudas sa kampanya laban sa droga. Kung totoo ang bintang laban sa mga Ninja cops dapat mabulok sila sa kulungan. Iyong hatol ng husgado na walang kapatawaran. Kung puwede bitay. Ang hirap pati mga pulis na matino ang ginagawa nadadamay. Tingnan ninyo ang tingin ngayon ng mga tao basta pulis masama at hindi dapat pinagtitiwalaan. Kasi nga sa totoo lang lalo sa malalaking siyudad ang may hawak ng masasamang loob tulad ng mga holdupper, mga snatcher, kidnapper, carnapper, at iba pang masasamang elemento ng lipunan ay mga pulis ang may hawak. Mula sa pinakamababang ranggo hanggang heneral. Di ba maraming pinangalanan si Duterte na mga heneral? Siya lang presidenteng walang takot na nagsiwalat ng ganyan. At alam natin na si Duterte rin ang tatapos sa mga tiwaling pulis dahil kung hindi bababa si Duterte sa trono niyang bigo at lulugo-lugo!


0 comments
new to catanduanestribune.com?
connect with us to leave a comment.
connect thru
Cancel
Cancel
Cancel
Other Tingnan Natin articles
home home album photo album blogs blogs