By By Jex F. Lucero
LINDOL
posted 12 days ago  ·  
210 views  ·   0 comments  ·  

“Tay, ang lakas ng lindol kagabi, ano po?” “Ha, lumindol ba kagabi anak?” “Oo naman Tay. Nay naramdaman ba ninyo iyong lindol?” “Wala naman ah?” “Meron, Nay, ‘kala ko nga kung napapano na kayo dahil narinig ko iyong mga ungol ninyo.” Hehehe, ibang lindol naramdaman ng bata, ano po? Ingat lang po tayo sa lindol at nauuso ito ngayon sa Mindanao. Nakikiramay po tayo sa mga naapektuhan ng malalakas na lindol sa Mindanao.

******

Ayon kay Rep. Salceda ng Bicol, ang Pilipinas ay kabilang sa mga bansa na may maraming eskuwelahan na lantad sa banta ng lindol. Na ang ibig sabihin ang mga bata o mga anak natin na nagsisipag-aral ay hindi ligtas sa mga paaralang pinapasukan nila. Napaka-delikado kung tutuusin. Pero iyon naman ay kung may lindol. Kaya dapat ngayong nararanasan ang lupit ni Mother Nature, dapat ay may ginagawa ng mga paghahanda ang gobyerno natin. Mga hakbang na makatutulong para mapaghandaan ang mga sakunang hindi natin alam kung kailan mangyayari.

******

May pinapanukala si Rep. Joey Salceda sa kongreso na gagawing isang Departamento ng gobyerno na may pangalang Department of Disaster and Resilience at sasailalim dito ang Phivolcs at iba pang mga opisina na may kaugnayan sa mga kalamidad. At mga sampung bilyong piso ang magiging budget nito bawat taon. Kasama na rin dito sa panukalang ito ang pagtatayo ng mga evacuations center. Maganda ang panukalang batas na ito ng Bicolanong kongresman. At least buong bansa makikinabang. At isa pa pag may mga kalamidad, alam na natin kung anong ahensiya ng gobyerno ang sasagot sa kung anong problema? Bilib ako sa mga kaisipan ni Kong. Salceda.

******

Parang hindi kakagat sa pain ni Duterte si Robredo sa alok na gawin itong drug czar. Marami ang kumokontra sa alok ni Duterte na ito raw ay isang patibong, pang-iinsulto, pang-uuto at kung ang-ano pa. Pero kung ako, tatanggapin ko. Tutal pag nabigo ako, sasabihin kong tabla na kami ni Duterte na walang nagawa sa giyera laban sa droga. Kung siya hindi umubra, ako pa kaya na isang bise presidente lamang at isang babae pa? Patas na ang laban na pareho kaming bigo. Ganoon lang sana ang naging kaisipan ni Robredo. Mahirap, babae kasi!

******

Siguro ang isa pa sa ikinatatakot ni Robredo ay baka kung siya na ang drug czar ay maglilitawan iyong mga ninja cops. Wala ngang mangyayari sa kampanya laban sa droga dahil balik-balik lang ito. Mabibigo at mabibigo ang babaeng bise presidente. Kaya sa kabilang banda tama rin iyong mga bumubulong kay Robredo na huwag tanggapin ang alok ni Duterte.

******

Ang mga taga-ibang bansa daw tulad ng mga Amerikano at maging mga intsik na hindi isinilang sa ating bansa pero matagal nang naninirahan sa atin ay sobra daw ang kabobohan pagdating sa pagsasalita ng ating sariling wika. Gusto kong maniwala dahil may mga kilala akong mga taga-ibansa na naninirahan na rito ng mga 20 anyos o mahigit pa pero nakanganga pa rin pagdating sa pagsasalita ng Tagalog o maging iba pang dialecto. Hindi naman natin sila dinidiscriminate pero lumalabas na mas magagaling tayong mga Pinoy maski papaano pag dating sa ngalang pagsasalita. Iyong coach ng GSM na si Tim Cone dito na lumaki ang mga bulati niyan sa tiyan niya pero kahit salitang “bakit” hindi niya alam. Ganun din si Coach Norman Black ng Meralco ang alam lang na Tagalog wala. Grabe dito na nagsitanda at nagkapamilya at nagkahanapbuhay pero hindi pa rin alam ang ibig sabihin ng sino ako?Grabe!

******

Palitan ng mga PBA player. Nawalan ng dalawang player ang Hotshot na sina Brondial at Herndon pumunta itong Alaska kapalit si Banchero. Kaya ang Hotshot ay may lima nang sekyu. Sina Barocca, Jalalon, Lee, Banchero at Melton. Hitik sa guwardiya ang Magnolia. Iba rin ang utak ng coach ni Noynoy Publico. Ayaw kumuha ng matatawag na legitimate center. Gusto panay mga unano.

*****

Ang boksingerong Pinoy na taga Cotabato na si Romero Duno ay parang tinamaan ng intensity 6.9 na lindol nang pabagsakin siya ng batang-batang boksingerong si Ryan Garcia sa unang round ng kanilang laban. Nawala iyong katawagan kay Duno na Ruthless. Ang naging ruthless ay si Garcia. Isang round lang! Matindi! Akala ko pakikitaan ni Duno ng pang intensity 7 si Garcia dahil totoy pa ito pero kabaligtaran ang nangyari. Sorry sa kababayan natin?


0 comments
new to catanduanestribune.com?
connect with us to leave a comment.
connect thru
Cancel
Cancel
Cancel
Other Tingnan Natin articles
home home album photo album blogs blogs